CHAPTER 32

24 7 2
                                    

JESS

“Bakante kasi talaga ako ngayon hanggang bukas kaya sabi ko kay Jc ay ako nalang ang pupunta… sayang naman yung ticket at may free dinner pa pala na treat mo,” sobrang daldal ni Jaime habang papalabas na kami sa amphitheater na puno parin ng mga tao at nagkukuhaan ng kani-kanilang litrato.

Napapangiti nalang ako dahil sa pagiging komportable niya sa akin. Siguro matabil rin ako ngayon kung hindi lang ako tinutukso ng sariling utak. Nahihiya tuloy ako dahil sa sinabi ni Jaysiree na may gusto ‘raw ang kapatid niya sa akin.

Hindi ko naman pwedeng itanong ‘yun sa lalaki para lang makumpirma. Lalo pa't lokaret ang Jaysiree na iyon. Mamaya pinagtitripan lang ako. At saka lalaking-lalaki kaya si Jaime!

“Teka,” bahagya niya akong hinarangan at may kinuha siya sa bulsa. “Wala man lang pala akong picture kasama ang Best Speaker,” walang anu-ano ay kinalabit niya ang isang ginang na nasa gilid na parang may hinihintay. “Ate pwede po picturan niyo kami?”

Halos mapatakip ako ng bibig sa ginawa ni Jaime. Nakakahiya! Walang nagawa ang ginang at kinuha ang phone ng kasama ko saka kinuhanan kami ng litrato. Pasimple kong siniko si Jaime ng dumikit siya sa akin at inakbayan ako. Naka-ilang pitik din ang camera ng phone niya bago binalik ng babae ang phone sa lalaki.

Biglang lumiwanag ang mukha ng babae ng muling magtama ang paningin namin na para bang nakilala niya ako.

“Diba ikaw ang Best Speaker?” Manghang tanong niya.

Hindi pa ako nakakasagot ng sumigaw siya na akala mo'y nasa palengke lang siya. “Raphael!”

“Let's go?” Tumabi ulit sa akin si Jaime at parang gusto na ako haltakin palabas ng amphitheater.

“Wait lang, pwede ko kayo picturan ng anak ko?” Nangungumbinsing tanong ng ginang.

“Nagmamadali po–·”

“Okay lang po,” pinutol ko ang pagsagot ni Jaime. Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Umiwas siya ng tingin.

Laking gulat ko ng lumapit ang pamilyar na tao sa tabi ng ginang at saka ako binalingan ng tingin. Palipat-lipat ang tingin niya sa akin at kay Jaime.

“Raphael, picturan ko kayong dalawa, bilis!” Pinagtulakan ng ginang ang anak niya para tumabi sa akin. Wala rin nagawa ang lalaking kampeon sa kompetisyon kaya inayos niya ang sarili upang maghanda sa pagpitik ng camera.

Ipagduldulan mo pa sa'kin na talo talaga ako, hayup na tadhana ka!

Dumaplis ang tingin ko sa tropeyo na hawak ni Raphael. Hindi ko mapigilang manghinayang na dapat ako sana ang may hawak ng gintong tropeyo.

“Congrats,” sabi niya pero ang mata ay nakatingin sa likuran ko. Nang muli niya akong tiningnan ay saka ko siya tinanguan at nginitian ng tipid.

“Congrats din.”

“You're with Jaime?” Tanong ni Raphael na ikinagulat ko.

“You know him–·”

Naramdaman ko ang kamay ng kasama ko sa braso. “Tara na.” Humakbang na siya kaya sumabay nalang ako para hindi magmukhang sapilitan niya akong pinapalabas dahil marami-rami ang taong pwedeng makakita sa amin.

Ramdam ko na may sumusunod sa amin hanggang sa malapit na kami sa bukana ng venue palabas.

“Jaime!”

Hinarap ni Jaime ang sumunod sa amin. Hinarang niya ang sarili sa akin na animo’y tinatakpan niya ako para hindi ko makita ang pag-uusap nila. Likod lang ni Jaime ang nakikita ko ngayon pero alam kong si Raphael ang kaharap niya ngayon na sinundan kami.

The Parallel Red StringsWhere stories live. Discover now