"MISS Phoebe, may bisita ho kayo sa labas. Frederick Villavicencio raw po," bungad ni Nenita, ang bago niyang alalay. Nakadungaw ang ulo nito sa siwang ng pinto ng kanyang silid. Napasimangot si Phoebe, akmang sesermunan si Nenita subalit mabilis na pumasok sa kanyang isip na hindi nga pala ito si Norielyn, ang matagal niyang naging assistant bago lumipad patungong Amerika for greener pasture. Hindi nga pala batid ni Nenita na ang pangalang Frederick Villavicencio ay taboo sa kanyang pamamahay— at sa buhay niya, in general.
"Ma'am. .?"
Sa halip na bumangon ay dumapa si Phoebe at inilipat ang pahina ng binabasang libro. "Nenita, nakalimutan ko nga palang sabihin sa iyo na kumukulo ang dugo ko kapag naririnig ko ang pangalang 'yan," sabi niya sa malamig na tinig.
"Hindi ko hinaharap o kinakausap sa telepono ang lalaking iyon. Pakisabi sa kanyang si Kuya Rudolph o kaya'y si Attorney Dizon ang puntahan niya at hindi ako. 'Kamo'y masyado akong busy sa pagre-review sa Pharmacology."
NAGUGULUHAN man ay dagling tumalima si Nenita. Sa isip niya ay may nabubuong hinala. Marahil ay dating nobyo ni Phoebe ang Frederick Villavicencio na iyon at nangaliwa, at...
"Sayang, guwapo pa naman," pilyang naisip niya. "Mas gusto pa ni Ma'am ang tabatsoy na Winnifred na 'yon. Hmp, doktor nga, lumba-lumba naman!
TUMAYO na si Frederick nang makitang pababa ng hagdan ang nagpakilalang alalay ni Phoebe. Sa tantiya niya ay nasa beinte pataas pa lang ang edad ng babae.
"Eh, Sir, pasensiya na ho kayo. Busy ho kasi si Ma'am Phoebe sa pagre-review, eh." Halatang ang babae pa ang napahiya sa ginawang pambabastos sa kanya ng amo.
Tumango na lamang si Frederick. Sa ikatlong pagkakataon, bigo siyang harapin man lamang ng unica hija ng yumaong si Don Protacio San Buenaventura. "Naiintindihan ko," saad niya. "Ang gusto ko lang naman sana'y magkakilala kami nang personal. Magkapitbahay naman kami sa probinsiya at naging kaibigan ko rin naman ang yumao niyang papa."
Walang masabing nagkibit-balikat na lamang ang alalay.
Napabuntong-hiningang tinanguan na lamang ni Frederick ang babae at nagpaalam na.
"O, UMALIS na ba?"
Tumango si Nenita.
Muling itinutok ni Phoebe ang mga mata sa librong binabasa. "Sa susunod nga, Nenita, ay huwag mo nang papapasukin ang lalaking iyon. Binubuwisit lang ako ng herodes na iyon, pati tuloy ang pag-aaral ko'y naaapektuhan."
Pagkasabi niyon ay inis na itiniklop niya ang libro at padabog na naupo. "Hayan, nawala tuloy ako sa mood!"
"Eh, Ma'am, ang gusto lang naman daw sana niya ay magkakilala kayo nang personal," ani Nenita. "Nagtataka nga ho ako. Paano'ng nangyari na hindi pa kayo nagkakilala nang personal gayong ang sabi niya ay magkapitbahay daw kayo sa probinsiya?"
"Mahabang istorya," ani Phoebe na tumayo na. Humarap siya sa salamin at inayos ang sarili. "Greedy ang lalaking iyon. Mula nang mamatay si Papa ay hindi na iyon tumigil sa pagtatangkang baratin ang rancho namin dahil lang sa alam niyang nakasangla iyon sa bangko. Akala yata ng lokong iyon ay hindi ko kayang tubusin ang rancho!"
"Eh, saan naman ho kayo kukuha ng ipangtutubos doon? Hindi ho ba't nalugi sa paghahayupan si Don Protacio nang lumaganap ang foot-and-mouth disease sa Mindanao?"
Gustong mapaismid ni Phoebe sa pagiging tactless ni Nenita subalit pinili niyang huwag na lamang iyong pansinin. Wala namang mali sa sinabi nito kung tutuusin.
Nalugi nga sa cattle business at piggery ang papa niya more than three years ago. Milyon ang nawala rito nang lumaganap ang foot-and-mouth disease sa Bukidnon. Bukod doon, sinalakay ng balang ang malawak nilang palayan. Pati nga ibang taniman ay sinalanta rin ng naturang peste. Dahil sa magkasunod na misfortune, na-depress ang kanyang papa hanggang sa igupo ng sakit sa puso.
BINABASA MO ANG
Mawala Man Ang Lahat Sa Akin - Camilla
Romance"I'm willing to do everything... to give everything... to lose my everything... if it means gaining you." "There is no way you are going back to Winnifred," mariing pahayag ni Frederick. "There's no other man for you, Phoebe. I'm the only man in the...