Chapter 8

210 6 0
                                    

MEDYO ginabi sina Terence at Kraine sa pag-uwi. Hindi na kasi nila namalayan ang paglipas ng oras dahil sa dami ng napag-usapan nila.

"Salamat nga pala sa pagpapaunlak mo sa akin," anito nang nasa tapat na sila ng pinto.

"Wala iyon," nakangiti niyang wika. "Nag-enjoy nga akong kasama ka." Muli siyang humarap sa pinto upang buksan iyon ngunit mabilis nitong napigilan ang kamay niya. Nagtatakang tumingin siya rito para lang magulat sa nabasa sa mga mata nito.

Noong una ay diretso itong nakatitig sa kanyang mga mata, pagkuwan ay bumaba ang tingin nito sa kanyang mga labi, pagkatapos ay bumalik sa kanyang mga mata. Tila may ipinapahiwatig ang mga mata nito ngunit hindi niya kayang ipaliwanag.

"Kraine.. " bulong nito.

Bago pa siya nakahuma ay sakop na ng mga labi nito ang kanyang bibig. Nagulat siya kaya hindi siya nakapag-react. It was a deep and hungry kiss. May pananabik sa halik na iyon at hindi niya napigil ang sariling tumugon. Hindi man siya marunong ay agad siyang natuto. Terence was a very good teacher and she was a willing student. Gusto pa nga niyang magprotesta nang tumigil ito sa paghalik sa kanya.

"Thank you..." bulong nito.

Bigla niya itong naitulak. Yuko ang ulo at pulang-pula ang mukha na tinalikuran niya ito. Bakit? Iyon ang gusto niyang itanong dito pero hindi niya magawang magsalita. Her lips were still sore, her mind was confused, and her heart was pounding wildly in her chest.

"O, bakit hindi pa kayo pumapasok?" tanong ni Wica nang buksan nito ang pinto.

Medyo nakahinga siya nang maluwag pagkakita sa kaibigan.

"P-papasok na nga kami." Dire-diretso siyang pumasok sa loob ng bahay. Sumunod naman sa kanya ang mga ito.

"Alam mo bang nag-long-distance dito si Jobert at kanina pa panay ang tawag dahil hinahanap ka? Nag-aalala raw siya nang husto sa iyo kaya tatawag siya ulit," ani Wica.

Napahinto siya sa paglakad at humarap dito.

"Si Jobert? Anong oras daw siya tatawag ulit?" She faked her excitement. She thought she was so in love with Jobert all her life kaya naman nang malaman niyang may nangyari dito at kay Marixi ay nasaktan siya. Dapat ay makaramdam siya ng tuwa sa sinabing iyon ng kaibigan niya pero wala siyang makapang excitement sa dibdib. Dahil ba iyon sa halik na pinagsaluhan nila ni Terence kaya nagkakaroon na siya ng pagdududa sa totoo niyang nararamdaman?

Nang tumingin siya kay Terence ay nagtaka pa siya sa madilim nitong anyo. Tiim-bagang itong nakatitig sa kanya na tila galit ito.

"Maupo ka muna, Terence, ikukuha kita ng juice," sabi rito ni Wica.

"Huwag na, Wica. Hindi na ako magtatagal. Mukhang may importanteng tawag na hihintayin ang kaibigan mo kaya mauuna na ako."

Pagkuwan ay lumabas na ito.

Ipinagtaka niya ang biglang pagbabago ng mood nito. Kanina lang ay masaya pa itong nakikipag-usap sa kanya. Bakit bigla-bigla ay tila may ikinagalit ito?

Tumingin naman sa kanya si Wica nang makaalis ang sasakyan ni Terence. "Parang nagalit yata si Terence. May nasabi ba akong masama?"

"Ewan ko. Hindi ko alam. Kanina lang ay masaya pa iyon."

KANINA pa nakatitig sa kisame si Kraine. Hindi siya makatulog.

Nakausap na niya kanina si Jobert. Sinabi nitong nag-aalala na ang mga ito nang husto dahil hindi man lang siya tumatawag sa kanila. Nagbaka-sakali nga lang daw ito na baka naroon siya kina Wica.

Natutuwa siya at nag-aalala pa rin pala ito sa kanya pero maliban doon ay wala na siyang ibang maramdaman. Wala na ang inaasahan niyang pagkabog ng kanyang dibdib nang marinig ang boses nito. Parang isang nag-aalalang kaibigan lang ang tumawag sa kanya at hindi ang lalaking minsan niyang minahal at inasahang makakasama niya habang-buhay.

One Silly Kiss - Keene AlicanteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon