Sa pagsapit ng buwan ng Marso,Hala ka! Ang mga pinto nila'y nakasarado!
"Uy! May kumakalat daw na sakit sa ating baryo!"
Napatapat sa kani-kanilang mga telebisyon at radyo.
Hindi magkamayaw na takbuhan ng mga tao,Sige! Sabayan pa ng mga gahaman at mangagantso.
"Tara! Bumili raw tayo ng alkohol na nagkakahalagang limang libong piso!"
"Bilisan mo! Bibili pa tayo ng tisyu, kung maaari ay labing dalawang piraso!"
Kung nalalanghap lamang ang takot ng mga tao,
Malamang na magmimistulang patay ang mga makaaamoy nito.
Ngunit huwag mabahala 'pagkat may padala si Bathala!
Tila panangga- nakabibilib ang pagiging bida.
Sila'y may kapa na minsan puti o nakakubli,
Mayroong maskara na saksi ng walang pag-aatubili.
May presensyang alerto sa mga pangyayari,
Sumaludo! Sila ang mga makabagong bayani!
Hindi alintana ang nakaambang banta,
Kahit pa kumalabit ang antok at kalam ng sikmura.
Basta ba masiguro ang tibok sa mga pasyente.
Magpatrol sa gabi- hawak lamang ang maliit na lente.
Ang mga magigiting ay minsan ring nagungulila,
Sa pamilyang ninanais hagkan ang bawat isa.
Sa kabila ng samu't saring paalala at pagiging abala,
Sa serbisyong sakripisyo ang tema.
Sa pagsapit ng buwan ng Mayo,
Inaasahan ang mga nakaangkalang pagbabago,
Kasabay ang dasal na magamot ang mundo.
Hawak-kamay hanggang matapos ito!
Sumaludo! Parangalan ang mga bayaning nagapi at sa mga humihila pa ng tali.
Puso! Maging isa laban sa sigalot na namamayani.
Tatag! Huwag bibitiw hanggang hindi pa nakikita ang bahaghari!
Dahil ang pagkakaisa'y lakas ng mga magigiting na tangan ang tropeong susi.
~~~
covid-19
ika-26 ng Mayo 2020
Palahayagan sang Buenavista
BINABASA MO ANG
Katha: Isang Daang Tula
PoesíaNais ko lamang ibahagi sa inyo ang mga tulang aking nilikha mula sa aking pamamanglaw, agam-agam, kagalakan, at pagkabagabag. ~pag-unawa~ Karamihan sa aking mga katha ay natipon simula noong nagsisimula pa lamang akong lumikha. Kaya maaaring naglala...