Chapter 6

233 7 0
                                    

SADYANG gumising nang maaga si Phoebe kinabukasan. Alam niyang maaga ang alis ni Edmund patungong Maynila.

Bitbit ang ilang gardening tools ay pasimple siyang nagtungo sa rose garden ng kanyang yumaong mama. Naka-gloves pa siya para mas effective ang kanyang drama. Ang totoo ay ayaw lamang ni Phoebe na makaligtas sa kanya ang pag-alis ni Edmund. Sa hardin ay tiyak na hindi niya ito mami-miss sa oras na lumabas ang lalaki ng villa.

"Aba, Ma'am," bati sa kanya ng may-edad na hardinero. "Napasyal kayo rito sa hardin..."

Bahagya itong nagtaka sapagka't noon lamang nagtungo si Phoebe sa hardin upang i-tend iyon. Tumango si Phoebe. "Naalala ko kasi itong rose garden ni Mama. Mahigit twelve years na rin pala na hindi ko man lang ito nabibisita," sabi niya.

"Mula nang mamatay si Mama, nawalan na ako ng interes sa paghahalaman. Siya lang naman ang nagga-guide sa akin sa gardening, Mang...?"

"Andoy," salo nito.

"Mang Andoy." Tumango si Phoebe. Bago lamang ang hardinero sa villa kaya hindi pa niya ito halos matandaan. "Kung hindi ho ninyo mamasamain, nais ko hong ako na ang personal na mag-alaga ng rose garden ni Mama. At least habang naririto ako."

Ngumiti lamang ito. "Wala hong problema."

Ngumiti rin si Phoebe at patalungkong naupo na sa direksiyong paharap sa gate na bakal. Sa posisyong iyon, tiyak na pagdaan ni Edmund ay kitang-kita niya ito. Kabaligtaran namang hindi siya nito mapapansin dahil bahagyang nakukublihan ang lugar na iyon ng mga Chinese bamboo plants.

"Nag-almusal na ho ba kayo?" mayamaya ay tanong ng matanda.

Umiling si Phoebe. "Napakaaga pa naman ho, Mang Andoy. Sanay ho ang tiyan ko na eight-to-nine nag-aalmusal." Mag-aalas-sais pa lamang nang mga sandaling iyon.

"Siya," anitong ipinagpag ang kamay. "Ako muna'y kakain sa kusina. Kape pa lang ang naiinom ko. Maiwan ko muna kayo, Ma'am Phoebe."

Tumango siya. Nakakailang hakbang pa lang ang matandang lalaki nang muli niyang tawagin.

Lumingon si Mang Andoy at nagtatanong ang mga matang tumingin sa kanya.

"Tawagin na lamang ninyo akong 'Phoebe,'" nahihiyang saad niya. "Ayoko ho ng 'Ma'am Phoebe.' Bigyan ninyo ako ng titulo kapag doktora na ako, ano ho?"

Ngumiti ito nang matamis. "Kayo ho ang masusunod, Phoebe."

"At Mang Andoy..." habol niyang muli nang humakbang na naman ito. Muli itong lumingon.

"Puwede ho bang huwag na ninyo akong ho-ho-in? Para ho kasing tumatanda ako, eh." Sinundan niya ng sheepish grin ang sinabi.

"Ikaw ang bahala, Phoebe," malawak ang ngiting bigkas ni Mang Andoy at saka tuluyan nang tumalikod.

KASALUKUYANG nagkakape si Frederick sa kusina nang pumasok ang matandang hardinero.

"Good morning ho, Mang Andoy," bati niya.

"Senyorito..."

Naging cautious ang tinging ipinukol niya rito.

"Mang Andoy, ako ho si Edmund," paalala ni Frederick.

Nakakaunawang tumango ito, sabay tawa.

"Tumatanda na talaga ako. Nagiging makakalimutin na," sabi nito na naupo sa kaharap niyang silya. "Tuloy ho ba kayo pa-Maynila?"

Tumango si Frederick.

"Nasa hardin si Ma'am—este, si Phoebe pala. Binubungkal ang rose garden ng yumao niyang ina."

Natigil ang gagawin sanang paghigop ng kape ni Frederick. "Si Phoebe? Marunong mag-garden ang babaeng 'yon?"

"Mukha namang marunong din," nakatawang turan ni Mang Andoy. "Ang ikinagugulat ko lang ay kung bakit kuntodo nakapostura pa siya."

Mawala Man Ang Lahat Sa Akin - CamillaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon