CHAPTER SIX
KUNG hindi lang naging mapilit si Ricardo ay walang balak na sumama si Laura sa party ni Arvie.
Nang dumating sila sa condo unit na tinutuluyan ng babae ay marami-rami na rin ang naroroong mga bisita. Tingin niya ay puro mayayaman.
"Ricky boy, long time no see," salubong sa kanila ng isang lalaki na may katabaan. Tinapik nito sa balikat si Ricardo, pagkuwa'y tumingin sa kanya.
"Mars, I'd like you to meet my wife, Laura,"
pagpapakilala sa kanya ni Ricardo.
"Totoo pala ang balita na nag-asawa ka na," anito na ngumiti sa kanya at inilahad ang kamay. "I'm Marco Recto. Buddy-buddy kami ni Ricardo during our college days," anito pa nang tinanggap niya ang pakikipagkamay nito.
Marami pang ipinakilala sa kanya si Ricardo, pero wala naman siyang gaanong matandaan. Natuon ang atensiyon niya sa papalapit na si Arvie sa kanila. Naka-red velvet minidress ito na halos humakab na sa buong katawan.
"Thanks for coming," anito sa kanila. Pero ang
mata ay nakatuon lamang kay Ricardo at pagkuwa'y hinalikan nito sa labi ang lalaki.
"Hello, Laura," anito sa kanya bago muling
bumaling kay Ricardo. "Siya nga pala, Ricky, may importante akong sasabihin sa iyo."
"Tungkol saan?" nakangiting tanong ni Ricardo.
"Mars, paki-entertain mo muna si Laura," anito sa lalaki. "May sasabihin lang ako kay Ricky."
"Honey, maiiwan muna kita," paalam sa kanya nito at hinalikan siya sa labi bago sumunod kay Arvie.
"Ako muna ang escort ni Laura, brod," nakangiting biro ni Mars.
Masayang kausap ang lalaki. Matindi ang sense of humor nito kaya hindi naman gaanong nainip si Laura. Pero ang isang bahagi ng utak niya ay na kay Ricardo at Arvie. Nagtataka siya sa matagal nitong pag-uusap at kung bakit kailangang pumasok pa ito sa isang silid. Ganoon ba ka-importante ang pag-uusapan ng
dalawa?
"Hey, hindi ka naman nakikinig," ani Mars. "Don't worry, ibabalik din ni Arvie ang mister mo," biro nito. "Hindi ka ipagpapalit noon kay Arvie, kilala ko si Ricardo."
Ngumiti siya sa sinabi ng lalaki. Nagulat pa siya nang may biglang yumakap sa likuran niya. Muntik na niyang maitapon ang hawak na baso na may juice.
"It's me, honey," ani Ricardo na hinahalikan siya sa leeg.
"Malapit ng mainip si Laura, brod," ani Mars. "Kung nagkataong nagtagal-tagal ka pa, tiyak outside the kulambo ka mamaya," biro pa ng lalaki bago sila iniwang dalawa.
"Ano ba ang pinag-usapan ninyo?" Curious na
tanong ni Laura.
Hindi sumagot si Ricardo, wari'y natitigilan.
"Importante nga talaga," aniya na may halong
pagseselos.
"Wala iyon. Nagpapatulong lang si Arvie sa
negosyo niya," sagot nito. "Don't tell me na nagseselos ka," tudyo nito.
"Hindi po," tanggi niya.
Iniharap siya ni Ricardo at tinitigan. Ibig niyang mailang sa paraan nang pagtitig nito. Naninibago siya, parang pinag-aaralan ang hitsura niya. Ibig bumangon ang kaba sa kanyang dibdib ng ngumiti ito.
"I can see in your eyes na nagseselos ka," anito sa pabirong tinig.
Bago pa siya nakapagsalita ay nag-dim ang ilaw at pumailanlang ang isang mabining awitin.
"Can I have this dance, my.... wife?" anito na titig na titig sa kanya habang inaabot ang kamay niya.
Pakiramdam ni Laura ay tumigil ang orasan, na ang tangi lamang gumagalaw ng mga sandaling iyon ay sila. Magkadikit ang mga katawan nila at napapikit siya sa kaligayahang nadarama.
"I love you," bulong ni Ricardo sa tainga niya.
Natapos ang party na hindi na lumapit sa kanila o kay Ricardo si Arvie. Pero hindi nakaila sa kanya ang palihim at madalas na pagsulyap sa kanila nito.
Nang makauwi sila sa bahay ay napansin niya ang pananahimik ni Ricardo. Para bang kay lalim ng iniisip nito.
"Saan ka pupunta?" tanong niya ng buksan nito ang pinto sa kuwarto.
"Mauna ka ng matulog. May aasikasuhin lang ako sa library," anito at tuloy-tuloy ng lumabas ng silid.
Natitigilan namang nakatitig lamang si Laura sa pinto. Nararamdaman niya na may problema ang lalaki at natitiyak niya na ang dahilan ay ang pakikipag-usap nito kay Arvie. Gusto niya itong tanungin pero sa isang bahagi ng puso niya ay may takot siyang nadarama.
Sa unang pagkakataon, mula ng magkasundo sila noon lang siya natulog na hindi katabi ang asawa. Gusto sana niyang sundan si Ricardo sa library pero minabuti niyang pabayaan muna ito. Naging napakalamig ng gabing iyon para kay Laura.
Nakatulog at nagising siyang nag-iisa sa silid nila. Iniisip niya kung nananaginip lang siya o ano. Nagulat pa siya ng bumukas ang pinto at nakangiting pumasok si Ricardo. May dala itong tray na puno ng pagkain.
"Good morning, hon," masiglang bati nito. "Breakfast in bed." Ipinatong nito ang tray sa kandungan niya. Pagkuwa'y may hinugot sa likod.
"For my very loving and beautiful wife," anito na inabot sa kanya ang pumpon ng rosas.
Natitigilang inabot niya ang bulaklak. Naninibago siya sa ikinikilos nito. Kagabi ay wala itong kibo. Bakit kabaligtaran naman ngayong umaga.
"T-thank you," aniya na ngumiti.
"I'm sorry about last night, honey," anito na naupo sa tabi niya. "Medyo nag-isip lang ako tungkol—tungkol sa problema ni Arvie,"
"Close ba talaga kayo?" tanong niya sa pinilit alisin ang nararamdamang pagseselos sa babae.
"We've been friends since our high school days," ani Ricardo. "Let's forget about her, okay? Nagugutom na ako," anito na hinawakan ang tiyan. "Tikman na natin iyang niluto ko."
NAGING abala ang lahat ng mga sumunod na araw para sa nalalapit na kaarawan ni Mrs. Gatchanova.
"Hija, napasabihan mo na ba ang mga magulang mo?"anang matanda minsang tinulungan niya ito sa pag-aayos ng halaman.
"H-hindi pa po, Mama," sagot niya na natigilan.
"Aba'y sabihan mo na. Para bago ang party ay
makapunta na kami sa inyo," nakangiting sabi pa nito. "Nang makadalo naman sila."
"Ma, siguro po, ah—ah, pagkatapos na lang ng party ninyo," aniya. "Hindi po kasi mahilig dumalo sa mga pagtitipon ang Tatay at Nanay ko."
Natigil sa ginagawa si Mrs. Gatchanova at
napalingon sa kanya.
"Huwag ka namang magagalit, hija, pero..." anito na hindi malaman kung itutuloy ang gustong sabihin. Tumayo ito at inalis ang suot na gloves. Inabot ang baso ng juice bago itinuloy ang gustong sabihin. "Ikinahihiya mo ba ang mga magulang mo?"
Nagulat siya sa sinabi ng matanda. Ni sa panaginip ay hindi niya magagawang ikahiya ang mga magulang. Bagama't mahirap lamang sila ay maipagmamalaki niya ang kanyang Tatay at Nanay na naging mabuting mga magulang sa kanilang magkakapatid.
"I'm sorry, kung na-offend kita, hija. Pero ako kasi ay nanggaling lang din sa mahirap na pamilya bago ko napangasawa si Rafael. Pero lagi kong ipinagmamalaki ang pinanggalingan ko."
"Okay lang po, Ma," ngumiti siya sa matanda. "Hindi ko po ikinahihiya ang mga magulang ko. Mahal na mahal ko ang Tatay at Nanay ko, maging ang mga kapatid ko. Wala akong pinangarap kung hindi ang mapaginhawa kahit paano ang buhay nila," paliwanag niya sa matanda. "Hindi ko alam kung p-paano ko ipapaliwanag sa inyo, pero iyon po ang naging pasya ko. Pagkatapos na lang ng party ninyo," aniya.
Tumango-tango ang matanda. "Naiintindihan kita, Laura," ngumiti ito sa kanya. "Na sa iyo pa rin naman ang pagpapasya."
"KAILAN mo balak sabihin ang lahat kay Ricardo?" tanong ni Clara.
"Hindi ko pa alam. Pero kumukuha ako ng
tiyempo. "Bahala na. Siguro pagkatapos na lang ng kaarawan ng Mama," aniya.
"Sana ay maayos na ang lahat," nakangiting sabi ni Clara sa kanya. "Sana'y maintindihan ka ni Ricardo."
"Iyan din ang lagi kong ipinapanalangin. Pero hindi mawala ang takot na nadarama ko sa tuwing iisipin ko ang maaaring mangyari kapag nalaman niya ang totoo."
MAGANDA at malawak ang resort na nabili ni Ricardo sa Zambales. Kabila lang noon ang baryo nila. Nasasabik na siyang makitang muli ang pamilya, pagkatapos ng ilang buwan niyang pananatili sa Maynila. "Pero kailangang pigilin muna niya ang sarili.
"Ang ganda!" ani Mrs. Gatchanova na inilibot ang paningin sa paligid. "The place is perfect, hijo."
"Do you like it?" tanong sa kanya ni Ricardo.
"O-oo," aniya na namamangha din sa kagandahan ng paligid.
Itinuro sa kanya nito ang private cottage na siyang ookupahin nila. Iyon ang pinakamalaking cottage sa lahat nang naroroon. Katabi nito ang malaking club house kung saan naroroon ang restaurant at mga in-door games.
"Kailan mo binabalak buksan ito," tanong ni Mrs. Gatchanova sa anak.
"Hindi pa siguro ngayon, Ma. I'm planning na dito na rin ganapin ang reception ng kasal namin," ani Ricardo na katabi niya sa upuan.
"Well, that's a bright idea," sang-ayon ng matanda. "Napaka-romantic ng lugar."
Maraming kinuhang katulong si Ricardo para siyang mag-ayos sa lugar na pagganapan ng kaarawan ng Mama nito. Nagpa-cater na lang ito sa isang sikat ng restaurant sa Maynila.
Nasa silid siya nang kumatok ang matanda. "Hija, I have something for you," anito na may inabot sa kanyang kahon.
Nagtatakang binuksan niya iyon. Hawaiian dress, bra at skirt na tinali lamang sa beywang.
"Wear it tonight at the party," nakangiting sabi nito. "Magpahinga ka na at mayamaya lamang ay magdaratingan na ang mga bisita natin from Manila."
Nakatulog siya. Ang gumising lamang sa kanya ay ang kaibigang si Clara. Bihis na ito ng tulad ng damit na bigay ng Mama ni Ricardo.
"Bagay ba? Hindi ba masagwang tingnan?" Conscious na tanong ni Clara habang umiikot sa harapan niya. Naiilang ito sa pagkakalitaw ng bahagi ng tiyan at binti.
"Oo, bagay sa iyo," aniya na kalalabas lang sa
banyo.
"Ang seksi mo, kaibigan," ani Clara nang mapatingin sa kanya. Suot na rin niya ang magkaternong hawaiian dress.
Ngumiti lang siya at humarap na sa salamin. "Nakita mo ba sa labas si Ricardo?"
"Kanina. At nandiyan na rin iyong maarteng bisita, si—Arvie," anito na nakisalamin din.
"Marami na ba ang bisitang dumating?"
"Medyo," anito. "Ang ganda nga ng pagkakaayos sa labas. Hawaiian party talaga. Pakiramdam ko nga nasa Hawaii ako, e."
Magkasabay na silang lumabas ng silid. Unang nahagilap ng mata niya si Ricardo. Marami-rami ng bisita at halos lahat ay naka-floral attire. Si Clara naman ay nawala na sa tabi niya habang umiikot ang mga mata niya sa paghahanap kay Ricardo.
"Good evening, Laura," anang isang tinig sa gawing likuran niya. Pamilyar sa kanya ang boses. Hindi siya halos makapaniwala nang makilala ang nagmamay-ari ng tinig. Pakiramdam niya ay tumigil ang paghinga niya dahil sa sobrang pagkabigla.
"R-Ric...!''