Chapter 5

228 7 0
                                    

MAY MATAMIS na ngiti sa mga labi ni Frederick habang pinagmamasdan mula sa pintuan ng kusina ang nagkakasayahang grupo sa dining hall.

Nang mapako sa magandang mukha ni Phoebe ang kanyang paningin, lalong tumamis ang pagkakangiti ni Frederick. Subalit unti-unti itong naglaho nang bumalik sa kanyang kamalayan ang sitwasyon nilang dalawa.

Hanggang kailan siya magbabalatkayo bilang si Dr. Edmund Yuco na kaibigan ni Phoebe? Paano niya makukumbinsi si Phoebe na imulat na ng dalaga ang mga mata sa mga nangyayari sa paligid nito?

Marami pa sanang tanong sa kanyang isip nang marinig ni Frederick ang pagtawag ni Manang Inday sa kanyang pangalan.

"Narito ka na pala sa balay, Edmund," bati nito. "Hindi ka man lang nagsasalita. Halika nang sumalo sa amin habang mainit pa ang blowout ni Jonathan."

Nakangiting lumapit si Frederick sa grupo.

"Dito na lang ako sa tabi ni Phoebe, ha, Manang?" sabi niya sa mayordoma.

Ngumisi ang matanda. "Ay, naku! Bagay na bagay kayong dalawa, ay!" Pumalakpak pa na tila bata.

Inulan sila ng kantiyaw ng mga naroroon. Pasimpleng sinulyapan ni Frederick si Phoebe, at napangiti nang makitang pinamumulahan ng pisngi ang dalaga. Nang magtama ang kanilang mga mata, bigla itong yumuko na kunwari ay may inayos na kung ano sa kandungan. Napangiti si Frederick.

"Ay, tigilan n'yo si Ma'am Phoebe, ha?" sabad ni Luzviminda. "Isusumbong ko kayong lahat kay Sir Winnifred, hala kayo."

Nakita ni Frederick nang pukulan ni Phoebe ng approving look ang chaperon kaya gayon na lamang ang pagkadismaya na nadama niya.

"Wala naman si Doctor Concepcion dito," kantiyaw pa rin ni Manang Inday. "Si Edmund muna ang partner ni Phoebe."

Nagpasuwitan ang karamihan.

"Hay, naku," sa wakas ay turan ni Phoebe. "Ang mabuti pa'y simulan na natin ang kainan at talagang gutom na gutom na ako!" At sumubo na ito ng kanin mula sa sariling plato.

"Talagang gutom na gutom ka, ah," nakangiting komento ni Frederick, sabay kuha sa bowl na may nilagang baka. "Here... sabaw ng bulalo! Sarap nito, sweetheart."

Nagtikhiman ang mga kasalo nila. Pasimple naman siyang inirapan ni Phoebe. Naramdaman din ni Frederick ang pagsipa ng dalaga sa kanyang paa sa ilalim ng mahabang hapag-kainan.

Nakangiti pa rin siya nang mabawi ni Phoebe ang composure at muling nagsalita.

"Mga loko kayo, ha?" sabi nito. "Hayaan ninyo, kapag hindi na toxic sa hospital ang legitimate sweetheart ko, siguro ay matatameme na kayo." Bumaling ito sa kanya. "Lalo ka na, alaskador."

Kunwa ay dinaan ni Frederick sa tawa ang sinabi; pero sa kaibuturan ng kanyang puso, waring dinidikdik nang pino ang kanyang pakiramdam. At binudburan pa ng asin at paminta!

Umiibig na nga yata siya sa babaeng ito!

Ngumiti na lamang siya sa sarili sa ideyang iyon.

"Aba, Doctor Yuco," sabad ng isa sa mga kasama niya, "hindi ba't may lehitimong sweetheart din kayo? Bakit hindi ninyo imbitahan minsan dito si Ma'am Doreen?"

Gustong tadyakan ni Frederick sa tadyang ang lalaki. Alam niyang ginu-goodtime siya nito. Nakita pa nga niyang nakipagkindatan ito sa dalawa pang kasamahan. Si Doreen ay live-in partner ng tunay na Edmund Yuco.

"Oo nga naman, Sir," susog pa ng isa. "Baka kasi sa kaaasar ninyo kay Ma'am Phoebe, eh, matuluyan ang feelings ninyo. Bah, kayo rin. Alam naman natin na taken na si Ma'am."

Mga lokong unggoy ito, ah, yamot na naisaloob niya. Nag-take si Frederick ng mental note na isa sa mga araw na darating ay sesantehin ang mga tauhan na ito ni Edmund.

Mawala Man Ang Lahat Sa Akin - CamillaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon