Chapter 3

194 4 0
                                    

"DON'T worry, 'Ma, we'll find Nayan," alo ni Terence sa inang si Mrs. Pacita Orozco. Nagmamadali siyang umuwi sa Canaman galing ng Maynila nang itawag sa kanya ng ina na nawawala ang kanyang anak. Ito na lang ang natitirang alaala ng yumao niyang asawang si Neena. Kinailangan niyang iwan ang meeting niya sa Maynila dahil sa anak.

Ayon sa yaya ni Nayan, nawala ito sa simbahan. Papunta na raw ang mga ito sa kinapaparadahan ng sasakyan nang bigla na lang binitawan ng kung sino si Nayan at tila may hinahabol. Hinanap ng mga ito si Nayan sa buong paligid pero dahil sa dami ng tao ay hindi natagpuan.

Kinausap niya ang ina tungkol dito pero dahil sa labis na pag-aalala, hindi niya ito maayos na kausapin. Hindi rin niya magawang magalit sa yaya ng anak na kanina pa rin umiiyak sa takot na mapagalitan.

Kaninang kinakausap niya ito ay para bang tutumba na lang ito sa harapan niya dahil sa sobrang nerbiyos.

Pinahanap na niya ang anak sa mga tauhan niya at nakapag-report na rin siya sa mga pulis pero wala pa rin silang natatanggap na balita. Saglit siyang tumingin sa suot na relo at napalakas ang ungol sa sobrang desperasyon. Mag-aalas-kuwatro na. Maglilimang oras nang nawawala ang kanyang anak.

"Arnold, wala pa bang balita?" inis na tanong niya sa isa niyang tauhan. Isa ito sa mga inutusan niya para hanapin si Nayan.

"Wala pa, Boss," anito. "Sinabihan ko na ang mga pulis na kumilos nang mabilis at ang sabi ay ginagawa naman daw nila ang lahat para mahanap si Nayan. Noong una ay ayaw pa nga nilang kumilos dahil kailangan pa raw munang maghintay nang beinte-kuwatro oras bago nila hanapin ang nawawala pero nang sabihin kong anak ninyo ang nawawala ay kumilos naman sila kaagad."

Tumango-tango na lang siya sa sinabi nito. Hindi na niya pinagtakhan ang sinabi nito dahil kilala ang pamilya nila sa halos buong Bicol. Ang pamilya nila ay nagmamay-ari ng isa sa pinakamalaking gas station sa buong lalawigan. Hindi man ay parang gusto na niyang mawalan ng pag-asa. Ngayon pa lang nangyaring nawala si Nayan. Hindi nila alam kung saan ito nagpunta at kung sino ang kumukupkop ngayon. Pipi siyang dumalangin na nawa ay napunta sa mabuting kamay ang kanyang anak. Kapag may nangyaring masama rito ay baka hindi na niya makakayang mabuhay pa.

KAGAT-KAGAT ni Kraine ang daliri habang seryosong nakatingin kay Nayan. Naroong mapangiti siya pagkatapos ay mapapangiwi habang nakatingin dito. Masayang-masaya ito habang nanonood ng cartoons sa TV at kinakain ang ginawa niyang easy-to-cook brownies.

Pinalitan na rin muna niya ang suot nitong bestida kanina ng kanyang T-shirt para hindi marumihan at magusot ang damit nito habang naglilikot.

"O, kumusta na kayo niyang anak mo?" untag ni Wica sa kanya.

"Anong oras ba natin ibabalik ang batang iyan sa kanila? Tiyak na hinahanap na iyan ng mga magulang niya," nag-aalala niyang sabi nang lingunin ang kaibigan.

"Eh, bakit hindi mo tanungin kung saan siya nakatira? Siguro naman alam niya kung nasaan ang bahay nila."

"Iyon na nga ang problema. Maliban sa 'I live in a big house with my lola and daddy,' ayaw niyang sabihin sa akin kung saan siya nakatira. Ilang big house ba ang mayroon dito sa Naga? Alangan namang katukin ko isa-isa ang bawat malaking bahay rito sa lugar n'yo, no."

"Kung ganyang ayaw niyang sabihin kung saan ang bahay nila, mahihirapan tayong ibalik ang batang iyan sa kanila." Hinimas-himas nito ang baba, pagkatapos ay muling tumingin sa kanya. "Kunsabagay, okay lang naman sa akin kung may aampunin ulit ako. Tutal hindi hamak namang mas masarap mag-ampon ng isang batang cute na gaya ni Nayan kaysa sa isip-batang gaya mo."

"Sira ka ba? Mag-aampon ka ng isang batang may magulang naman? 'Di bale sana kung basta-bastang bata lang itong si Nayan. Eh, mukhang mas mahal pa yata iyong suot niyang sapatos kaysa sa sapatos natin." Pinandilatan niya ito.

One Silly Kiss - Keene AlicanteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon