HINDI pa rin makapaniwala si Precious sa bagong trabaho na papasukin niya. Hindi na siya magiging kasambahay sa malaking mansiyon na iyon. Ngunit may ibang trabaho na naghihintay sa kaniya bilang isang estudyante.
Hindi na rin niya kinailangan pang magpaliwanag kina Jacque dahil nang puntahan siya nito sa kaniyang silid na gamit ay alam na rin nito na hihinto na siya sa pagiging isang kasambahay.
"Congrats, Precious. Makakapag-aral ka na sa kolehiyo. 'Di ba, 'yon naman ang pangarap mo kaya gustong-gusto mong magtrabaho?"
May ngiti sa labi na tumango si Precious. "Oo, Ate Jacque. At tulay ka sa pangarap kong 'to." Dahil kung hindi dahil sa tulong nito? Wala siya roon ngayon. Wala ring magandang kinabukasan na naghihintay para sa kaniya.
"Pagbutihin mo para hindi mawala ang scholarship mo."
Scholarship?
Iyon ba ang sinabi ni Madam Cherry kina Jacque? Na magiging scholar siya? Sabagay, kapag ganoon ay wala ng marami pang paliwanagan.
"Hindi ko po sasayangin ang pagkakataong ibinigay ni Madam. Dahil hindi lahat, pinapalad na makakuha ng scholarship. Tapos, sa Radizon University pa mag-aaral."
Ang naturang unibersidad ay matatagpuan sa pinaka-siyudad ng kanilang probinsiya. Isang bayan lamang ang pagitan niyon sa San Agustin. At sa pagkakaalam niya, puro mayayaman ang nag-aaral sa naturang unibersidad.
Pangarap niyang makatapos sa pag-aaral, pero hindi niya pinangarap na makapasok pa sa Radizon University dahil suntok iyon sa buwan. Pero ngayon, binigyan siya ng tiyansa para matupad ang pangarap niya. Sobra-sobra pa dahil sa Radizon University siya mag-aaral at may sahod pa siya. Bagay na malaking tulong para makaipon siya. Idagdag pa na may bagong matitirhan ang kaniyang ina na hindi na kakailanganin pang umupa. May instant negosyo pa.
At habang papalapit ang pasukan sa unibersidad, pinadalhan na rin siya ng ilang pares ng uniform. May mga gamit na rin siya para sa kaniyang pag-aaral. Hindi lang iyon, may mamahaling cellphone pa na ibinigay sa kaniya si Madam Cherry. Para daw sa magiging trabaho niya.
"Pinalilipat ka na ni Madam Cherry sa isa sa guest room, Precious," isang umaga ay anunsiyo sa kaniya ni Jacque.
Napaawang ang labi ni Precious sa narinig na iyon. "S-sa guest room?"
"Masyado raw maliit ang silid na 'to para makapag-concentrate ka sa pag-aaral."
Buong akala niya, doon lang siya magtatago habang instant spy siya ni Knight.
Napalunok siya. "Ate Jacque, hindi ko kakayaning lumipat sa guest room. B-baka magkrus pa ang landas namin ni Sir Knight. Eh, daig pa noon ang pinaglihi sa sama ng loob. Baka sa sunod naming pagkikita, ipatapon na lang niya ako sa labas ng mansiyon."
Napatawa naman si Jacque. "Hindi 'yon mangyayari. At saka, sagot ka naman ni Madam Cherry."
"Palagi silang wala rito, Ate Jacque."
"Galingan mo na lang sa pag-iwas. Sige na, ihanda mo na ang mga gamit mo at tutulungan ka namin sa paglilipat sa taas."
"Ate Jacque, pakisabi naman kay Madam na okay na ako rito."
"Kaaalis lang nila."
Laglag ang balikat na walang nagawa si Precious. Dahil wala rin daw si Knight, kaya naman sinulit ni Precious ang paglilipat ng mga gamit niya sa pangalawang palapag ng mansiyon.
"Kailangan natin ng two-way radio, Ate Jacque," ani Precious nang matapos sila sa pag-aakyat ng kaniyang mga gamit.
"Para saan?" natatawa naman nitong tanong.
"Hindi talaga ako masaya na narito ako sa guest room. Baka biglang sumulpot ang kinatatakutan ko rito."
Tinapik siya sa balikat ni Jacque. "Relax. Double lock mo na lang ang pinto mo. Lahat ng kasambahay, alalahanin mong pangarap ang kung ano mang mayroon ka ngayon. Dahil hindi lahat, kasing suwerte mo."
Napabuntong-hininga si Precious. Tama naman si Jacque, hindi lahat, kasing suwerte niya.
Para tuloy siyang isang magnanakaw na pupuslit sa tuwing lalabas siya sa gamit niyang silid para hayunin ang kusina. Doon kasi siya kumakain. Panay rin ang lingon niya sa paligid at baka naroon si Knight.
Sa tuwing lilipas ang buong araw na hindi niya ito makikita, nakakahinga talaga siya nang maluwag.
Ilang araw na lamang at pasukan na. Nagpaalam siya kay Madam Cherry na dadalawin niya ang kaniyang ina na kalilipat lang din sa bago niyong bahay. Totoong tinupad ni Madam Cherry ang pangako nito sa kaniya. Kahit ang ina niya ay hindi rin makapaniwala.
"Secret lang natin sa lahat, 'Nay," ani Precious nang ikuwento niya rito ang dahilan kung bakit sa isang pitik ng daliri sa kamay ay nagbago ang buhay nila. "Sa lugar na 'to, makakapagsimula ka na ng bagong buhay. Malayo sa stress," nakangiti pa niyang dagdag. "At puwede rin po kitang madalaw rito basta hindi ako busy kapag weekend."
"Salamat nang marami, anak," ani Nanay Esme nang yakapin nang mahigpit si Precious. "Pakiramdam ko, nananaginip pa rin ako. Ang ganda nitong bahay. Nakapangalan din sa akin ang titulo ng bahay at lupa. May sarili pang pagkakakitaan."
Alam niyang deserve ng kaniyang ina ang kung ano man ang mayroon ito ngayon.
"Huwag po muna sanang makakarating sa mga kapatid ko na narito kayo at may maganda ng buhay. Matapos ng hindi nila pagpansin sa atin noong nangangailangan tayo o nangangamusta lang, saka sila susulpot. 'Yon po 'yong ayaw kong mangyari na parang wala na lang 'yong hindi nila pamamansin."
"Nauunawaan ko kung saan ang hugot mo, anak. 'Wag kang mag-alala at hindi makakarating sa mga kapatid mo na narito ako."
"'Nay, pasensiya po, hindi ko kayo masasamahan dito sa araw-araw."
"Huwag kang mag-alala dahil may kasamahin naman ako rito."
Wala talaga siyang masabi kay Madam Cherry dahil binigyan din nito ng kasambahay ang kaniyang ina. Pinagaan talaga nito ang buhay nila. Ang ikinatatawa pa nga ng kaniyang ina, may sarili pa itong security guard. Para daw itong totoong mayaman.
At ang mga kasamahin nito sa bahay ay pawang mga pasahod ni Madam Cherry.
Kaya heto siya, nangangakong pagbubutihin ang pagiging spy kay Knight oras na magsimula na ang pasukan.
Life changing, iyon lang ang tangi niyang masasabi.
BINABASA MO ANG
Knight Radizon: The Campus Prince
Novela JuvenilIsa na yata sa pinakamasuwerteng babae sa Radizon University si Precious. Paano ba naman? Ang tinitilian ng lahat na si Knight Radizon, na malamig pa sa yelo ay kasa-kasama niya sa iisang bahay. Oo, magkasama sila sa iisang bahay. Pero hindi dahil b...