Chapter 3

280 7 0
                                    

NAPASIMANGOT si Nadine habang nag-iinat siya. Puwede palang maulit ang isang panaginip. Pero ilang taon na ba ang nakalilipas? Eleven years. Marami nang nagbago sa kanya, pati na nga ang pangalan at apelyido niya ay iba na rin. Paanong sinundan pa siya ng panaginip na iyon? Hindi na siya si Miranda.

Pagkatapos maligo at makapagbihis, tinitigan niya ang sariling repleksyon sa salamin. Binaon na niya sa limot si Miranda. Ang babaeng nakikita niya ngayon ay maganda, hindi man iyong gandang pang-beauty queen, but considerably attractive.

Gone were the braces and the glasses. Pinaikli na niya ang kanyang mahabang buhok; it's amazing what a new hairstyle can do. Nakapagbawas na rin siya ng timbang. Malayo mang maging perfect ten ang kanyang figure, at least ngayon ay wala nang dahilan para ma-conscious siya sa kanyang katawan. Isa pa'y alam na niya ngayon kung anong klase ng mga damit ang dapat niyang isuot. She should know, that was her business.

Makita lang niya ang lalaking tumawag sa kanya noon ng "matabang kuwago," isinusumpa niya, ipabubugbog niya iyon sa kanyang mga manliligaw.

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang mga katok sa pinto.

"Ma'am Nadine, hinihintay na po kayo ni Sir."

"Sige, susunod na ako," malakas na tugon niya sa katulong na nasa labas ng kanyang silid. Dinatnan ni Nadine ang kanyang Lolo Roberto na nagkakape sa garden. Ibinaba nito ang binabasang peryodiko nang mabungaran siya.

"Good morning, my beautiful Nadine," bati nito.

"Good morning, Lolo," ganting-bati niya habang humahalik sa pisngi nito. Nangulubot ang noo ng kanyang lolo nang mapagmasdang bihis na bihis siya. "Off to work again?"

"Lo, it's a weekday, natural may trabaho," katwiran niya. "Late na nga ako, eh."

"Hija, puwede namang hindi ka na magtrabaho. Ikaw lang ang mapilit. Matigas ang ulo mo katulad ng iyong mama. Mabubuhay na tayo nang maluwag. Dadalawa lamang naman tayo at kahit pa isama mo ang iyong tiyahin at pinsan sa ating gastusin ay marami pa ring matitira sa kinikita ng aking mga naipundar."

Nabahiran ng kaunting pangungulila ang mukha ni Nadine nang maalala niya si Charlotte. Pati nga ang mga pagtatalak ng kanyang Tita Lucing ay nami-miss na rin niya. Nasa Amerika na ang kanyang pinsan, kasama ang tita niya na ipinatitigil ni Charlotte. Mas mabuti pa noong narito sa Maynila ang dalawa, at least may kakulitan siya.

"Lolo, mabuburo lamang ako rito sa bahay, kakalawangin ang utak ko," sagot niya habang hinihiwa ang kanyang tuna croissant.

Napailing na lamang si Lolo Roberto habang humihigop ng kape. "Hindi ka naman magkukulong dito sa bahay. We'll go out, mamamasyal, magtu-tour, magsha-shopping. Normal women love that."

Tinaasan niya ng kilay ang kanyang lolo. "And I'm not normal?"

Napangiti ito. "You and your mom. Nagtataka ako kung bakit mas nanaisin n'yo pang magbanat ng buto kaysa i-enjoy ang karangyaang ibinibigay ko na sa inyo."

"Lolo, I find pleasure in my work."

Hinawakan ng matanda ang kamay niyang nakapatong sa mesa. "Hija, pipilitin kitang intindihin, bagay na hindi ko nagawa noon sa iyong mama. Pero alam mo kung ano ang talagang gusto kong gawin mo..."

Napangiwing tumango na lamang siya. "Find a decent man and produce your great grandchildren."

"I want kids playing in my mansion. They will do wonders to my health." Hinigpitan pa nito ang pagkakahawak sa kamay ni Nadine. "Go home early, may party rito sa bahay mamayang gabi."

Kumunot ang kanyang noo. "Party na naman?"

"Please, honey, just for your lolo. Malay mo makilala mo na mamayang gabi ang lalaking magbibigay sa akin ng maraming apo sa tuhod."

The Sweetest Revenge - Andrea CoronelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon