LIMANG taon ang matuling lumipas.
"Nakatanaw ka na naman sa labas. Napakalayo na naman ng iniisip mo, Jocel."
Nakaupo siya sa pasimano ng terasa at totoong lumilipad ang kanyang isipan. Marami siyang iniisip. Maraming-marami at sarisari. "T-Tita, i-ikaw pala." Nakalapit ang tiyahin niya na hindi niya namamalayan. Dumiretso siya ng pagkakaupo.
Tinungo naman ng tiyahin niya ang silya at naupo; saka siya pinakatitigan sa mata. "Halos hindi mo naubos ang pagkain mo kagabi. Ilang gabi na nga ba na halos ay hindi ka na nagha-hapunan, Jocel? Kung ano man ang bumabagabag sa iyo, aba'y nararapat lang siguro na hindi na tayo maglihiman sa isa't isa.
"Ako lamang at ikaw ang natitirang magkamag-anak sa mundong ito. Kaya ano man ang suliranin mo, nandito lang ako."
Napangiti siya sa mga tinuran ng tiyahin.
"Huwag mo po akong intindihin, Tita. I'm all right. Tension lang siguro ito sa trabaho kaya naman wala talaga akong ganang kumain," pagdadahilan niya na hindi makuhang salubungin ang nang-uuring tingin ng tiyahin.
"Tensyon nga ba? O higit pa roon?"
Nagpakawala ng buntong-hininga si Jocel. Hinagilap niya pagkaraan ang palad nito at saka pinisil iyon. "Tita, wala po akong problema. Maniwala kayo. Dahil kung meron man, alangan namang hindi ko sabihin sa inyo, e, tiyahin ko kayo."
"Sana ay gayon nga, Jocel. Pero pilit mo man akong papaniwalain na wala kang problema, mahihirapan ka. Dahil halos limang taon nang parang ibang tao ang kasama ko sa bahay na ito. Nangyari lamang iyon nang iwan kita rito at maningil ako sa ani ng palay sa Nueva Ecija, Jocel."
Ipinatong ng tiyahin ang isang palad sa palad niya na nakapisil sa palad nito. "May bumabagabag sa iyo, alam ko. Sa simula ay nakikiramdam lang ako. Pero habang tumatagal, hindi na ako matahimik, anak."
Talagang pinipilit niya na maging natural sa harapan nito. Dahil sa kagustuhan niyang mapapaniwala ito sa rason na magagawa na niyang sabihin ngayon dito.
"Tita, ganyan na ba ako kadismayado sa tingin n'yo?" aniya, pilit na ngumiti.
"Bueno, gusto kong isipin na.. si Steven pa rin ang dahilan kaya ka nagkakaganyan. Kung nahihirapan ka at mahal mo naman 'yong pobre, bakit hindi mo bigyan ng pagkakataon? Bumabalik naman siya 'kamo sa 'yo at nagsisisi."
She felt relieved sa tinuran ng tiyahin. At ayaw niyang saklawin ang akala nitong dahilan ng mga pagbabago niya. Nais niyang manatiling ganoon ang paniniwala ng tiyahin.
"Do you think, Tita, it would be fair on my part na tanggapin siya uli sa kabila ng mga nangyari? Lagi na lang niya akong pinapaasa noon sa wala. Nagmumukha na akong tanga."
Tinapik siya sa balikat ng tiyahin pagkaraang ngumiti. "Kaysa naman habambuhay kang magmistulang patay? Mahal na mahal mo si Steven, dangan nga lamang at siguro, totoong tanggap mo na katangahan na ang mga pagbibigay mo. Bueno, Jocel, kaakibat ng pagmamahal ang pagpapakatanga. At kung sa ganyang paraan ka magiging maligaya, bakit kailangang labanan mo ang damdamin mo?"
Tumangu-tango siya sa tiyahin at saka humalik sa noo nito.
"H-huwag kayong mag-alala, Tita, susundin ko ang gusto ninyo. Kapag tumawag uli sa akin si Steven, katangahan mang gawin uli, tatanggapin ko siyang muli. S-sino'ng makapagsasabi, baka matuloy din ang kasal namin? Sige, Tita, papasok muna ako sa silid ko. At salamat sa payo ninyo."
At kagyat niyang tinalikuran ito. Kailangan niyang madaliang mawala sa harapan ng tiyahin upang hindi na nito makita ang dalawang butil ng luha na walang-babalang sumungaw sa kanyang mga mata.
Ayaw niyang malaman nitong nagsisinungaling siya!
SA LOOB ng silid, pinawalan ni Jocel ang bigat ng damdamin na limang taon nang naghahari sa kanyang dibdib.
BINABASA MO ANG
Kung Kailangan Mo Ng Magmamahal - Riza Tayag
RomanceIs it possible to love somebody without realizing it? lyon ang tanong na naglalaro sa isip ni Jocel habang nadarama niyang unti-unti nang lumalalim ang damdamin niya para kay David. Hindi niya maaaring sisihin ang sarili, the man was charismatic, dr...