Chapter 5

279 4 0
                                    

SINURI ni Nadine ang ilang litrato nina Beth at Mike. Maging siya ay hindi makapaniwala. Bagay na bagay ang dalawa.

Napakabilis ng mga pangyayari. Kasimbilis ng pagkakakilala nina Beth at Mike ang pagkalat ng mga balita. May namumuong relasyon daw sa pagitan ng dalawang modelo. Madalas makitang magkasama ang dalawa; inaabot daw ang mga ito hanggang dis-oras ng gabi.

Nakikiayon yata ang mga pangyayari sa paghihiganti ni Nadine. Ang plano lamang naman niya ay pagselosin si Ryan, bigyan ito ng kaunting sakit ng ulo. Pero lumabas na mas kaawa-awa pa ang binata. Niloloko ito ng sariling kasintahan. Kung darts ang nilalaro niya ngayon, naka-bull's-eye siya.

Bahagya pa siyang nagulat nang marinig ang boses ni Betsy na nagmumula sa intercom.

"Ma'am Nadine, may bisita po kayo. Mr. Ryan Marquez daw po."

"Patuluyin mo," utos niya sa sekretarya.

Pumasok si Ryan sa kanyang opisina. Tinitigan niya ang binata. Hindi naman ito mukhang desperado na tulad ng kanyang inaasahan. Hindi nanlalalim ang mga mata. Hindi rin naman pumayat. Sa tingin nga niya ay mas tumaba pa ito. Kung babae si Ryan masasabihan pa niyang blooming ito.

"Ryan, I'm really sorry," wika ni Nadine nang makaupo na ang binata. Kahit papaano ay natatakot din siya rito. Mamaya ay siya pa ang mapagbuntunan nito ng galit.

Nagkunot-noo si Ryan. Sinuri nito ang mga litrato nina Beth at Mike na nagkalat pa sa mesa niya. "Sorry para saan?"

"I never really knew na sa ganito hahantong ang pagmomodelo ni Beth." May bahid ng katotohanan ang kanyang sinabi. Hindi niya pinlano ang pagkakaroon ng relasyon nina Beth at Mike.

"Ginusto ni Beth ang mga nangyari. Ito talaga ang buhay na inaasam niya kahit noon pa."

Nanatili itong nakatitig sa mga larawan.

Napakagat-labi si Nadine. "Sana ay hindi ko na lamang siya inalok na magtrabaho sa amin. Alam ko namang mapapalaban si Beth sa tukso kapag nagmodelo siya." Hindi siya makatingin kay Ryan. Nagsisinungaling na siya. Sinubok niya si Beth. Hindi naman niya akalain na napakahina ng naturalesa nito. Bumigay kaagad.

Tinitigan siya ni Ryan. "Wala kang kasalanan, Nadine."

Nakalulunod ang titig na iyon. Gusto na tuloy niyang makonsiyensiya. Iniiwas niyang muli ang tingin dito. "Ryan..."

"Ano 'yon, Nadine?"

"Ahm... nasa studio si Beth. Gusto mo ba siyang makausap?" Kung giyera man ito, mabuti nang magharap ang tunay na magkalaban. Ayaw niyang maipit sa gitna ng labanan.

Tumango si Ryan. "Iyan nga ang ipinunta ko rito. Iniiwasan niya kasi ako. Ang gusto ko lamang naman ay magkaroon kami ng formal breakup."

Sinamahan ni Nadine ang binata sa kanilang studio. Tinawag niya si Beth.

"Gusto kang makausap ni Ryan." Nakita niya ang pamumutla ng magandang mukha ni Beth.

Nag-usap nang masinsinan sina Ryan at Beth. Luhaang bumalik sa studio si Beth habang kalmante naman si Ryan nang lumapit ito sa kanya.

"How was it?" interesadong tanong ni Nadine.

Nagkibit-balikat lamang si Ryan. "Nakatakda na sigurong mauwi ang lahat sa ganito. Pareho lang naming iniiwasan ang katotohanan."

Pagkuwa'y napatingin ito sa orasan sa kanilang lobby. "Lunchtime na pala. Would it be too much to ask you to join me? I need somebody to talk to."

Gusto sanang tumanggi ni Nadine, ngunit sa isang banda ay siya ang dahilan kung bakit wala nang girlfriend ngayon si Ryan. Ano ba naman iyong pakinggan niya ang mga paghihinagpis nito? Mas maganda nga iyon. Makita lamang niyang luhaan at nawasak ang damdamin ng binata ay magiging lubos na ang kanyang paghihiganti.

The Sweetest Revenge - Andrea CoronelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon