Chapter 07

699 34 6
                                    

PINIGILANG ni Precious ang pagtabingi ng ngiti sa kaniyang labi nang puntahan siya ni Madam Cherry sa kaniyang silid at dalhan ng isang may kalakihang box. Nang buksan niya iyon, sa isip niya ay hindi siya natutuwa sa kaniyang nakikita.

"Aanhin ko po ito, Madam?" taka pa niyang tanong kay Madam Cherry. Kahit na sa kaibuturan ng kaniyang puso ay mayroon na siyang ideya.

Matamis naman itong ngumiti sa kaniya. "Pang-disguise mo, Precious. Hindi ka puwedeng makilala ng anak ko. Aware naman ako na nakita ka na niya rito sa bahay. At kung mag-spy ka sa kaniya, hindi puwedeng malaman niya na ikaw 'yan. Kaya naisip kong bilhan ka ng pang-disguise mo. Paano? Maiwan na kita dahil maaga pa ang flight namin bukas. Good luck sa mission mo. Direct mong matatanggap ang allowance mo at monthly salary sa ATM na ibinigay ko sa iyo. Ingatan mo 'yon. Ganoon din ang cellphone mo."

Gusto sanang magreklamo ni Precious. Ngunit sino siya para gawin iyon?

Nang mapag-isa sa kaniyang silid na gamit ay napatingin pa siya sa laman ng box. Nakapatong iyon sa ibabaw ng kama.

Mayroon doong panglagay sa ngipin. Artificial teeth. Para magmukhang sungki ang mga ngipin niya. May wig din na nakatirintas na. At hindi mawawala ang itim na salamin.

Mayroon ding peke na nunal na ilagay daw niya sa pisngi niya.

"Ano ba 'tong pinasok ko?" anas pa niya habang sinusubukang ilagay sa kaniyang mukha ang mga kailangan niyang pang-disguise.

Nang matapos? Halos matulala pa siya sa kaniyang hitsura sa salamin. Kapag kuwan ay napatawa.

Nakakatawa naman kasi talaga ang kaniyang hitsura. Lalo na kung ngingiti siya. Ang pangit niya sa madaling salita.

Siguro naman ay hindi na siya makikilala ni Knight.

Dagling nabura ang ngiti sa labi niya nang maisip na sa ganoong hitsura siya makikilala ng maraming tao sa Radizon University.

"Pero kung ganito ang magiging hitsura ko, tiyak na walang papansin sa akin. Tama." Tumango-tango pa siya. Kapag kuwan ay napangiti. Ngiti na nauwi na naman sa halakhak dahil sa kakaiba niyang hitsura ngayon.

FIRST DAY of school. Pero hindi pa rin sanay si Precious sa kaniyang bagong ngipin. Inagahan din niya ang pagpasok sa Radizon University upang hindi siya ma-late.

In fairness kay Madam Cherry, may sarili siyang service. Isang customized van kung saan doon siya mag-aayos upang mag-disguise. Itago ang totoo niyang katauhan.

Pagbaba niya kanina sa van ay dire-diretso siya sa paglalakad. Walang lingon-likod.

Nagpalinga-linga pa siya. Mayroon ibinigay sa kaniya na map ng Radizon University upang hindi siya maligaw. Sobrang lawak niyon. Hindi niya mapigilang ang hindi mamangha.

Gusto sana niyang maglibot pa ngunit hindi na muna niya ginawa. Ang BSBA Department kaagad ang kaniyang pinuntahan. Katulad ng ibang department building, kay lawak at taas din niyon.

Hindi siya makapaniwala na makakapag-aral na siya sa kolehiyo.

"Dream come true," impit pa niyang wika.

Ibang klase ang Radizon University, kahit ang department building na kinaroroonan niya ay napakasosyal ng dating.

Para siyang nananaginip. Pero malinaw na nasa realidad siya.

Napasinghap si Precious nang may bumunggo sa kaniya. Muntik pang malaglag ang salaming suot niya.

"Pahara-hara," asik pa sa kaniya nang babaeng nakabunggo sa kaniya.

Napamaang siya. Siya na nga itong nabunggo, sa kaniya pa magagalit.

"Bulag ba siya? Ang lawak ng daan pero sa may tao pa dadaan," bulong na lamang niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 21 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Knight Radizon: The Campus PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon