Chapter 03

777 40 11
                                    

"PRECIOUS, ano'ng ginagawa mo rito?"

"A-Ate Jacque," halos nanginginig na wika ni Precious kay Jacque nang makita ito.

"Ano'ng nangyari sa iyo? Bakit parang kabadong-kabado ka?"

Lumingon pa si Precious sa kaniyang pinanggalingan. Natatakot siya na baka mayroong nakasunod sa kaniya.

"Tingin ko, matatanggal na ako sa trabaho." Ikinurap-kurap pa niya ang mga mata na naluluha.

"Bakit? May nasira ka bang gamit? Nabasag?"

Umiling siya. "H-hindi ko naman sinasadya, eh."

"Sandali nga," anito na hinila siya sa isang sulok. "Ano ba ang nangyayari sa iyo? Kalma. Relax ka lang."

Paano ba siyang kakalma?

"Ate Jacque, nakaharap ko ang... ang anak ng amo natin. Si... si Sir Knight. Promise, hindi ko sinasadya na humarang sa daraanan niya. Hindi ko naman alam na bigla siyang susulpot."

Hinawakan siya ni Jacque sa magkabila niyang balikat. "Precious, kalma. Kung hindi ka ipapatawag ni Sir Knight, kumalma ka lang."

"Pero sabi mo kasi—"

"Makiramdam tayo. Hmm?"

"Ate Jacque, malaking tulong sa akin ang trabaho rito. Mababait ang mga kasama ko. Ayaw kong mawalan ng trabaho," naluluha niyang wika. Gusto pa naman niya sa unang suweldo niya na maibili niya nang malambot na kutson ang kaniyang ina.

"Tara muna sa kusina para makainom ka ng tubig."

Sa sobrang pagkapraning ni Precious, panay ang tingin niya sa kaliwa't kanan para lamang masiguradong walang Knight Radizon sa paligid.

"Okay ka lang ba, Precious?" tanong pa sa kaniya ni Nana Badeth.

"Nakaharap niya si Sir Knight," ani Jacque na agad na kumuha ng isang basong tubig. "Natatakot si Precious na baka raw ipatanggal siya sa trabaho."

"Nagkita na kayo ni Sir Knight?" para bang mas natuwa pa si Nana Badeth sa nalaman.

"Kaya nga po takot na takot," ani Jacque.

Tinapik naman siya sa balikat ni Nana Badeth. "Kakausapin ko si Sir Knight kapag ipinatanggal ka niya. 'Wag ka ng kabahan, Precious. Wala ka naman sigurong ginawang masama."

"Wala po. Sana nga po, 'wag akong tanggalin. Okay lang po ba na sa ibang parte na lamang ng mansiyon ako magtrabaho? 'Yong... 'yong hindi ko po sana basta-basta makikita si Sir Knight."

"Sige, Precious," pagpayag naman ni Jacque.

Bawat oras na lumilipas, hindi mawala ang kabang nararamdaman ni Precious. Sino ba naman ang hindi kakabahan kung maaari siyang mawalan ng trabaho?

Ayaw makakakita ni Knight ng kahit na sinong kasambahay. Siya? Humarang pa mismo sa harapan nito.

At nang sumapit ang gabi, laking pasasalamat ni Precious na walang amo na nagpatawag sa kaniya.

"Kita mo na?" nakangiti pang wika ni Jacque nang puntahan siya nito sa silid na gamit niya. "Siguradong pinalampas ni Sir Knight 'yong nangyari kanina. Kalimutan mo na 'yon at matulog ka nang mahimbing. Dahil bukas, may trabaho pa ring naghihintay sa iyo."

Hindi mapigilan ni Precious na hindi yakapin si Jacque. "Salamat, Ate Jacque."

"Wala 'yon," nakangiti nitong tugon. "Matulog ka na."

May ngiti sa labi na tumango siya.




Knight Radizon: The Campus PrinceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon