Chapter 9

909 32 4
                                    

Napagpasyahan ni Diana na tumuloy sa Ninong Alfred niya at tinanggap naman siya nito nang walang alinlangan. Maluha-luha pa ang ama-amahan nang yakapin siya, ipinagpapasalamat nito ang ganap niyang paglaya mula sa dikta ng paghihiganti sa mga Villacorta.

Isang buwan na rin siya sa bahay ng pamilya nito. At sa araw-araw na ginawa ng Diyos, tahimik lamang siyang nakaupo sa isang tabi. Kung hindi kausapi'y hindi siya sumasagot. Tuloy, nagsisimula na namang mag-alala ang ninong niya.

Sa halip na annulment, nag-file na rin ang ama-amahan niya ng request for declaration of nullity of marriage dahil may unang asawa nga si Jake, ngunit wala silang nakuhang feedback mula sa partido ng lalaki.

Malungkot niyang hinimas ang impis na tiyan. Jake got her pregnant the first time. She was ecstatic about their baby, of course, ngunit kakambal niyon ang pagkadama niya sa di-matanggalang kalungkutan, lalo't ni hindi alam ni Jake ang kalagayan niya ngayon.

Napukaw ang pagmumuni-muni niya nang may magsalita sa tabi niya.

Si Elisa, asawa ng Ninong Alfred niya. "Hija, dinalhan kita ng gatas. Drink it at makakabuti 'yan sa baby mo." Ipinatong nito ang baso sa table na nasa tapat niya.

"Nag-abala pa ho kayo." Hindi na lingid sa pamilya ni Alfred ang kalagayan niya.

"Wala iyon," sabi nito.

"Ninang, may balita po ba kayo sa ipinapaayos ko kay Ninong Alfred?" Ang tinutukoy niya ay ang tungkol sa pagpapawalang-bisa ng kasal.

Bumuntunghininga muna ang babae bago nagsalita. "Nasa America pa raw ang asawa mo kaya hindi pa naasikaso ang tungkol sa bagay na iyan."

May lambong na tumabing sa mga mata niya. Kaya pala walang feedback mula kay Jake, marahil ay sumama na ito sa pagbabalik ni Caroline sa America.

Bumahid ang mapanglaw na emosyon sa mukha niya ngunit wala namang nagawa si Elisa kundi yakapin na lang siya.

Nagpaalam si Diana sa mag-asawa. Plano niyang umuwi muna sa bahay na iniwan sa kanya ng ama. Hindi pumayag ang Ninong Alfred niya na hindi siya maihatid doon kaya wala siyang nagawa kung hindi sumang-ayon.

"Hija, sigurado ka ba na kaya mo nang mag-isa riyan?" naninigurong tanong nito sa kanya nang ihinto nito ang kotse sa tapat ng tarangkahan.

"Don't worry, Ninong—" Bumaba na siya ng sasakyan. "I can take care of myself."

"O, siya, sige at uuwi na ako. Tumawag ka na lang kung kailan kita susunduin, okay?" Ngumiti siya at tumango. Hinintay niya itong makasakay sa kotse at inihatid pa niya ng tanaw ang sasakyan nito hanggang sa tuluyan na iyong mawala sa paningin niya.

At dahil nakatalikod sa tarangkahan, hindi niya namalayan ang pagtalilis ng isang anino papasok sa loob ng kanyang bahay. Nagtaka pa siya nang sa pagpasok niya sa bahay ay matuklasan niyang bukas ang kanyang front door.

"Lord! Huwag naman po sana akong napasok ng magnanakaw," kinakabahang bulong niya sa sarili.

Bantulot na pumasok siya sa loob. Iniikot niya ang mga mata sa buong kabahayan. Wala namang nagulo o nawala sa mga gamit niya, pero bakit bukas ang pinto? Kailangan ko na talagang magpalit ng lock, sabi ng isip niya.

Kampante na siyang naupo sa sofa at isinandig sa sandalan ang nangangawit na likod. Hinimas niya ang tiyan at kinausap ang buhay na pumipintig sa kanyang sinapupunan.

"Baby, alam mo, dati puro bitterness ang laman ng puso ko... until I met your daddy. He taught me how to love, you know? He's the most wonderful thing that ever happened to me. Natuto akong magpatawad dahil sa kanya and I also found peace within my heart. Sayang nga, e, hindi man lang niya alam na buntis a—" Hindi na niya naipagpatuloy ang sasabihin nang mula sa sulok ng mga mata ay makita niya ang isang aninong gumalaw.

Bitter Heart Loves Guilty Heart - Jesusa LopezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon