"INAYYY!" Gumuhit sa kalawakan ang pagpapalahaw ni Jocel. "I-Inay..." sambit ng inulilang anak.
"Stop, Jocel. It's over. Let's just pray for her," nakakaunawang paliwanag ni Mrs. Labarigo sa yakap-yakap na bata samantalang pilit pa ring kinakalma ang sarili sa pagyao ng kaisa-isang matapat na kawaksi ng tahanan nito.
Si Vasion, ina ni Jocel, ay hindi matatawaran ang katapatan sa trabaho. Kaya lubhang napakasakit din sa kalooban nito ang biglang-biglang pagpanaw ng babae. Mas masakit pa, naulila ang batambatang anak nito.
"Come on, Jocel, umuwi na tayo," si Manolito Labarigo na hinaplos ang mahabang buhok ng bata na sige pa rin sa pag-iyak.
"I-Inay..."
"Jocel, tahan na. Nandito pa naman kami nina Mommy. Hindi ka namin pababayaan, 'di ba, Mommy?" wika naman ni David, bunsong anak ng mag-asawang Labarigo.
"Oo nga, Jocel," sang-ayon naman ni Steven, ang panganay. Humaplos ang kanang palad nito sa kanyang pisngi nang patuloy siya sa pagluha. "Don't cry anymore. Nandito ka naman sa amin at makakaasa kang hindi ka mapapabayaan dito."
Nagpalipat-lipat ang paningin niya sa mag-anak na Labarigo. Totoong napakabait ng mga ito; matulungin. Alam niyang hinding-hindi siya pababayaan ng mga ito. Subalit, mas kailangan sana niya ang pagmamahal ng isang ina.
ABALA si Jocel sa paglilinis nang tawagin siya ni Mr. Labarigo. Nilingon niya ito; katabi nito sa kinauupuan ang dalawang anak na lalaki. Nakapaharap naman sa mga ito ang maybahay nito.
"Halika, Jocel, lumapit ka sa amin," ani Mr. Labarigo na inilahad pa ang kanang palad. Alanganing sumunod si Jocel. Pinahid ng braso ang pawis na bumasa sa kanyang noo at leeg. Alanganin siyang ngumiti sa mga ito.
"Sit down, hija. Sa tabi ng Mommy Luz mo."
Biglang lipad ang paningin niya sa mabait na maybahay ng lalaki sa narinig. Nang may pagtataka. Nakangiti ang babae na inilahad pa sa ere ang dalawang kamay.
"I told you, Mommy, Magtataka si Jocel," nakatawang sabi ni David.
"Opo nga, My, Dy," dugtong din naman ni Steven.
"Well," anang matandang Labarigo na tumayo at inakay siya palapit sa asawa nito. "Sa simula lang naman siya maaasiwa, mga anak. Pasasaan ba't masasanay din siya sa pagtawag sa amin ng 'Mommy' at 'Daddy'. Hindi ba, Jocel?" anitong tiningnan ang mga mata ng bata.
"A-ano po ang ibig n'yong sabihin?" sa wakas ay nagawa niyang itanong.
Si Mr. Labarigo pa rin ang nagpaliwanag.
"Well, hija," anitong naupo uli sa tabi naman ng asawa matapos na iupo siya sa gitna nina David at Steven, "napag-usapan namin na... tutal naman ay wala kaming anak na babae at talagang hindi kailanman magkakaroon dahil operada na ang Mommy Luz mo... kaya napagkasunduan naming kupkupin ka na at akuing isa sa aming anak."
"P-po!" Ewan ni Jocel kung pagtatanong ba iyong nanulas sa kanyang labi.
Magkapanabayan pang nagsitango ang lahat. Si Mrs. Labarigo na ang nagpatuloy. "Wala ka nang ibang kamag-anak dito sa Maynila, Jocel, maliban sa nag-iisang kapatid ng nanay mo na nasa Nueva Ecija. Tinelegramahan namin siya, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya lumilitaw rito. So, napag-isipan naming kupkupin ka na nga at ituring na anak. Hindi isang kasama lamang sa bahay."
Udyok ng nag-uumapaw na kaligayahan, umagos sa mga mata ni Jocel ang masaganang luha. "N-naku.. h-hindi ko po alam kung ano ang s-sasabihin ko."
Natatawang nagsalita uli si Mr. Labarigo.
"Wala kang ibang sasabihin sa amin kung hindi ang salitang pumapayag ka, hija."
"Pumayag ka na, Jocel!" sulsol ni David na nasa kanang bahagi niya.
BINABASA MO ANG
Kung Kailangan Mo Ng Magmamahal - Riza Tayag
RomanceIs it possible to love somebody without realizing it? lyon ang tanong na naglalaro sa isip ni Jocel habang nadarama niyang unti-unti nang lumalalim ang damdamin niya para kay David. Hindi niya maaaring sisihin ang sarili, the man was charismatic, dr...