Capítulo Dos punto uno (2.1)

12 0 0
                                    

"Teka..." Napa-angat ang tingin ko sa lalaki pero hindi ko na siya nakita kaya napalingon-lingon ako sa paligid pero wala na 'yung lalaking may bughaw ang mata at 'yung itim na kotse na makinis.

"Saan naba 'yun nagpunta? Ang bilis naman 'yun naglaho," bulong ko sa hangin at tiningnan ulit ang business card na binigay ng lalaki sa akin.

"Nakakatakot naman ng pangalan niya, Wild Fuero," napa-iling-iling naman ako sa kawalan dahil sa binasa kong pangalan at nabalik na lang ako sa realidad nang marinig kong maraming nagbubusenang sasakyan sa akin. Nasa gitna pa pala ako ng malapad na highway kaya nagtatakbo ako papunta sa kabilang dako at mabuti na lang ay safe akong nakarating sa kabila.

"Muntik na akong mamatay," hinihingal na saad ko habang hinihimas ang dibdib kong kumakabog sa kaba at takot.

|༺☬༻|

Ilang oras ang nakalipas. Umupo ako sa isang bench malapit sa street lights, nandito pa rin ako sa labas at hindi pa umu-uwi sa apartment ko. Tanggap ko ng magiging palaboy na lang ako sa buong buhay ko simula sa gabing ito. Napa-angat ang kamay ko na may dalang supot at ang laman nito ay mga beer na nakalagay sa lata at napatingin naman ako rito.

"Papatayin ko na lang ang sarili ko, iinom na lang ako ng beer na walang lunch at walang dinner ang laman ng tiyan ko, bahala na," napapagod na saad ko habang nakasandal sa bench at parang mahuhulog na ang katawan ko sa pagkasandal dito dahil hindi maayos ang pagka-upo ko, dahil na rin sa pagod ay parang nakahiga na ako sa sinasandalan kong bench.

Kinuha ko ang isang lata ng beer at saka ay binuksan ito at agad naman naglabasan ang mga bula nito. Tinunga ko agad ang lata at sirang-sira ang mukha kong ininom ito.

"Pwe! Ang pait!" Saad ko at itatapon ko na sana ang beer nang maalala kong binili ko pa naman ito sa convenience store kaya responsibilidad kong ubusin ang tatlong lata ng beer na binili ko. Hindi kasi ako sanay na uminom ng alak kasi maliban sa mapait, mabaho rin, tapos nakakalasing. Kapag kasi umiinom ako ng beer ay naalala ko 'yung mga tambay na mga lalaki sa tindahan doon sa lugar namin noon, ayaw kong magaya sa kanila.

"For 200,000 pesos every month, be my secretary, Miss," nakangising saad niya sabay lahad sa akin ng isang business card kaya nagtataka naman akong tinanggap ito.

Agad akong nagising sa katotohanan nang maalala ko 'yung sinabi ng lalaki kanina. Teka, in-offeran niya pala ako ng trabaho na maging secretary niya tapos may sweldo pang 200,000 pesos. Agad akong napasapo sa noo ko dahil nakalimutan ko 'yung offer niya. Dahil sa dinami-rami ng iniisip ko sa nangyayari ngayong araw, mula sa sinabi ni Manang kaninang umaga na mawawala sa akin ang apartment ko hanggang sa nangyari ngayong buong araw na wala akong trabahong nakita, dahil na rin sa dalawang kainan na hindi ako nakakain ngayong araw kaya naging tuliro ako at wala na sa tamang pag-iisip kaya nakalimutan ko 'yung 200,000 na sinasabi nung arroganteng lalaking 'yun.

"Aish! Ano ba naman 'yan, Stella?! Naghahanap ka talaga ng sakit sa ulo, in-offeran kana nga ng trabaho kinalimutan mo pa," inis na saad ko sa sarili kaya kinuha ko mula sa bag ko ang cellphone kong old version ng samsung, 'yung Samsung Galaxy S5.

Kinuha ko rin kasabay sa cellphone ko ang business card na binigay sa akin nung lalaki kanina. Siningkit ko ang mga mata ko para maaninag ng husto 'yung numero niya sa card.

Tinipa ko sa cellphone ko 'yung number niya, mabuti na lang at hindi pa ubos ang load nito, pero huling tawag ko na lang itong load na ito ngayong gabi. Nagring ang tinawagan ko kaya agad ko itong dinikit sa tainga ko. Hindi pa rin ako maayos na naka-upo sa bench at parang lugmok na lugmok pa rin ang katawan kong naka-upo rito.

Ilang ring pa ang natanggap ko bago ito sinagot mula sa kabilang linya. Rinig na rinig ko mula sa kabilang linya ang malalakas na tugtog at mga tawanan ng mga tao.

"Hello," walang ganang saad ko.

"Who's this?" Sagot ng lalaki na may malalim na boses. Ba't ba ang lalim ng boses niya?! Para siyang nagsasalita mula sa loob ng isang kweba.

"Kailan ako makakapasok sa work, Mr. Wildfire?" Pagod na saad ko.

"Anong kailan? Hey, Miss, kailangan ka pang dumaan sa interview bago kita tanggapin bilang sekretarya ko, nagkakaintindihan ba tayo?" Masungit na tugon niya. Ayan na naman 'yung interview, d'yan talaga ako napagiiwanan, eh.

"P'wedeng wala na lang interview? Hindi kasi ako natatanggap, eh, please? Need ko na ang trabaho ko ngayon dahil wala na talaga akong tutulugan ngayong gabi kung hindi pa ako matatanggap sa interview na 'yan," pagmamakaawa ko.

"No, dadaan ka sa interview sa ayaw at sa gusto mo. Interview tomorrow sa Head Quarter ng Cyrene Group of Company exactly 8:00 AM, don't be late?" Supladong saad niya at binabaan na niya ako ng telepono.

"Paano ko ba malalampasan itong interview bukas? Palagi na lang akong hindi natatanggap sa interview, eh!" Inis na saad ko at napapadyak ang mga paa ko na naka-angat sa hangin.

Inayos ko na ang pagkaka-upo ko at saka ay tinunga ang beer na ininom ko kanina at napabuga naman ako sa ininom ko dahil sa pait nito. Hindi ko talaga kayang uminom nito, ang pait! Paano ba nalulunok ng mga tambay doon sa amin noon itong mga alak na ito?

Agad akong tumayo at saka ay naglakad. Nadaanan ko ang isang pulubing lalaki na naka-upo sa semento kaya inabot ko na lang sa kan'ya ang dalawang alak na natira na nakalagay pa sa supot. Nagtataka naman itong tinanggap ang ibinigay ko sa kan'ya.

"Sa 'yo na lang po 'yan, sana malunok niyo po 'yan, hindi kasi kaya ng sikmura ko, eh, pasensya na," paumanhin ko at agad ng umalis sa harap ng pulubi na nagtataka pa rin ang mukha.

Bumalik ako sa apartment ko at nilakad ko na lang ito kahit dalawang kilometro ang layo nito mula sa bench na inuupuan ko. Wala na akong pamasahe, eh, naubos na sa alak na hindi ko naman ininom. Tapos madalang na lang ang taxi sa oras na ito, malapit na kasi mag alas nwebe ng gabi.

Pagdating ko sa apartment ko ay naabutan ko ang mga gamit ko roon sa labas ng pinto. Bumukas ang pinto ng apartment ko at lumipad mula sa loob ang mga sako na nilagyan ko ng mga damit ko.

Wala kasi akong maayos na bag kaya sako ng bigas ang nilagyan ko ng mga damit ko. Oo, sako rin ng bigas na may lamang damit ang dala-dala ko mula Bukidnon papunta rito sa Quezon City. Dali-dali kong nilapitan ang mga gamit ko at pinulot ito. Karamihan sa mga gamit ko ay mga plastic cellophane, plastic bag, mga sako na nilagyan ko ng damit noon, tapos mga basura.

"Manang, bakit niyo naman po tinapon ang mga gamit ko?" Malungkot na saad ko habang pinupulot ang mga gamit ko sa sahig.

"Ano ba napag-usapan natin kaninang umaga, Stella?" Mataray na saad niya at tinaasan niya ako ng isang kilay.

"Na aalis po ako rito kung hindi ako makahanap ng trabaho," nakayukong tugon ko.

"Oh, ayan, alam mo naman pala, so ano? May nahanap kana ba?" Kunot-noong saad niya.

"Mayroon po, 200,000 po ang sweldo, pero please, bigyan niyo pa po ako ng huling pagkakataon hanggang bukas. Bukas pa kasi ang interview nung nag-offer sa akin ng trabaho, pero kung hindi po ako matatanggap bukas, ako na po ang kusang lalayas po, please?" Pagmamakaawa ko.

ACHLYS: "HUSH!" ['NDRANGHETA SERIES: UNO]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon