Chapter 2

677 11 0
                                    

LIMANG taon na ang nakalipas subalit tuwing maaalala ni Diana ang araw ng pagkamatay ng ama, bumubugso pa rin ang galit at hinanakit sa kanyang dibdib. Ang pagnanais na makapaghiganti. At ngayong tapos na siya sa pag-aaral, malaya na niyang magagawa ang balak niya.

Humanda ka, Don Rafael Villacorta! sabi niya sa sarili habang nakatingin sa mga tsekeng nakakalat sa kama niya. Halos hindi na niya mabilang iyon sa dami. Every month ay may dumarating sa kanyang suhol, o "panakip-kasalanan" kung tukuyin niya.

Inipon niya ang mga iyon para sa una nilang pagkikita. Hindi na rin niya pinagkaabalahang kuwentahin ang mga iyon kahit na alam niyang isa iyong kayamanan kung iipunin sa bangko. Ngunit hindi pa rin sapat na kabayaran iyon sa buhay ng ama, sa buhay niyang sinira din nito. Dahil sa ginawa ng United Corporation, para na rin siyang pinatay ni Don Rafael Villacorta.

KASALUKUYAN

Nakaratay si Don Rafael sa Makati Medical Center at nag-aagaw-buhay. Nasa tabi naman nito ang nag-iisang anak na mag-iisang buwan nang dumating galing sa Amerika.

"H-hijo!" pautal nitong tawag sa anak.

"Pa, please... don't make it harder for you, makakasama sa iyo ang pagsasalita." Halatang nahihirapan din ang kalooban ni Jake sa sitwasyon ng ama.

"No... no. Hindi ako mapapalagay hangga't hindi ko nasasabi sa iyo ang bagay na nakadagan dito." Itinuro nito ang tapat ng puso bagama't hinang-hina. "Anak... i-ipangako mo sa akin na gagawin mo ang lahat para mabayaran natin ang pagkakasalang nagawa ko sa kanila. Ipauubaya ko sa iyo ang responsibilidad na naiwan ko sa anak ni David Sandejas, hijo."

Halos wala nang tinig na lumabas sa bibig ng matanda ngunit mababakas pa rin dito ang determinasyon. Pilit inunawa ni Jake ang sinasabi nito.

Napakunot-noo siya matapos ang pagsasalita ng ama. Una'y dahil wala naman siyang alam na may nakadagan palang responsibilidad sa ibang tao bukod sa responsibilidad nito sa kompanya. Pangalawa, bakit ganoon na lang kahalaga rito na akuin niya pati iyon?

Gayunpaman, kahilingan iyon ng isang taong nag-aagaw-buhay, ng isang taong pinagkakautangan niya ng lahat-lahat.

"All right, Pa, I promise. Whatever it may cost, hindi ko pababayaan ang anak ng David na sinasabi mo."

"I-ipangako mo sa akin... sa ano mang paraan, hindi mo s-siya pababayaan... H-hindi ako matatahimik sa pupuntahan ko hangga't..."

Saglit itong nahinto sa sinasabi at naghabol ng hininga. "Ihingi mo ako sa kanya ng tawad, hijo..."

Umahon ang luha sa mga mata ni Jake. Hindi niya alam kung bakit ngunit damang-dama niya ang paghihirap ng kalooban nito.

"P-pangako, Papa. N-now, go to sleep. I will take care of everything... like you took care of me. I p-promise."

Dalawang oras pagkatapos ng pag-uusap na iyon, tuluyan na itong nalagutan ng hininga. Lalaki si Jake but he couldn't help himself. Like a little boy who got lost, nagsimula siyang umiyak.

Nagkagulo ang mga doktor sa pagsagip sa buhay ni Don Rafael subalit hanggang doon na lang talaga ang itatagal ng buhay nito. Cancer of the liver. Sakit na ipinaglihim sa kanya ng ama.

Napasuntok na lang siya sa semento dahil sa labis na pagdadalamhati. Ni wala siyang hinuha sa nangyayari dito sa Pilipinas. Kung hindi pa siya tumawag ay hindi niya malalaman na nakaratay na pala ang ama sa ospital.

Ang masakit pa, bukod sa pisikal nitong sakit, ay mayroon pa pala itong kinikimkim na dalahin sa dibdib. Kung pagbabasehan niya ang reaksyon sa mukha nito kanina, mababakas doon ang labis na guilt feelings. Ganoon ba talaga kalaki ang kasalanan ng ama para ipamana pa sa kanya ang responsibilidad ng tinawag nitong David?

Bitter Heart Loves Guilty Heart - Jesusa LopezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon