KABANATA 33:
~LANA ILANINA~"Ang pait!" reklamo ko matapos kong inumin yung gamot ko na naman.
Ngumiti lang si Kali saka binigyan ako agad ng dalawang butil ng chocolate candy.
Pagkatapos, tumayo ako at nagbihis.
LANA IN, ILANINA OUT!
Lumabas kami ni Kali ng silid, dahan-dahang tinatahak ang pasilyo.
Napadaan kami sa punong bulwagan at napansin ang napakaraming malalaking kahon na naglalaman ng magagarang muwebles at mga palamuti.
"Dalian ninyo!" sigaw ng Lei'erh sa mga tauhan niyang nagbubuhat ng mga ito at isinasakay sa kariton.
"Nasaan na si Ermida?" galit pa niyang tanong sa isang tagapagsilbi.
"Nasa Agora na ang ginang, Lei'erh. At punong abala sa paghahanda," sagot nito.
Agora, narinig ko na ang lugar na ito. Ito yung sikat na lugar ng pagtitipon dito sa Yotakh. Dito daw madalas ginaganap ang mga magagarbong piging.
"Lei'erh Mido, tila abala ka yata", sabi ko. Humarap siya sa gawi namin.
Lumapit kami sa kanya at bahagyang yumuko.
"Binibining Lana, binibining Kali ano't naparito kayo sa punong bulwagan?" nakangiting sabi niya.
"May pinapagawa lamang sa amin ang mahal na Ar'thea," sagot ko at ako naman ulit ang nagtanong tungkol sa mga naglalakihang kahon.
"Mga muwebles na dadalhin namin sa Agora para sa darating na malaking piging na ma," sagot niya.
"At para saan naman ang malaking piging na ito Lei'erh?"
"Para ito sa pagdiriwang ng kapistahan ng aming bayan at para na rin sa pagdiriwang ng pagdating ng mahal na Ar'thea."
Tumango ako.
"Ngunit tila sobra-sobra ang iyong paghahanda. Hindi kaya'y maubos ang inyong kayamanan para rito?" sabi ko habang nakatingin sa mga kahon na tiyak akong malaking halaga ang inilaan para rito."Marapat lamang nang sa gayon ay matuwa at mamangha ang mahal na Ar'thea, at huwag kang mag-alala binibini dahil hindi basta-bastang mauubos ang kayamanan ng aming bayan," litanya niya habang may pangisi-ngisi pa. Halatang nagyayabang ang matanda.
Talaga lang hah.
"Ngunit sa iyong tingin binibining Lana, magugustuhan kaya ito ng mahal na Ar'thea?" nakangiting tanong niya. Iyong tingin niya sa akin ay parang asong gustong-gustong purihin siya.
"Tiyak na magugustuhan at matutuwa ang mahal na Ar'thea," tipid na sabi ko.
Sinabi ko ang inaasam-asam niyang marinig at tuwang-tuwa naman ang matanda.
"Hindi ako makapaghintay na dumating ang araw na iyon. Ngayon pa lamang ay nakikita ko na ang aking sarili kaharap ang mahal na Ar'thea Ilanina habang pinupuri niya ako sa harap ng maraming mamamayan ng Yotakh," mahabang saad niya at parang tangang nakatingala't nakataas ang mga kamay na tila ini-imagine talaga na nasa ganoon siyang sitwasyon.
"Kapag nangyari iyon, mas lalo nila akong titingalain at wala nang sinuman ang magnanais humalili sa aking trono kundi ang aking tagapagmana lamang."
Nakikinig lang kami sa sinasabi niya tapos si Kali naman sumasang-ayon sa kanya dahilan para mas lalong lumaki yung ulo ng matanda.
Tsk tsk tsk...
"Nakatitiyak akong makikilala ako sa iba't ibang panig ng kaharian at kapag nangyari iyon ay makakarating sa hari ang tungkol sa aking kagitingan at kahusayan sa pagiging pinuno ng syudad ng Yotakh... at kapag nangyari din iyon ay ipapatawag ako sa palasyo ng Hari at gagawing bahagi ng kanyang konseho!" dagdag pa niya sabay tawa ng malakas.
BINABASA MO ANG
The Journey of Detective Lana Ilanina
FantasySi Lana Ardelle ay isang first year criminology student na mahilig sa pagbabasa ng mga detective novels. Paborito rin niyang panoorin ang sikat na Japanese anime movie na ang pamagat ay Case Closed at kilala rin sa pamagat na Detective Conan. Pangar...