Chapter 6

337 6 0
                                    

BAGO sila umuwi ay nag-snack sila. Palabas sila ng fast food nang may makasalubong silang isang kakilala ni Leo.

"Oy, pare, long time no see," bati ng lalaki kay Leo.

"Nabalitaan ko yung nangyari kay Dave pero hindi ako nakarating sa wake dahil nasa Palawan ako."

"Okay lang, pare. Naintindihan ni Dave iyon."

Natigilan si Leo nang matuon ang pansin nito kay Sarah.

"Ah, Sarah, this is Jack. Dati naming barkada ni Dave," pakilala ni Leo rito.

"Hi, Sarah. Nice meeting you." Inilahad ni Jack ang isang kamay na tinanggap naman ni Sarah.

Nang mababa ang tingin ni Jack sa mga plastic bag na puno ng infant's wear at diapers ay makahulugan itong nangiti, nanunukso ang tingin kay Leo. "Ang daya mo, a. Nag-asawa ka na pala, hindi ka man lang nangumbida." Tinapik pa nito sa balikat ni Leo.

"Mukhang may coming baby na kayo, ah."

Ngiti lang ang isinagot ni Leo. Dahil bigla itong nag-alala na makarating sa mag-asawang Suarez niya ang tungkol dito.

"Bakit hindi mo sinabi ang totoo kay Jack? Kilala naman pala niya si Dave," si Sarah nang pabalik na sila sa sasakyan.

"T's no big deal. Hayaan mo siyang paniwalaan kung ano ang gusto niyang paniwalaan," seryosong sagot ng binata habang isinusubo ang susi sa sasakyan.

HINATID din siya pauwi ni Leo. Pagdating sa bahay ay tumuloy sa kusina si Sarah. "Dito ka na maghapunan. Magluluto lang ako."

"At ano naman ang kaya mong lutuin?" Sumunod si Leo sa kusina.

"Ikaw lang naman itong nag-iisip na wala akong kayang gawin." Nahimigan ng binata ang hinanakit sa tinig ni Sarah. Inisip nitong umiiral lamang marahil ang pride ng dalaga.

"Don't blame me, si Dave ang nagtanim sa isip ko nang ganon." Lumamlam ang anyo ni Sarah habang kumukuha ng karne sa freezer. "Iyon ang isang ayoko kay Dave. Over-protective siya sa akin noon. Masyado niyang akong pinamper. Trinato parang bata dahil sampung taon ang tanda niya sa akin."

"Masyado lang siguro siyang nag-aalala dahil nanganganib nga ang buhay mo at alam niyang hindi birong responsibilidad ang maging magulang."

Hinihiwa na ni Sarah ang ilulutong karne nang bigla niyang damhin ang balakang. Napangiwi.

"Bakit?" tanong ni Leo.

"Wala ito. Napagod lang siguro ako sa pamimili."

"Mabuti pa' y ako na ang magluluto. Magpahinga ka na lang. Baka kung ano pang mangyari sa baby mo." Lumapit si Leo sa counter at kinuha kay Sarah ang hinihiwang karne.

"Marunong kang magluto?" tanong ni Sarah.

"Anong akala mo sa akin, walang kayang gawin?"

"Dialogue ko 'yan, ah," sabi ni Sarah na humihila ng isang monoblock chair para upuan. "Pero akala ko'y mga papeles lang ang alam mong hawakan."

"Manood ka lang," mayabang na sabi ni Leo na wala kahit maramot na ngiti sa mga labi.

Kinuntento ni Sarah ang sarili sa panonood kay Leo habang kumukilos ito sa harap ng stove. Animo isang ekspertong chef. Sanay na sanay sa pagkukusina. Lihim na natatawa si Sarah. Malaki ang paghanga niya sa mga lalaking napapantayan ang mga babae sa mga trabahong pambabae.

"Bakit marunong kang magluto?"

"Cook nina Dave ang nanay ko. Malitt pa ako'y ugali ko nang manood sa mga ginagawa niya. Gusto ko kasing matutunan ang lahat ng kayang gawin ng iba. Sabi ko nga sa sarili ko, if they can do it, I can do it better."

My Love My Hero ( Leonardo) - Cora ClementeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon