Chapter 1

1K 14 0
                                    

"RYAN! RYAN!"

Makapigil-hiningang paghihintay. Nakaawang ang mga labi ni Miranda habang pinagmamasdan ang binata, kung paanong nakita niyang unti-unting rumehistro sa utak ni Ryan ang pagtawag niya. Sinaulo niya ang dahan-dahang pagpaling ng ulo nito. And then their eyes met—their first eye contact.

At puwede na siyang mamatay.

Kumunot ang noo ng binata. Hindi kasi siya nito kakilala.

Ngunit kilala niya si Ryan. Hindi lang kilala, kundi kilalang-kilala. Ang binata ang rason kung bakit gustong-gusto niyang pumasok sa eskwelahan araw-araw, ang rason kung bakit naniniwala siya sa kasabihang "life is beautiful".

"Excuse me, tinawag mo ba ako?" pagkuwa'y tanong ni Ryan.

Ikinurap-kurap ni Miranda ang kanyang mga mata. Kung kailan pa kinakausap na siya ng lalaking gabi-gabi ay laman ng kanyang panaginip, saka naman bumagal magtrabaho ang mga nerve cells niya. Pakiramdam ni Miranda ay walang rumerehistro sa utak niya at naumid ang kanyang dila.

Tinatawag na si Ryan ng mga kaibigan nito. Nervous system work! lihim na utos niya sa kanyang sarili. "H-hi! I'm Miranda from The Anchor." Iyon ang pangalan ng kanilang school paper. "Gagawan kasi namin ng feature ang lahat ng candidates sa Student Council. Puwede ka bang ma-interview?"

Ang totoo, pinilit—hindi pala pinilit—kundi nagmakaawa at sinuhulan pa niya si Janice, ang editor nila, upang sa kanya na ipa-interview si Ryan. Fourth year na ang binata. Next year ay hindi na niya ito makikita.

It's now or never.

Tinitigan siya ni Ryan na gusto niyang ikailang. Mabuti na lamang at matagal niyang inayos ang sarili kanina. Gumamit pa siya ng setting lotion upang padapain ang tawing-tawing niyang buhok. Suot din niya ang pinakapaborito niyang uniform.

Inayos ni Miranda ang suot na salamin na kasingkapal na yata ng jalousie. Kailan kaya ako maibibili ni Tiya Lucing ng contact lenses? naninibughong tanong ng kanyang utak. Matagal pa siguro. This will have to do, at least nakikita niya si Ryan.

"May free time ka ba para sa interview?" tanong ni Miranda sa binata. Alam niyang hindi siya matatanggihan ni Ryan. Kung gusto nitong manalo, kailangan nito ng good publicity.

Kinawayan ni Ryan ang mga kaibigan. Narinig ni Miranda na pinapauna na ng binata ang mga kaibigan nito, pagkatapos ay muling bumaling sa kanya. "Puwede bang ngayon na lang kasi siguradong sobrang busy na ako next week?"

Mabuti na lang ay girl scout siya, laging handa. "Sure," nakangiting sabi ni Miranda habang tila sumasayaw-sayaw ang kanyang puso sa kaligayahan.

"Sa garden na lang tayo sa likod ng building para tahimik," suhestiyon nito.

"Ikaw ang bahala." Kahit sa dulo ng mundo pa basta ikaw ang kasama ko.

Tahimik ang hardin sa likod ng eskuwelahan nila. Bibihira ang tumatambay roon dahil may kasungitan ang hardinero. Naupo silang dalawa sa kahoy na bench sa gilid.

Nagpakawala si Miranda ng buntong-hininga. Kay raming makukulay na bulaklak, umaawit ang mga maya. Malamlam na ang sikat ng araw na hindi na gaanong masakit sa balat. The ambiance was too perfect.

This must be a dream, a dream that came true.

Itinigil muna ni Miranda ang pagpapantasya at nagsimulang magtrabaho. Inilabas niya mula sa dalang bag ang kanyang recorder at intermediate pad na naglalaman ng mga naisip niyang katanungan para sa binata.

"Simulan na natin," wika ni Ryan, ang hitsura nito ay tila isang batang pulitiko—very eager to please.

"Bakit mo naisipang kumandidato?" ang unang katanungan niya.

The Sweetest Revenge - Andrea CoronelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon