HIEWY 9
Sa ilang taon na pag-uwi nila Yosel dito, ito ata ang unang pagkakataon na kung kaya ko lang hilahin ang oras ay ginagawa ko na. Hiniling kong lumipas agad ang oras para makauwi na sila dito.
At ang pagtatapos ng unang taon ko sa senior high, ay ang kasabay ng pagbabalik nila Yosel. Doble-doble ang saya sa puso ko. Maliban sa wala ng iisipin na gagawin, makikita ko na siya ulit.
"Tina." mahinang tawag nito nang makapasok siya sa pinto ng bahay.
Hindi ko napigilan ang pagkagulat nang makita siyang nakatayo doon. Ang alam ko ay mamayang hapon pa ang dating nila kaya abala pa ako sa paglilinis! Alas-nwebe palang ng umaga.
Ibinaba ko sa sahig ang dalang basket na naglalaman ng mga labang kumot. Hindi ko pa naproproseso lahat ngunit nauna nang kumilos ang paa ko palapit sa kanya.
Matamis na ngiti ang ginawad niya sa akin. Akala ko sa gabi lang siya magandang titigan dahil lagi kong nakikita ang liwanag ng buwan sa mata niya, pero iba pala ang itsura niya pag maaga. Maliwanag na galing sa araw. It gave justice to his beautiful face.
"Y-Yosel... ang aga niyo? Akala ko gabi pa ang dating niyo." kusa rin iyong lumabas sa bibig ko.
At ang klase ng pananalita ko ay hindi na katulad ng dati. Na maingat at laging may pag-aalinlangan. Ngayon ay mas kaswal na at hindi na rin ako nagpipigil sa pagsasalita. Siguro ay nasanay rin ako na lagi siyang kausap sa chat man o sa tawag.
Humakbang ito palapit. "Napagkasunduan namin na agahan ang biyahe para hindi kami maipit sa traffic. Hindi ko na rin sinabi sa'yo, para makita ko ang reaksyon mo." he chuckled and playfully looked at me.
Nadamay na rin tuloy ako at natawa. Tiningala ko pa ito dahil mas tumangkad pa ata siya ngayon. Taon-taon ata siyang tumatangkad. Hindi ko pa inaalis an atensyon sa kanya nang marinig ko ang tawanan nila Tatay papasok ng bahay. Para akong nagising sa realidad at nahigit ang hininga. Parang nahuli kahit wala naman akong ginagawa.
Agad akong lumayo kay Yosel upang salubungin sila.
"Mano po," saad ko sa harap nila Tito Cielmo at Tita Ynesa. Tinanggap naman nila iyon.
Akala ko matatapos na at aalis na sana ako sa harap nila nang hilahin ako ni Tita Ynesa at hinapit ang bewang ko palapit sa gilid niya. "Ang tangkad mo na, Geneva! At ang katawan, dalagang-dalaga na!" Komento nito habang nakatitig sa akin.
Tipid akong ngumiti ngunit lahat sila ay napatingin na sa akin.
"Isang taon na lang at kolehiyo ka na, 'di ba? Ang bilis talaga ng panahon, noong unang dating namin dito batang-bata pa itong unica hija mo, Emer!" Si Tito Cielmo.
Natawa lang si Tatay at Nanay. "Oo nga, mabilis na talagang lumaki ang mga bata ngayon. Masipag naman siya sa pag-aaral at sineseryoso niya naman, kaya kampanti pa rin kami." sagot ni Tatay.
"Ay si Yosel nga! Nagulat ako at ang laki ng itinangkad! Binatang-binata na rin. Napaka-gwapong bata!" ani Nanay at hinarap si Yosel na nakatayo pa rin kung saan ko siya iniwan at nakikinig lang.
Dumapo muli ang mata ko sa kanya at tahimik siyang pinagmasdan. Totoo nga ang sabi ni Nanay, kahit ang pamamaraan ng pananamit niya ay medyo kakaiba na. Isang puting polo shirt at khaki pants ang suot niya, kung dati ay maluwag pa ito tignan sa kanya ngayon ay medyo hapit na ito. Ang buhok niya ay mas maikli at malinis na rin ang pagkakaayos.
"Hindi nakakapagtaka kung may nobya na siya. Gwapo, matalino at mabait." puri pa ni Tatay na ikinunot ng noo ko.
Nagpatuloy na ako sa paglilinis habang nagpapahinga sila. Si Nanay naman ay nagluto na na pananghalian at inayos na rin ni Tatay ang mesang kakainan namin sa silong ng puno ng manga. Tanghali na nang lumabas sila Tito at sumunod na lang si Yosel.
YOU ARE READING
How I Ended Up With You (To the Dreams of my Youth Series 1)
General FictionGeneva Constantina Ydielmo lived her life like a daydream. The peaceful side of youth everyone desired for. Dreamed for. But could it be more perfect if she met her prince? But what if the prince only shows up every summer vacation? Will her love en...