Hindi sapat ang malalalim na paghinga upang pahupain ang nararamdaman. Nababalisa sa bawat minuto. Damang-dama ang mabagal na pag-agos ng oras, bawat segundo'y tila isang siglo. Malakas ang kabog ng dibdib, para bang nagpupumiglas sa bilis ng pagtibok nito.
Sa aking isip ay nagtatalo ang takot at pag-asa. Takot na baka ako lang ang nakaramdam ng damdaming dulot ay walang kasinglalim na ligaya. Takot na baka matapos mong marinig ang mga salitang mula sa kaibuturan ng aking dibdib ay magawa mong itanggi ang matagal na inilihim na pagtangi. Nabalot ng galimhim ang aking puso nang maisip na baka sa dulo ng kuwento ay walang mabubuong ikaw at ako.
Ngunit sa kabila ng mga pangamba, hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Umaasa pa ring sa daan patungong walang hanggan ay ikaw ang aking makakasama. Ikaw ang ritmo sa mga sinusulat na kanta. Ikaw ang pahina sa bawat librong inilalathala. Ikaw ang aking paghinga. Ang nawawalang piraso sa binubuo kong paraiso. Sa madaling salita, hindi ako kumpleto kung wala ka sa buhay ko.
Kaya walang dahilan upang tuluyang patayin ang ningas na nagbibigay liwanag sa aking damdamin. Patuloy na aasa na ito na ang magiging simula upang isulat ng mga bituin ang bagong kabanata ng pag-ibig na matagal inilihim. Handa nang isiwalat, handa na akong umamin.
BINABASA MO ANG
Minsan, Mahal Kita Palagi
ŞiirMga tula at talata na nagsasalay ng kuwentong pag-ibig. Isang pag-amin sa nararamdamang matagal na ikinubli. Sa loob ng maraming taon, ikaw at ikaw lang ang tinatangi Kaya't sa aking sarili, maski pa sa harap ng marami Hindi ko na talaga maitatanggi...