Sa dalampasigan kung saan ang kalangita'y kulay kahel na. Hindi lubos masukat kung gaano na kalayo ang natatanaw ng mga mata. Kasabay ng paglubog ng araw ay siya ring pagbagsak ng mga namumuong luha. Mga luhang dulot ng katotohanang hindi tulad ng natatanaw ng mga mata, ang pag-asang maging ako't ikaw ay may hangganan na.
Ang malamig na simoy mula sa harap ng aplaya ay tila ba nakikisimpatya sa kapighatiang nadarama. Bawat paghampas ng alon ay tila pag-anyayang magpakalunod sa malalim na kapanglawan. Hindi pa man tuluyang naghahari ang gabi, ang aking daigdig ay tila nababalot na ng karimlan. Ganito pala ang pakiramdam kapag unang beses kang masaktan at tanggihan?
May bahagi sa aking nais pakawalan ang nararamdaman at hayaang anurin ng mga daluyong tungo sa kawalan. Subalit ang mga gunita nating dalawa ay tila nagsilbing salbabida. Pilit akong iniaahon sa labis na kalungkutan, ibinabalik sa dalampasigan, at kinukumbinsing hintayin ang muling pagsikat ng araw. Wari bang naging malinaw ang lahat. Muling nakakita ng rason upang ipagpatuloy ang nasimulan. Handang maghintay para sa ating walang hanggan.
Palubog man ang araw sa mga sandaling ito, hindi magtatagal ay muli itong sisikat. Hindi kita susukuan kahit ilang beses pang mabigo.

BINABASA MO ANG
Minsan, Mahal Kita Palagi
ŞiirMga tula at talata na nagsasalay ng kuwentong pag-ibig. Isang pag-amin sa nararamdamang matagal na ikinubli. Sa loob ng maraming taon, ikaw at ikaw lang ang tinatangi Kaya't sa aking sarili, maski pa sa harap ng marami Hindi ko na talaga maitatanggi...