Chapter 8

255 6 0
                                    

LULUGO-LUGONG umuwi si Nadine. Ngayon niya napatunayan na nasa huli talaga ang pagsisisi. Akala pa naman niya ay abot-kamay na niya ang kaligayahan. Tulad ng isang bulang pumutok sa isang iglap, nawala ang lahat sa kanya.

Sa dulo ng kanyang paghihiganti ay walang nagwagi dahil sa mga oras na sinaktan niya si Ryan ay para na rin niyang sinaktan ang kanyang sarili. Ngayon lamang niya napagtanto na ang binata lamang ang tanging lalaking natutuhan niyang ibigin. Lahat ng kanyang mga manliligaw at nakarelasyon ay ikinokompara niya kay Ryan at walang humigit, ni pumantay man lamang sa kanyang unang pag-ibig.

Ni hindi alam ni Nadine kung paano siyang nakarating sa kanilang bahay. Ang kama at mga unan niya ang naging saksi kung paanong nasaktan ang kanyang puso, kung paanong naubos na halos ang kanyang luha.

KINABUKASAN, tanghali nang nagising si Nadine. Ni ayaw niyang tumayo sa higaan. Ayaw na niyang mabuhay. Ano pa ang silbi ng lahat kung wala rin lamang si Ryan? Ang lalo pang nagdudulot sa kanya ng labis na pighati ay ang kaalamang kinamumuhian siya ng binata.

Napilitan siyang tumayo sa sunod-sunod na mga katok sa kanyang pinto.

"Hija, nag-aalala na kaming lahat sa iyo," bungad ng kanyang lolo nang pagbuksan niya ito. Pumasok ang matanda sa loob ng kanyang kuwarto.

Humigang muli si Nadine sa kama, binalot niya ng kumot ang sarili, at isinubsob ang kanyang mukha sa unan. Ayaw niyang mapansin ni Lolo Roberto ang namamaga niyang mga mata. Ayaw niyang makipag-usap kahit kanino. Gusto muna niyang mapag-isa.

Umupo ang kanyang lolo sa gilid ng kanyang kama at marahang hinaplos ang kanyang buhok. "Masama ba ang iyong pakiramdam?" tanong nito sa kanya.

"Masakit lamang po ang ulo ko," dahilan na lamang ni Nadine. Bukod pa roon ay naninikip pa rin ang dibdib niya at mahapdi ang kanyang mga mata. Pumihit siya patalikod sa kanyang lolo upang hindi nito masuri ang kanyang itsura.

"Magpahangin ka sa hardin. Kalahating araw ka nang nakakulong dito sa kuwarto mo at ni hindi ka pa nag-aalmusal. Sasabayan kitang kumain," utos ni Lolo Roberto.

"Wala po akong gana," katwiran naman ni Nadine. "Kayo na lamang po ang kumain."

"Huwag matigas ang ulo, Nadine. Hihintayin kita sa hardin." Tumayo na ito at lumabas ng kuwarto.

Halos hilahin ni Nadine ang kanyang katawan mula sa kama. Napilitan siyang maligo at palitan ang suot niyang nightgown. Wala siyang sigla na gawin ang kahit na anong bagay. Alang-alang kay Lolo Roberto ay sinubukan niyang ayusin ang sarili upang kahit papaano ay magmukhang presentable naman siya.

Paglabas niya ng bahay ay inabutan niya ang kanyang lolo na matiyagang naghihintay sa kanya sa hardin.

Agad itong tumayo nang makita siya. Inayos pa nito ang kanyang uupuan. Aakalain mong may handaan sa dami ng putaheng nakahain sa mesa.

"Pinahanda ko ang lahat ng paborito mong pagkain para ganahan kang kumain," pagbibida ng kanyang lolo. Kung bata-bata pa siguro siya ay susubuan siya nito.

Tumikim si Nadine ng morcon. Mapakla ang kanyang panlasa. Pilit niyang nilulon ang kanyang isinubo dahil tiyak na lalo itong mangangamba kung iluluwa niya iyon.

May pininyahang manok, steamed lapulapo, at hinalabos na alimasag. Tinikman niya ang bawat putahe ngunit walang nagpabalik sa kanyang ganang kumain. Noon, kapag ang mga putaheng ito ang nakahain sa kanilang hapag, tiyak na malilimutan niya ang pagdidiyeta. Ngayon tingnan pa lamang niya ang mga pagkain ay nauuyam na siya.

"Hindi mo ba nagustuhan ang mga nakahain? Puwede akong magpalutong muli," alo ni Lolo Roberto sa kanya nang mapansin nitong kakaunti lamang ang inilagay niya sa kanyang pinggan.

The Sweetest Revenge - Andrea CoronelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon