Larawan

8 1 0
                                    

Anong mahika ang bumabalot sa iyong ganda? Saan mang dako ituon ang paningin, ang iyong kariktan ang laging nakikita. Tila ba isang sumpa na hindi maalis kahit pa gumamit ng alinmang pangontra.

Sa kalangita'y nakaguhit sa mga ulap ang mayumi mong mukha. Sa batis ay singlinaw ng kristal ang repleksyon mo, sinta. Sa hardi'y nakikita kang masayang nakikipaghabulan sa mga makukulay na paruparo, minsa'y sumasabay sa indak ng mga bulaklak ng rosas at gumamela.

Ni-hindi kita magawang maiwaglit kahit pa sa panaginip. Doo'y malaya kitang nasisilayan, nahahagkan nang mahigpit, at naisasayaw nang walang katapusan. Masaya tayong naghahabulan sa burol at buong galak na iniuukit ang ating mga pangalan sa punong saksi sa ating pagmamahalan. Masaya ang bawat tagpo kasama ka, na kung maari'y huwag nang magising upang hindi na matapos ang inumpisahan nating walang hanggan... kahit sa panaginip lang.

Simula nang makilala ka, wala nang araw na hindi ikaw ang laman ng isip. Kahit mata'y ipikit lang ng saglit, sa isipan ko'y kusang pumapasok ang larawan mong pilit iwinawaglit. Tila ako'y nasisiraan ng bait. Nakasisindak isipin na sa likod ng aking isipan ay mga matang walang ibang nakikita kundi ang napakaamo at kaakit-akit mong wangis.

Siguro nga'y isa na itong kabaliwan. Siguro nga'y ako'y nahihibang na nang tuluyan. Kung lahat ng ito'y nag-ugat nang una kang masilayan, tama lang siguro na ituring kong isang sumpa ang makilala ka...

Isang napakagandang sumpa.

Minsan, Mahal Kita PalagiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon