Piyesang itinarak sa puso,
Saksi ang luhang bumugso.
Ang kumatha'y ipinagkalulo,
Ikinulong sa hawla-- naging preso!
Matang pinagningas ng walang alintana,
Sino ka para ako'y ikadena?
Silyaban ang natipong parirala,
Pagbawalan ang aking pagkamakata.
Ako'y malaya!
May silbi ang aking mga katha.
Hindi magagapi ng walang panama,
Pakawalan ang manunula!
Kung lumikha ng mga kataga,
Maisasalba ba ng itinalaga?
Tintang nayupos, plumang nagbaga,
Paano kung ang talata'y walang halaga?
Seldang puno ng pagsusumamo,
Iginapos na posas ng panlulumo.
Siyam na tarak sa pusong nanibugho,
Nag-asik-- tikas na naglaho.
Puri ng taong mapang-alipusta,
Tila naglatay ang batutang manunusta.
Namanhid ang diwang namanata,
Nawalan ng pakialam ang makata.
Sapantahang ako'y makalaya,
Aanhin ang nasirang punla?
Kung ang dunong ay naging dukha,
At ang pagkatao'y nagitla't nakapanira.
Panalangin sa buwang tinatanaw,
Itala ang huling pamamanglaw.
Piyesang gawa sa dugong malabnaw,
Iaalay sa madla bago man lang pumanaw.
~~~makata, tahan na
ika-27 ng Hulyo 2024
bookclub
BINABASA MO ANG
Katha: Isang Daang Tula
PoesíaNais ko lamang ibahagi sa inyo ang mga tulang aking nilikha mula sa aking pamamanglaw, agam-agam, kagalakan, at pagkabagabag. ~pag-unawa~ Karamihan sa aking mga katha ay natipon simula noong nagsisimula pa lamang akong lumikha. Kaya maaaring naglala...