✒️ Kung Pwede Lang: Sampung mga Diwang Nakakunot ang Noo

4 2 0
                                    


Bawat paghihirap na tumatagos sa kanila,
Maaari bang hugutin at hayaan sa hangin na mawala?
Tulad ng dalangin nitong mga naaawa,
Sa sampung taong nagdurusa't napupuno ng bahala.


Una, ang nilalang na sumisigaw sa sakit,
Dahil sa dulot ng mga taong sa kaniya'y malapit.
Nagpapakita ng kalmadong ngiti sa kabila ng pagkapait,
Nilulunok bawat critisismo't panlalait.


Ikalawa, iyong gustong mapalapit,
Sa mga taong pinangakuan ng pilit.
Ngunit sa kabila ng lahat- nawala pa rin ang kapit.
Patuloy sa pagkakamali at madapa ng paulit-ulit.


Ikatlo, ang taong hindi nakukuntento,
Pinipilit ng maging perpekto.
Ito kasi ang dikta ng mga malalapit sa kaniyang puso,
Na kalaunan ay sanhi ng kaniyang matinding pagkatuliro.


Ika-apat, ang taong tinatago sa sarili ang kuro-kuro.
Natatakot muling mahusgahan ng madlang puro nguso.
Kinikimkim ang bawat saksak sa kaniyang durog na puso,
Ang bawat hapdi'y idinadaan na lamang sa pagbibiro.


Ikalima, ang taong nalulungkot- ang dahilan ay wala.
Sa kadiliman ay patuloy sa pangangapa.
Humahanap ng liwanag na sa kaniya'y magsasalba.
Umaasang makakamit din ang inaasam na ligaya.


Ika-anim, ang taong may nais kamtin.
Ngunit ang salapi sa bulsa'y di siya kayang dalhin.
Papawalang ngiti sa mata ay nanalangin,
Sana'y makamit ang gintong hangarin.


Ikapito, ang taong iniwan ng bigo,
O kaya naman ay hindi tinanggap ang puso.
Hindi nagpadaig kahit malalim ang baon ng pagkapako,
Kahit sa totoo'y nais ng sumuko.


Ikawalo, ang taong mahilig sumalo,
Sa mga pusong itinaboy palayo.
Inalagaan, pinagaling, at inalayan ng buong pagkatao.
Kinabukasan, nabato- 'pagkat ang pusong inalagaan ay biglang naglaho.


Ikasiyam, iyong nawawalan na ng tiwala,
Ni mapalapit sa mga tao ay isa ng himala.
Sanhi ng mga sugat na pernamenteng nagmarka,
Dahil ginamit, sinaktan, at pinapalit sa iba.


Ikasampu, ang nilalang na nagbabasa nito.
Anuman ang pinagdaraanan mo,
Manalig ka- makinig sa isip at puso.
Hayaang pawiin Niya ang dusang natatamo.


Kung pwede lang mawala ang pasanin na dinadala,
Kapag ang mukha'y napupuno na naman ng mga taksil na luha,
Sana'y kakikitaan ng ngiti ang mga madla,
Sa tuwing kinakamusta ang inyong mga may diwa.


Paano ba maipahihiwatig sa kanila ang nais sambitin?
Iparating na higpitan ang kapit sa pamamagitan ng pananalangin,
Magtiwala sa sarili na kayang lagpasan ang mga suliranin.
At sa wakas! Matanaw ang liwanag at kaligayaha'y damhin!

~~~

kpl

ika-26 ng Mayo 2020

Katha: Isang Daang TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon