Chapter 9

172 5 0
                                    

"TITA Cely..." paos ang tinig na nagbuhat sa dalaga.

Patda namang nanlaki ang mga mata ng tiyahin niya nang lingunin nito ang tinig niya.

"J-Jocel! Ano'ng nangyari? Bakit ganyan ang ayos mo? Nasaan si David?" sunud-sunod na tanong nito.

Ngunit sa halip na sumagot ay parang gulay na humapay si Jocel sa braso ng tiyahin.

HINDI matapus-tapos ang pag-iyak ni Jocel nang mahimasmasan siya at malamang payapa nang nakahimlay sa kanyang kama.

Nakamasid naman ang tiyahin na hindi umaalis sa kanyang tabi. "Okay ka na ba?" tanong nito nang makitang nagpilit siyang tumayo at naglakad nang marahan palapit sa bintana.

Hindi siya tumugon. Pero pandalas ang pagtaas at pagbaba ng balikat niya.

"Jocel, sabihin mo sa akin ang nangyari, at bakit mag-isa kang umuwi? Ano'ng ginawa sa iyo ni David?"

Hilam ang mga mata sa luha na nanatiling hindi niya nililingon ang tiyahin. Pinatatag niya ang sarili. And finally decided to tell her the truth.

Bakit pa siya maglilihim? "T-Tita..." sa wakas ay nanulas sa nanginginig niyang mga labi.

"Sige, makikinig ako."

"N-nagtataka kayo sa akin, 'di ba? Bigla akong nagbago pagbabalik ninyo rito sa atin buhat sa Nueva Ecija."

Patlang.

Nakamata lang ang bukas ang taingang tiyahin. Pagkaraan ay marahang tumango nang maalala ang araw na iyon.

"Oo, naaalala ko pa."

"Panay ang tanong mo, hindi ko kayo sinasagot. H-hindi ako nagsasabi sa inyo..."

"Na gusto ko talagang ikatampo."

"Tita, I'm sorry kung nagsinungaling ako..." At muling gumalaw ang balikat niya. Nagsimula na namang siyang humagulgol.

Naalarma namang napatayo si Tita Cely at mabilis siyang dinaluhan. "Ano'ng problema, hija? Sabihin mo sa akin."

"I-­‐‑I was. . raped. Dito, Tita. Nilapastangan ako sa pamamahay na ito no'ng gabing iyon. No'ng wala ka!"

Natutop ng matanda ang bibig.

"M-mas ginusto kong sarilinin na lang ang nangyari dahil... dahil hindi ko kilala ang gumawa sa akin. P-pero ngayon, tulungan mo ako. Please help me, Tita. Kailangang magbayad siya!"

"Nakilala mo na ba? Sino ang salarin, Jocel? Sino siya?" Luhaan na ring paulit-ulit na naging tanong ni Tiya Cely.

"T-Tita..." aniyang napaharap dito.

"Sino siya? Sabihin mo..."

"Si... si D-David."

"IMAGINE, never ko knows na nag-leave ka pala. At kung hindi pa ako nagtanong sa opisina, hindi ko pa malalaman na ang admirer mo ang humingi ng leave mo. Malakas pala siya sa GM natin. Mantakin mo, they were classmates in college. No wonder. Siguro, dinala ka niya sa paraiso. 'Yong—"

Natigilan si Tessa sa pagsasalita nang mapunang sige lang ito sa pagsasalita, pero ni walang sagot ang tahimik lang na si Jocel. Naglalakad sila noon sa tabi ng Manila Bay.

Napahugot si Tessa ng malalim na paghinga. Pagkaraan ay napailing matapos na titigan siya nang mataman sa kanyang mukha.

Tumigil ito sa marahang paglalakad, isinilid sa loob ng bag na sukbit ang kinukukot na popcorn.

"Wait, wait. Nakakahalata na ako, ah. Kanina pa ako panay ang dakdak dito, wala naman pala akong kausap. Hello?" anito pang nagpakuwela sa harapan niya.

Kung Kailangan Mo Ng Magmamahal - Riza TayagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon