"ATE JACQUE, wala naman po akong virus, eh," halos mangiyak-ngiyak na wika ni Precious kay Jacque nang isang umaga ay ito ang maghatid ng kaniyang pagkain.
Nakasuot pa ito ng PPE o Personal Protective Equipment. Katulad ng mga frontliner na nakikita niya noong panahon ng pandemya.
Para kay Precious, sobrang overacting talaga ng amo nilang si Knight.
"Precious," ani Jacque. "Alam ko naman 'yon. Pero nakita ka ni Sir Knight sa bayan kung saan marami kang kahalubilong mga tao."
"Bakit po ang overacting niya?"
"Wala tayong magagawa sa utos niya. Hayaan mo na. Magpahinga ka na lang dito."
"Hindi ko naman po maatim na walang ginagawa."
"At wala ka rin namang magagawa, Precious. Kailangan mong manatili rito ng hanggang limang araw. Kailangan mong tapusin 'yon. May TV naman dito kaya hindi ka maiinip. Ang mahalaga, hindi ka nawalan ng trabaho. At nangako naman si Butler Jules na hindi rin mababawasan ang sahod mo."
Malungkot na bumuntong-hininga si Precious. "Sana pala, tumalikod na lang ako noon sa may kalye habang kumakain ng isaw. Para hindi ako namataan ng amo natin."
"Nangyari na at hindi na maibabalik pa. Ano ka ba? Cheer up. Kahit sinong kasambahay rito, naiinggit sa iyo."
"Ano po ba ang nakakainggit sa sinapit ko?"
"Limang araw ka lang namang walang gagawin. Narito ka lang. Kain, tulog, nood ng TV lang ang gagawin. Parang buhay Prinsesa."
"Kung puwede nga lang pong makipagpalit. Mas gusto ko pong magtrabaho at may gawin. Hindi po 'yong narito lang ako sa apat na sulok ng silid na ito. Sumasahod pero wala namang ginagawa."
"Kumain ka na, Precious. Mabilis lang lilipas ang limang araw. Maiwan na kita, ha? May gagawin pa ako."
"Sige po. Salamat po sa paghatid ng pagkain."
Ngumiti ang mga mata ni Jacque bago ito tuluyang umalis. May suot din kasi itong facemask kaya mga mata lang nito ang nakikita niya.
Muling napabuntong-hininga si Precious. Kung ang iba ay kinaiinggitan siya, kabaligtaran naman ang nararamdaman niya.
Dahil sa nangyari, talagang sinikap ni Precious na hindi talaga magkrus ang landas nila ni Knight kahit nasa iisang bubong lamang sila. Malawak man ang mansiyon, doble ingat pa rin siya. Kahit nga ang ibang mga kasambahay ay sinabihan na rin niya na kung mapapansin ng mga ito na paparating si Knight, sabihan agad siya para makalayo siya.
Ayaw niyang mawawalan ng trabaho dahil may pangarap siyang kailangang tuparin.
"Ipinatatawag ka ni Madam Cherry, Precious."
Napakurap-kurap si Precious dahil sa sinabing iyon ni Jacque. "B-bakit daw po? Mawawalan na ba ako ng trabaho?" Ginagawa naman niya ang best niya para hindi maalis sa mansiyon.
Nasa Radizon's Mansion ang mag-asawang Radizon. Ilang beses na rin niyang nakita ang mag-asawa. Dahil minsan, siya ang nagsisilbi sa mga ito. Pero hindi siya lumalapit kapag naroon si Knight.
"Hindi ko alam, Precious. Pumunta ka na lang sa Study Room. Naroon si Madam ngayon."
"Kasama po si Sir Lendon?"
"Hindi."
Abot langit ang kaba ni Precious nang hayunin niya ang Study Room na nasa pangalawang palapag ng malaking mansiyon na iyon.
Kumatok pa siya ng tatlong beses bago buksan ang malaking pintuan. Malamig sa loob niyon. Pinigil ni Precious na yakapin ang kaniyang sarili dahil sa lamig.
BINABASA MO ANG
Knight Radizon: The Campus Prince
Roman pour AdolescentsIsa na yata sa pinakamasuwerteng babae sa Radizon University si Precious. Paano ba naman? Ang tinitilian ng lahat na si Knight Radizon, na malamig pa sa yelo ay kasa-kasama niya sa iisang bahay. Oo, magkasama sila sa iisang bahay. Pero hindi dahil b...