Prologue

698 11 1
                                    

MIXED emotions na ang naghahari sa dibdib ni Jocel Esparcia. Kanina pa siya naghihintay. O mayroon nga ba siyang hinihintay?

Or just like before na para lang akong tangang naghihintay sa wala? sa sarili'y tanong niya samantalang magkasumping ang nanlalamig nang mga palad sa harapan, ang kalooban ay unti-unti nang nginangatngat ng galit, inis, at hinampo.

Naiinis na siya. Pero kanino nga ba dapat? Sa lalaking nangako na alas-sais en punto ay susunduin siya upang mag-dinner sila? O sa sarili dahil sa malaking kagagahang ginagawa niya?

Isa't kalahati hanggang dalawang oras ay sapat na para sa palugit na paghihintay. Subalit namitig na't lahat ang kanyang binti at sumakit na ang kanyang leeg sa kalilingon, pero ni ang anino ni Steven Labarigo ay hindi niya makita.

Muli siyang tumingin sa suot na relo. Menos singko para alas-diyes. Kulang-kulang na apat na oras na pala siyang naghihintay. At ngayon ay naiisip niyang kagagahan nga lang ang kanyang ginagawa. Katangahan. Kaestupidahan!

Hindi niya sinigurado ang pangako ng nobyo sa tawag nito kaninang nasa selling department siya at kasalukuyang nagro-roving visit sa kanyang mga sales clerks. Sinabi lang ng lalaki na susunduin siya at kakain sila nito sa labas. And he hinted something about marriage. And that was it.

Nabuo sa isip niya ang pagpapatuloy ng naudlot na pag-iisang-dibdib nila noon. Hindi rin niya inaasahang susuyuin siya nito nang muli silang magtagpo matapos nilang maghiwalay noon. Na finally, madudugtungan nila ang kanilang kahapon...

Ngunit ngayon nga, sa sobrang excitement ay ni hindi na niya tinanong kung sigurado ba ito; or just like old times, iyong palagi na lang walang kinahihinatnan ng walang-kapaguran niyang paghihintay—at ang dismayadong pakiramdam.

Mangilan-ngilan na lang ang mga taong naghihintay ng mga sasakyan, papadalang na rin ang mga jeep papunta sa kanyang inuuwian. Mabigat ang dibdib niya nang magpasyang umuwi na lang at magpahinga.

Kailangang sanayin na niya ang sarili sa ganito. She loved a very busy bachelor businessman at batid niyang ang kaakibat niyon ay ang pagiging set-aside lover niya para dito.

Pinahid niya ang dalawang butil ng luhang namuo sa kanyang mga mata. Where are you, Steven Labarigo? She shivered softly habang marahang binabagtas ang daan patungo sa waiting area.

Why am I always like this? 'Yong kahit na sinasaktan mo na ako, kahit na alam kong secondary lang ako sa buhay mo, ang nararamdaman ko'y taliwas sa dapat na mangyari.

Mahal pa rin kita!

HINDI namalayan ni Jocel kung sa paanong paraan siya nakarating sa inuuwiang bahay ng tiyahin.

Mabigat pa rin ang kanyang dibdib, pati ang talukap ng kanyang mga mata. Hindi dahil sa inaantok siya kundi dahil kanina pa niya gustong umiyak.

Muli niyang kinapa ang cellphone na nasa loob ng kanyang handbag. Ilang beses din siyang nagbaka-sakaling tumunog iyon para sa isang unexpected call from Steven. Pero bigo siya.

Minsan pa, bumunot siya ng malalim na paghinga at saka kinapa ang susi ng bahay sa bulsa ng handbag. At parang wala sa sariling ipinasok sa susian ng gate.

Bigla ang dating ng kaba sa kanyang dibdib. Bukas ang gate! Hindi naka-lock. Why? She remembered na ini-lock niya iyon kaninang umalis siya para pumasok. Nandiyan ba ang kanyang Tita Cely?

Imposible! Dahil kaninang madaling-araw lang ay umalis ito para sa gagawing paniningil sa palay na aanihin sa Nueva Ecija.

Bumalik kaya? Posible.

Pero bakit walang ilaw sa loob ng bahay? Ang tita niya ang kauna-unahang taong alam niyang takot na takot sa dilim.

Kung hindi si Tita Cely, sino?

Kung Kailangan Mo Ng Magmamahal - Riza TayagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon