Chapter 2

290 6 0
                                    

"CAN YOU be my adviser, Miranda?" tanong ni Ryan. "Pakiramdam ko kasi'y wala akong kakampi sa mga officers ko dahil lahat sila ay mula sa kalaban kong partido. Please?" Nasa tono nito ang pakiusap.

Pinakawalan ni Miranda ang hanging naipon sa kanyang baga. Wala sa mga naisip niyang options ang maging adviser nito. Sandali siyang nag-isip.

Napatingin siya kay Ryan. Matatanggihan ba niya ang binata?

PUMAYAG si Miranda na maging adviser ni Ryan. Madaling mahirap, mahirap na madali—iyon ang pakiramdam niya sa trabaho. Masaya siya dahil mas naging malapit na siya sa lalaking pinapangarap. Mas nakilala niya ito nang lubos at kasabay niyon ay inalis na niya ito sa pedestal na ginawa niya para dito. Hindi naman pala isang diyos ang binata na dapat sambahin. Madalas nga rin itong magkamali.

Ang trabaho niya ay bawasan ang mga maling desisyon nito lalo pa't tungkol iyon sa pamamahala ng SC. Mas may challenge kaysa sa pagiging first lady.

"Hotel," mariing wika ni Ryan.

"School grounds," kontra ni Miranda.

"JS prom sa school grounds? Anong memories naman ang iiwan mo sa mga estudyante niyan?" di-kumbinsidong sabi nito.

"Masyadong mahal sa hotel. Mauubos ang funds ng council at pagbabayarin pa natin ang bawat estudyante ng malaking halaga. Sayang ang pera," katwiran ni Miranda.

Private man ang kanilang pinapasukan, hindi naman iyon tulad ng De La Salle at Ateneo kung saan halos lahat ng estudyante ay mayayaman. Sa eskuwelahan nila ay marami ring mahihirap na tulad niya. Mabuti na lamang at mayroon siyang high school educational plan dahil siguradong hindi siya mapag-aaral ng kanyang tiyahin. Kay Charlotte pa nga lang ay nahihirapan na ito.

"Ayoko sa school grounds, corny," giit ni Ryan.

"Huwag naman sa hotel dahil kahit ako'y hindi makakadalo roon," sagot niya.

"Minsan lamang nangyayari sa buhay ng isang estudyante ang pag-attend ng prom."

"Luho na ang mag-hotel pa tayo. Hindi na iyan praktikal sa panahon ngayon."

Pagkatapos ay kapwa sila saglit na natahimik. Kumunot ang noo ni Ryan. "Sa clubhouse kaya ng isang subdivision?"

Nangalumbaba siya at nag-isip. Mukhang magandang ideya. Hindi gaanong magastos pero hindi rin naman cheap.

"That's better," sang-ayon ni Miranda.

Sinimulan nilang magplano ng ibang detalye para sa nalalapit na JS prom. Isinulat niya ang lahat ng kanilang napagkayarian sa isang papel na ipapakita naman ni Ryan sa officers nito.

Iyon ang maganda sa samahan nila, they meet half way. Minsan ay nagpapatalo rin siya at gayon din naman si Ryan. Partners talaga sila.

Partners... Kay gandang pakinggan. Magkapares lamang ang inyong utak, hindi ang inyong puso, nanunuyang bulong ng kanyang isip.

PAKIRAMDAM ni Miranda ay hindi siya nakatapak sa lupa habang kausap niya si Janice.

"Guess who invited me to the prom?"

Nagkunot-noo ito. "Anong invited? Kasama mo ako sa pamamahala ng refreshments table."

Umiling si Miranda. "Maghanap ka na ng ibang kasama, may date ako," masayang pagbabalita niya.

"Sino naman?" nanlalaki ang mga matang tanong ng kaibigan niya; para bang imposibleng mangyari sa kanya ang magkaroon ng date.

"Si Ryan, he asked me." Maging sa pandinig niya ay parang hindi kapani-paniwala ang kanyang sinabi.

"Bakit? Pambayad sa pang-aalipin niya sa iyo?" nakangusong tanong ni Janice.

Umasim ang mukha ni Miranda. Masakit ang sinabi ng kaibigan, tagos sa kanyang laman.

The Sweetest Revenge - Andrea CoronelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon