Entry #6

7 3 0
                                    

Emina_Daisuki

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Emina_Daisuki

Hindi ko alam kung saan nanggaling ang kakapalan ng mukha ng mga tao rito. Kung makasabi ng mga hindi at dapat kong gawin, akala mo sila ang bumubuhay sa akin at nagbabayad ng bills ko.

“Aliyah! Bumalik ka rito!” sigaw ni Mama pero hindi ko siya nilingon.

Patuloy pa rin ako sa pagtakbo paalis ng bahay ko. Hindi ko siya nilingon dahil mas lalo lang akong maiinis. Grabe naman kasi. Matanda na ako!

I am already 25 pero si Mama tinatrato pa rin akong parang 5 years old. Lagi akong dinidiktahan. Ito ang gawin ko, hindi dapat iyon. Utos dito, utos doon. Nakakarindi!

Ilang minuto rin akong tumatakbo hanggang sa marating ko ang tagpuan namin ni Joshua. Isa itong treehouse na siya rin ang gumawa para lang may tambayan kami na malayo sa mga magulang namin na laging nagagalit sa tuwing magkikita kami. Ewan ko ba sa kanila. Mga kontrabida lagi.

Pinapalibutan ang treehouse ng mga luntiang puno kaya ang presko ng hangin at tahimik ang kapaligiran. Nakakatuwang marinig ang mga huni ng ibon at lagaslas ng katabi nitong ilog.

Pag-akyat ko sa tree house, naroroon na si Joshua kaya naman napangiti ako nang wala sa oras.

“Joshua!” Niyakap ko siya nang mahigpit pero nagtaka ako dahil hindi man lang niya ako niyakap pabalik.

Hindi ko na lang iyon pinansin tutal okay na okay na ako sa gwapo niyang ngiti. Humiwalay ako sa kaniya at umikot sa harapan niya.

“Ang ganda talaga nitong dress na binili mo, Joshua. Bagay na bagay sa akin. Huwag kang mag-alala, kapag nakapag-ipon ako, bibilhan din kita ng magandang damit,” sabi ko.

Tumango lang siya bago niya ako sinenyasan na maupo sa tabi niya. Ginawa ko naman iyon saka sumandal sa balikat niya habang ang mga kamay ko ay nakapulipot sa braso niya.

“Miss na miss na kita, Joshua. Si Mama kasi... Kinulong niya ako sa kwarto kaya hindi kita napuntahan agad.” Tiningala ko siya dahil gusto kong sabihin sa kaniya ang planong naisip ko. “Joshua, paano kaya kung magtanan tayo? Pumunta tayo sa lugar kung saan walang nakakikilala sa atin at hindi tayo mahahanap ng mga magulang natin. Magiging masaya tayo. Hmm?”

Imbes na pagsang-ayon ang makuha kong sagot sa kanya, isang kunot-noo lang ang ipinakita niya. Iyong mga mata niya, sinasabi sa akin na ayaw niya sa planong iyon. Nagtaka naman ako dahil sa unang pagkakataon ay hindi siya sumang-ayon sa akin.

“Aliyah!”

Ang boses na iyon...

“Aliyah, nasaan ka ba?”

Ang boses na iyon ay boses ni ate. Nakita ko ang biglaang pagbabago sa ekspresyon ni Joshua. Tinanggal niya ang mga kamay kong nakahawak sa braso niya at akmang tatayo pero pinigilan ko siya.

“Si ate pa rin ba ha, Joshua?” tanong ko pero wala siyang imik. “Si ate pa rin ba ang pipiliin mo hanggang ngayon?! Joshua, sagutin mo ako!”

Kinuwelyuhan ko siya at tinulak hanggang sa napahiga siya sa sahig. Pumatong ako sa kaniya at mahigpit siyang hinawakan sa leeg.

“Bakit hindi na lang ako, Joshua?! Bakit si ate pa? Bakit? Bakit?!”

“Aliyah!” sigaw ni ate na nasa may pintuan na ng treehouse.

“Sa akin ka lang, Joshua! Sa akin ka lang! Hindi ako papayag na si ate ang pipiliin mo!” sigaw ko pa rin habang pahigpit nang pahigpit ang pagkakahawak ko sa leeg niya.

“Tama na, Aliyah. Please...” pagmamakaawa ni ate.

As if pakikinggan ko siya. Pwe! Mang-aagaw siya ng jowa!

Maya-maya pa ay bigla kong naramdaman ang mga braso ni ate na nakapulipot sa akin. Rinig ko ang mga hikbi niya at ramdam na ramdam ko ang higpit ng yakap niya.

“Aliyah, wala na si Joshua kaya tama na. Umuwi na tayo,” saad ni ate.

Napasinghap ako sa sinabi niya. Paanong wala na si Joshua eh naririto siya sa harapan ko? Binitawan ko siya saka ko hinarap si ate. Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat.

“Anong wala na siya, ate? Nahihibang ka na ba? O sadyang gusto mo lang siyang agawin sa akin? Ang sama talaga ng ugali mo!” Tinulak ko siya palayo saka muling nilingon si Joshua.

I cupped his cheeks.

“Dito ka lang sa tabi ko, Joshua. Dito ka lang sa tabi ko,” bulong ko sa kaniya.

“Aliyah!” rinig ko namang sigaw ni Mama mula sa likuran ko. “Joshua ka pa rin nang Joshua. Wala na nga siya eh! Hayaan mo naman na magpahinga ang kaluluwa niya!”

Hindi ko pa rin siya pinapakinggan at mahigpit na nakayakap kay Joshua. Hindi ako hihiwalay sa ‘yo, Joshua. Hinding-hindi na tayo mapaghihiwalay ng kahit sino.

“Aliyah! Gumising ka na sa kahibangan mo!” patuloy na sigaw ni Mama.

Hindi pa siya nakuntento at pinilit niya akong bitiwan si Joshua. Pinaharap niya ako sa kaniya saka ako biglang sinampal.

“Ma, tama na,” pakiusap ni ate na ngayong umiiyak na. “Aliyah, umuwi na tayo, okay? Huwag nang matigas ang ulo.”

Hinayaan ko na lang na hilahin ako ni ate palayo. Iyak pa rin siya nang iyak sa kadahilanang hindi ko alam.

“Ate, bakit ka umiiyak?” tanong ko pero umiling siya at pinagpupunas ang mga luha niya.

“Ay, nakalabas na naman ang baliw,” rinig kong sabi ng isang ginang na nakasalubong namin.

“Dapat nga pinakulong na siya noon pa eh. Mamamatay-tao,” komento naman ng isa.

“Ate, ate... Anong sinasabi nila?” tanong ko.

“Wala. Huwag mo na silang pansinin,” sagot niya.

“Hoy! Bakit nakalabas na naman siya? Gusto niyo bang maulit ang ginawa niya kay Joshua? Itali niyo na ‘yan!” sigaw pa ng isang lalaki. “Kung hindi, tatadtarin ko iyang baliw na iyan!”

Nang makarating kami sa bahay, hindi pa rin masagot-sagot ni ate ang tanong ko kung bakit kinamumuhian kami ng mga taong nakapaligid sa amin.
.

Summer Time Madness Where stories live. Discover now