Niyakap ako ng malamig na simoy ng hangin habang tanaw ko ang kalmadong agos ng tubig sa ilog. Maraming naliligo, karamihan kabataan na nagsasaya. Tila walang pagsidlan ang saya na nababakas sa kanilang mga labi. Talon dito, talon doon. Basaan dito, basaan doon. Tawa rito, tawa roon.
I’m with my cousins sa mother side. Umuwi ako sa kinalakihang probinsya ni mama dahil dito ko talaga palaging pinipiling magbakasyon kasi dito ko nararamdamang malaya at masaya ako.
Tahimik ako sa isang gilid, kanina pa nila ako pinipilit na tumalon at makihalubilo sa kanila pero tumatanggi ako’t mas piniling panoorin sila habang binabantayan ang mga gamit namin. Nakatungtong ako sa isang malaking bato, nakalublob ang mga paa sa tubig.
“Maligo ka na, Chy! Babasain kita!” banta ni Keycie sa akin.
“Subukan mo lang, isusumbong kita kay Uncle Buboy na may jowa ka na!” sagot ko at tumawa.
Wala siyang nagawa at lumangoy palayo sa akin. Mas nasisiyahan akong panoorin sila. Kuha lang ako nang kuha ng litrato para i-post sa social media accounts ko at magsilbing alaala.
Tahimik ako sa isang gilid hanggang sa may mga bagong dating na kabataan. Tinitingnan ko sila, pamilyar kasi galing din naman sa barangay namin. Ngumiti pa sa akin ang isa nang makilala ako at hindi rin naman ako nag-atubiling tugunan iyon.
Babati pa sana ako at kakaway kung ’di ko lang makilala ang lalaking kasunod niya. Napawi ang ngiti ko at naibagsak ang kamay sa hita. Napatingin din siya sa akin, bahagyang nanlaki ang mga mata.
“Chy?”
Hindi agad ako nakasagot. Tinitigan ko siya, mula sa makapal niyang kilay, mapang-akit na mga mata, matangos na ilong, at natural na mapupulang labi. Gano’n pa rin ang itsura niya mula no’ng huli ko siyang makita. Hindi nagbago, bukod sa naging matikas ang kaniyang pangangatawan.
‘Yong lalaking minahal ko at naging dahilan nang pag-uwi ko tuwing tag-init. Nakita ko ulit, matapos ang dalawang summer na hindi siya nagpakita sa akin.
“Brent . . .”
“Ang tagal kitang hindi nakita. Dalawang taon din ‘yon ah?” sabi niya at umupo pa sa tabi ko.
“Bumabalik ako rito. Hindi ka nagpapakita. Bakit?” Pinagmasdan ko siya.
Nawala ang saya niya kanina nang makita ako. “I’m sorry, nakahanap ako ng iba. Hindi kita nahintay. Hindi ko kasi kaya na malayo ka.”
Alam ko naman ‘yon, kaya nga hindi ko na siya hinahanap sa tuwing umuuwi ako. Alam ko kasing hindi na ako. Hindi naman pwedeng ipilit ko ang sarili ko.
Ngumiti ako, pilit. “Ayos lang, B. Ayos lang kahit walang pasabi man lang. Ayos lang na pinag-isip mo ako nang bigla ka na lang hindi magparamdam. Ayos sana tayong dalawa eh, kaso sinira mo. Alam mo ba ‘yun? Mahal kita tapos bigla mo ‘kong binitiwan, kumapit ka sa iba. Pero ayos lang, hindi ako galit.”
Tinitigan niya ako, mata sa mata. “Na-miss kita.”
Umiwas ako at napatingin sa malayo.
“Hindi na tayo pwedeng dalawa . . .”
“Wala na kami, Chy. Baka pwedeng ayusin ko ang atin?”
Natawa ako nang mahina. “No, B. Hindi na maaayos ang atin. May boyfriend na ako.”
“Napalitan na ako?”
Natawa ako sa tanong niya. “Oo, pero hindi singbilis kung paano mo ‘ko agad na napalitan.”
Matapos kong sabihin iyon, tumalon ako sa tubig kahit wala naman talaga sa plano ko ang maligo.
Ayaw ko na siyang makaharap. Ayaw ko na siyang makausap.
YOU ARE READING
Summer Time Madness
RandomA season to feel the love, to have a fresh start, rainbows and sunshines. But there were also times where we experienced summer with tears, heartbreaks, thunders, and hurricanes. Discover a kaleidoscope of tales brimming with warmth, adventure, and...