Chapter 5

203 2 0
                                    

ILANG araw nang hindi nakikita ni Kraine si Nayan. At aaminin niyang nami-miss niya ito. Napabuntong-hininga siya habang nakapanga-lumbaba.

"Nami-miss mo iyong mag-ama, ano?" tudyo ni Wica.

"Si Nayan lang," depensa agad niya.

"Iyong bata o iyong ama ng bata?"

Pinandilatan niya ito. "Okay, sinabi mo, eh," sabi nito bagaman nasa tono pa rin ang panunudyo.

"Bakit nga kaya hindi na dumadalaw sa atin ang batang iyon samantalang dati, kahit umaga, sumusugod iyon dito."

"Baka busy," sabi na lang niya. Hindi naman kasi niya sinabi sa kaibigan na may nasabi siyang hindi nagustuhan ni Terence. May palagay siyang pinagbawalan na ni Terence na makipagkita ang anak nito sa kanya.

Kunsabagay, mas mabuti na iyon. Hindi naman siya ang tunay nitong ina at mahirap nang magkalapit nang husto ang damdamin nilang dalawa. Alam niyang hindi naman siya magtatagal kina Wica dahil nasa Maynila ang buhay niya. Nagpapalipas lang siya roon ng sama ng loob. At kung mapapalapit nang husto sa kanya si Nayan, tiyak na pareho lang silang masasaktan kapag kailangan na niyang magpaalam dito.

Mayamaya ay may tumigil na sasakyan sa harap ng bahay.

"May bisita ka yata, Wica," sabi niya rito.

Naguguluhang tumingin ito sa kanya. "Wala naman akong inaasahang bisitang darating."

"Alangan namang bisita ko iyan, wala naman akong kakilala rito."

"Kunsabagay." Tumayo na ito para pagbuksan ang dumating. "Terence, ikaw pala. Tuloy ka," narinig niyang sabi ni Wica. Napatuwid siya ng upo.

Paglingon niya ay kasunod na ni Wica si Terence.

"Puwede ko bang makausap muna sandali si Kraine, Wica?" tanong nito habang nakatingin sa kanya.

"Sure, no problem. Doon muna ako sa kusina."

"Maupo ka muna, Terence," aniya rito nang sila na lang ang naroon sa sala. "May problema ba?" tanong niya nang mapansing tila nag-aalala ito.

"It's about Nayan," sabi nito. "She's sick and she wants to see you."

"Ano?" Nagulat siya sa sinabi nito. "Pero bakit? Ano'ng nangyari at nagkasakit siya?"

"It's my fault," anito at nag-iwas ng tingin. "Pinagbawalan ko kasi siyang makipagkita sa iyo dahil alam kong mahihirapan lang siya kapag napalapit nang husto ang loob niya sa iyo. Ipinaliwanag ko naman nang mabuti sa kanya ang lahat pero ayaw niyang makinig sa akin. Simula noon ay hindi na siya kumakain at ayaw na ring pumasok sa school. Kakain lang daw siya uli kapag dinalaw mo siya." Ginagap nito ang kamay niya. "Please, Kraine, come with me. Gusto kang makita ni Nayan."

Nakatitig lang siya sa kamay niyang hawak nito, pagkatapos ay tumingin dito. "S-sure." He looked relieved after that.

SUMAMA si Kraine kay Terence patungo sa Canaman dahil naroon ang bahay ng mga ito. May nakita pa siyang isang napakalaking gas station sa tabi ng highway na ayon dito ay pag-aari ng pamilya nito.

"Nandito na tayo." Pinatay nito ang makina ng sasakyan at pinagbuksan siya ng pinto.

Gusto niyang malula sa napakalaking ancestral house na tumambad sa kanyang paningin nang umibis na siya. Kahit saan niya ibaling ang tingin ay wala siyang makita kundi karangyaan.

"Terence, hijo, nariyan na pala kayo." Isang may-edad na babae ang sumalubong sa kanila.

"'Ma, I want you to meet Kraine. Siya ang nakakuha kay Nayan nang mawala ang anak ko," pagpapakilala ni Terence sa kanya sa babae.

One Silly Kiss - Keene AlicanteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon