Chapter 2

519 11 2
                                    

Mainit na mainit ang ulo ni Aubrey nang lumabas ng opisina ng kompanyang ina-apply-an. Halos hindi maipinta ang mukha niya habang naghihintay ng masasakyan pauwi.

Dapat sana ay mayroon na siyang trabaho ngayon, pero hindi niya ito tinanggap. Dahil sa lalaking naengkuwentro na halang yata ang kaluluwa. Personal kung magtanong. Hindi pa nakontento, napakasama kung tumitig. Animo'y isang X-ray machine. Halos hubaran na siya.

Gustung-gusto na niyang batuhin at murahin kanina, pero nakapagtimpi lang siya.

At ngayon naman ay gusto nang sumabog ang kanyang ulo. Dahil gabi na ay wala pa ring bakanteng taxi na dumaraan. Maski pampasaherong jeep ay puno lahat. Mag-iisang oras na siyang nakatayo nang maisipan na niyang maglakad na lang at salubungin ang mga sasakyan mula sa ikutan ng mga ito.

"Yuuks! Ito ang rason kung bakit ayokong tumira dito sa Maynila. Hindi lang mahirap sumakay, sobra pa ang traffic!" usal niya sa sarili. Kahit nga sumasama siya sa kapatid para mag-close ng deal ay hindi siya tumatagal dito. Tama na ang isa at kalahating araw. Uuwi rin siya kaagad sa Zamboanga.

Hindi niya napansing napalayo na pala siya. Sa isang medyo madilim at parang deserted na lugar kung saan dilapidated at sarado na ang mga establisimyento, kumunot ang noo niya.

"Nasaan ako?"

Noon niya napagtuunan ng pansin ang maroon na Volvo Sleek V40 sa sidewalk. Na-curious man ay hindi niya pinag-abalahang lingunin ang pinanggalingan, maging ang paligid na wala namang katau-tao. Sumilip siya sa sasakyang bukas ang bintana, pero wala siyang nakitang tao sa loob.

"The owner must either be brave or stupid enough to leave his car," bulong niya.

Eksaktong mag-angat siya ng mukha ay may naulinigan siyang boses mula sa madilim na eskinita kung saan naka-parallel ang Volvo. May naramdaman siyang nerbiyos sa dibdib. On instinct, naghanap siya ng mapagtataguan. May nakita siyang isang malaking drum. Nagmamadali siyang pumuwesto sa likuran niyon.

"Tayo na, pare, tapos na ang trabaho natin dito."

"Eh, papaano ang sasakyan?"

"Tanga ka ba? Kapag dinala natin iyan, mahuhuli tayo ng mga parak! Malilintikan pa tayo sa amo natin!"

Halos hindi naman humihinga sa kanyang puwesto si Aubrey. Para siyang batang nakasiksik sa gilid ng drum. Ingat na ingat na huwag lumikha ng ingay o makatawag-pansin sa dalawang lalaking pinuntahan ang isa pang sasakyan sa hindi kalayuan.

Mayamaya pa'y humaharurot nang palayo ang sasakyan.

Nang masigurong hindi na babalik ang mga iyon, saka lang lumabas si Aubrey mula sa pinagtataguan. May naramdaman siyang hindi magandang nangyari. Lalo pa't nakabukas pa rin ang Volvo, at sa narinig niyang pinag-usapan ng dalawang lalaki.

Pinuntahan niya ang eskinitang pinanggalingan ng mga ito kanina. Dead-end. At halos mapatutop ang dalaga sa nakita.

Sa lumalatag na dilim ay isang duguang lalaki ang nakahandusay sa lupa. Dali-dali niya itong pinuntahan upang pulsuhan kung humihinga pa. Akma na niyang gagawin iyon nang maunahan siyang hawakan nito.

"P-please... help... me..." mahinang sambit nito.

"H-ha? Ah... eh..." kandautal namang wika ni Aubrey. Hindi niya malaman ang gagawin, lalo pa't nawalan na ng malay ang lalaki. "Oh, gosh, don't die!" sabi niya muli at tumingin sa paligid. Saan siya hihingi ng tulong gayong walang katau-tao sa lugar na iyon?

Tinitigan niya ang lalaking nakahandusay. Nabugbog ito, at dahil sa bahagyang liwanag ay napansin niyang halos sira na ang suot nitong damit.

Huminga nang malalim ang dalaga. Baka balikan ang lalaking ito rito. O kaya naman ay baka mamamatay na ito rito. At hindi niya kayang dalhin iyon sa konsiyensiya.

Aubrey, A Time To Say I Love You - VergieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon