HUMUGOT nang malalim na hininga si Precious habang mahigpit niyang kapit sa kaniyang dalawang kamay ang lumang bag na ibinigay pa ng kaniyang masungit na Tiyahin, nang manghiram ng bag ang kaniyang ina roon upang siya ay mayroong magamit. Luma na nga iyon at may butas pa sa gilid. Tinahi na lamang ng kaniyang ina para magamit niya.
Hindi rin inaalis ni Precious ang kaniyang tingin sa napakalaking mansiyon na ngayon ay nasa kaniyang harapan. Kulay puti na mansiyon na napakalaki at lawak.
Kung wala lamang siya sa Pilipinas, iisipin niyang may nakatirang Hari at Reyna sa malaking mansiyon na iyon.
"D-dito po talaga ako mamamasukan?" hindi pa rin makapaniwala niyang tanong sa kaniyang kasama na si Jacque.
"Oo, Precious."
"Sobrang laki. Palasyo na po yata 'yan, eh."
Tumawa si Jacque. "Palasyo talaga ito kung ituring dito sa San Agustin. Tara na sa loob." Sumenyas pa si Jacque sa guard na nasa loob ng mataas na rehas na gate na pagbuksan na sila ng gate.
Hindi naman nagtagal at bumukas na ang rehas na gate.
Pakiramdam ni Precious, nananaginip lamang siya ng mga sandaling iyon. Dahil sa kaniyang imahinasyon ay hindi ganoon ang kaniyang inaasahan na malaking bahay na kaniyang papasukan bilang isang kasambahay.
Seventeen years old na siya. At sa kasamaang palad ay hindi siya pinalad na mapasama sa mga ka-schoolmate niya na makakatuntong sa kolehiyo sa susunod na pasukan dahil walang kakayahan ang kaniyang ina na mapag-aral pa siya.
Single mother ang kaniyang ina sa kanilang apat na magkakapatid. Siya ang bunso. Ang tatlo niyang mga kapatid sa ina ay pawang may mga pamilya na rin dahil katulad niya, hindi rin napag-aral sa kolehiyo. Kaya pinili na lamang na mag-asawa. Puro babae sila. At ang kaniyang ina ay hindi sinuwerte sa pag-aasawa. Kung hindi kasi namatayan ng kasintahan ay niloko naman at iniwan. Katulad ng kaniyang ama na huli nitong nakarelasyon noon, akala ng kaniyang ina ay siya ng seseryoso rito. Ngunit iniwan lang din katulad ng mga nauna nitong karelasyon.
Sinasabi ng iba sa kaniya na makati raw ang kaniyang ina kaya iba't iba ang kanilang mga ama. Pero hindi niya sa ganoong paraan tinitingnan ang kaniyang ina. Nagmahal lang ito ngunit hindi pinalad sa mga lalaking minahal nito.
Maraming masasakit na salita na ibinabato sa pamilya nila ang mga tao. Kaya ilang beses na rin silang lumipat ng matitirhan. Literal na no permanent address sila.
Ang mga kapatid niya, buong akala ay makakawala na sa kahirapan ng kanilang buhay. Ngunit wala rin namang sinuwerte dahil kung hindi maling lalaki ay asa pa rin sa magulang ang nakatuluyan.
Sabi pa sa kaniya ng mga mapanghusga na tao, katulad ng kaniyang mga kapatid at ina, wala rin siyang mararating sa buhay.
Pero ni minsan naman, wala siyang narinig sa kaniyang ina na negatibo kapag sinasabi niya rito ang kaniyang pangarap...
"Nanay, bakit po kayo umiiyak?" isang gabi ay may pag-aalala pa niyang nilapitan ang kaniyang ina sa maliit na silid na kinaroroonan nito.
"Anak, pasensiya na," anito na mukhang nakakainom.
Oo nga pala, galing ito kina Aling Lupe, birthday niyon at may inuman kanina. Kagagaling lang kasi niya sa simbahan. Nagsimba siya at nanalangin.
"May nangyari po ba?"
Malungkot itong tumitig sa kaniya. "Kahit anong gawin ko, hindi ko talaga kakayanin na mapag-aral ka sa kolehiyo, anak. Patawad."
Nalungkot nang husto si Precious. Pakiramdam nga niya, piniga ang puso niya. Pero hindi niya ipinakita sa ina. Sa halip ay ngumiti pa siya rito. "'Nay, naiintindihan ko po. Wala kayong dapat na ikalungkot. Okay na po ako na iginapang ninyo ang pagpasok ko sa Senior High." Hinawakan ni Precious ang magaspang na kamay ng kaniyang ina dulot ng paglalaba. Isa kasi ang pagiging labandera sa pinasok ng kaniyang ina para lamang mayroon silang pangkain at pambaon niya sa school.
"Sa taas ng pangarap mo, anak, alam kong hindi mo gugustuhin na matengga ka lang. Habang ang mga kasabayan mo, nasa kolehiyo na. Kung puwede lang ibenta ang isang kidney ko, gagawin ko."
Mahigpit niyang niyakap ang kaniyang ina.
"Ayaw ko lang naman na maging katulad kita. Walang narating dahil walang pinag-aralan."
"Nanay, okay lang po ako. Magtatrabaho po ako para makaipon. Kapag may sapat na po akong ipon, pwede na po akong makapag-aral sa college. Ako na po ang bahalang dumiskarte, 'Nay..."
Simula nga ng gabi na iyon ay tinanggap na niya sa kaniyang sarili na hindi siya makakatuntong pa sa kolehiyo dahil kapos na kapos sila ng kaniyang ina. Wala rin naman sa mga kapatid niya ang tutulong sa kaniya.
Hayon nga at mukhang limot na sila ng kaniyang ina dahil nakatapos na lamang siya at lahat sa college ay hindi man lamang sila maalala. Kapag naman nag-te-text o chat siya sa mga ito, seen lamang ang natatanggap niya.
Kahit nga ang pamimigay ng fliers sa palengke ay pinatos niya para lamang magkaroon ng pagkakakitaan.
Doon niya nakilala si Jacque na tinulungan niya sa marami nitong dala-dala na pinamalengke nito. Uuwi raw kasi ito sa bahay ng mga magulang nito. At surpresa iyon kaya napakaraming dala na pasalubong.
Pabiro pa siya nitong inalok na mamasukan na lang din sa pinapasukan nito bilang isang kasambahay. Malaki ang pasahod ng amo nito at hindi matapobre.
Dahil sa may kalakihang sahod kaya naman hindi siya nakipagbiruan kay Jacque. Nakiusap agad siya rito na kung may vacant pa sa pinagtatrabahuhan nito ay gusto niyang mag-apply. Sakto naman na hiring nga sa pinagtatrabahuhan nito dahil may isang kasambahay ang umalis at nakipagtanan sa hardinero ng kapitbahay.
At ang pagkakataon na iyon ay hindi na niya tinanggihan pa. Tiyak niya na makakaipon siya dahil stay in sa naturang bahay at libre din ang pagkain. Umiral ang pagiging praktikal niya.
And the rest is history.
Heto na siya ngayon, papasok sa malapalasyong mansiyon.
"Maganda rito, Precious. Walang pakialamanan sa trabaho na naka-schedule sa iyo. Every two days ay mayroong rotation sa trabaho. Kapag naman natuto ka na, hindi ka na mahihirapan."
"Ate Jacque, wala akong hindi kakayanin. Salamat sa chance na 'to. Pagbubutihin ko para wala silang masabi sa akin na masama at maging dahilan para ma-evict ako sa palasyo na 'to."
"Precious, may isang bagay ka lang na pakatatandaan."
"Ano po 'yon?" nakangiti pa niyang tanong.
"Huwag na huwag kang hahara sa daraanan ni Sir Knight."
"Sir Knight?" ulit niya sa pangalan na binanggit ni Jacque.
"Oo. Ayaw niyang may nakikitang maid. Ewan ba sa anak nina Madam Cherry at Sir Lendon. Ang puwede lang lumapit sa kaniya ay ang butler niya."
Butler, ulit niya sa kaniyang isipan. Napakayaman nga talaga ng pamilya na iyon.
"Tatandaan ko po 'yan."
Ngumiti si Jacque. "Good. Sandali," ani Jacque na hinila pa siya palayo sa main door ng mansiyon.
"Bakit?"
"Hindi tayo puwedeng dumaan sa front door, Precious. Tayong mga kasambahay, doon sa likod dadaan. Hmm?"
"Ah," agad niyang react. Oo nga pala, hindi siya bisita roon. "Saan po ba ang daan?" natatawa niyang tanong.
"Dito," iminuwestra ni Jacque ang daan at wala ng salita na sumunod siya rito.
Kahit sa gilid ng mansiyon, wala siyang masabi. Sobrang gaganda ng mga halaman. Napakalawak din. Para talagang nasa palasyo siya. May natanawan pa siyang maze sa likuran ng mansiyon.
Nag-e-exist pala talaga ang ganitong lugar. Buong akala niya, sa mga palabas lamang mayroon.
'Nay, tingin ko, matutupad na po ang pangarap ko. At dito po sa lugar na ito iyon mag-uumpisa, aniya sa kaniyang isipan. Fighting, Precious!
BINABASA MO ANG
Knight Radizon: The Campus Prince
Novela JuvenilIsa na yata sa pinakamasuwerteng babae sa Radizon University si Precious. Paano ba naman? Ang tinitilian ng lahat na si Knight Radizon, na malamig pa sa yelo ay kasa-kasama niya sa iisang bahay. Oo, magkasama sila sa iisang bahay. Pero hindi dahil b...