KAHIT na nasa iisang bubong lamang sila ni Knight Radizon, tinalasan na talaga ni Precious ang kaniyang mga mata. Baka kasi sa pangatlong pagkakataon na magkaharap sila ay marinig na niya ang salitang 'You're fired.' Iyon ang ayaw pa niyang mangyari.
Lumipas naman ang isang buwan nang matiwasay. Tuwang-tuwa pa si Precious dahil nang makuha niya ang kaniyang unang sahod, naghintay lang siya ng kaniyang day-off at isinagawa ang pagbisita sa kaniyang ina.
Bago siya bumili ng foam na hihigaan ng kaniyang ina, ikinain muna niya ito sa isang sikat na fast food chain.
"Sigurado ka bang okay ka lang sa pinagtatrabahuhan mo, anak?" paninigurado pa ni Nanay Esme kay Precious habang kumakain sila.
"Nanay, okay na okay po ako. Kita naman po ninyo sa katawan ko na hindi naman po ako nangangayayat. Isa pa po, mababait po ang mga kasama ko sa mansiyon. Mas madalas na wala po ang mga amo namin kaya nakakakilos po ako nang maayos."
"Mabuti naman kung ganoon. Nag-aalala lang kasi ako at hindi ka naman sanay."
"Proud ko pong maipagmamalaki sa inyo na magaling na po ako sa gawaing bahay. 'Nay, kain lang po kayo."
"Salamat, anak," nakangiti pang wika ni Nanay Esme kay Precious.
Ang buong araw na iyon ay inilaan niya sa kaniyang ina. Binilhan din niya ito ng ilang pirasong damit at nag-grocery din siya para may stock ang kaniyang ina sa bahay na tinitirhan nito.
"Baka naman hindi ka na nagtira pa ng para sa sarili mo, anak," ani Nanay Esme nang makauwi sila sa kanila.
Ngumiti siya sa kaniyang ina. Malaking bagay sa kaniya ang mapasaya ang ina sa araw na iyon. Kahit gumastos man siya, pero walang katumbas na halaga iyong makitang ngumiti ang kaniyang ina. At maparanas dito iyong hindi nila basta-basta nararanasan dahil salat sila sa pera.
Ang sarap magpasaya ng magulang na walang ginawa kung 'di ang itaguyod siya. Ngayon, masasabi niyang, siya naman.
"'Di ba, nag-iipon ka para sa pagpasok mo sa college? May kinikita pa naman ako sa pag-ekstra at paglalaba, anak."
"Nanay, deserve mo po kung ano man ang ibigay ko sa inyo. Ngayon po, mas masarap na ang tulog ninyo dahil malambot na ang inyong hihigaan. At saka po, kahit paano, may mga importante na kayong stock dito sa bahay. Sa susunod na sahod ko, 'Nay, budget naman po sa munting sari-sari store ang paglalaanan ko."
Ganoon na lamang ang pag-iling ng kaniyang ina. Hinawakan pa nito ang mga kamay niya. Nang mga sandaling iyon ay nakaupo sila sa gilid ng higaan na malambot na ngayon dahil sa kutson niyon.
"Anak, pag-aaral mo ang atupagin mo."
"Sa pangatlong sahod ko po, 'Nay. Saka ako mag-iipon para sa aking pag-aaral. Huwag po kayong mag-alala dahil dalawang taon ang ilalaan ko sa trabahong 'to para makaipon po para sa aking pag-aaral. At 'wag po ninyo akong alalahanin dahil palagi po akong nasa maayos na kalagayan sa mansiyon. 'Nay, kayo po 'yong inaalala ko rito," ani Precious na lumamlam pa ang mga mata. "Mag-isa lang po kayo."
Bumuntong-hininga naman si Nanay Esme. "Napakasuwerte ko sa iyo, anak. Ikaw lang 'tong anak ko na nag-aalala para sa akin. Alam mo naman ang mga kapatid mo, kahit mangumusta kahit walang kailangan, hindi magawa. Nang kumustahin ko naman ang Ate mo, ang sabi sa akin, wala siyang pera." Lumungkot ang mukha ng kaniyang ina. Parang maluluha pa ang mga mata. "Masama na pala ang mangumusta ngayon, anak."
"'Nay, 'wag po kayong mag-alala, hinding-hindi po ako tutulad kina Ate na kakalimutan kayo. Mahal na mahal ko po kayo." Mahigpit pa niyang niyakap ang ina. "Mangako ka po sa akin, 'Nay. Aalagaan mo ang sarili mo."
BINABASA MO ANG
Knight Radizon: The Campus Prince
Roman pour AdolescentsIsa na yata sa pinakamasuwerteng babae sa Radizon University si Precious. Paano ba naman? Ang tinitilian ng lahat na si Knight Radizon, na malamig pa sa yelo ay kasa-kasama niya sa iisang bahay. Oo, magkasama sila sa iisang bahay. Pero hindi dahil b...