Chapter 4

598 14 3
                                    

"HIJO...," bahagya pang tinapik ni Yaya Maring ang kanang balikat ni Jake. Nakayupyop siya sa lamesa at nakapatong ang dalawang kamay sa libro, naidlip sa proseso ng pagbabasa.

"Hmmm..." Naghihikab na naalimpungatan siya. Dumiretso siya ng upo. "Anong oras na, Yaya?"

"Aba'y alas-sais na. Madilim-dilim na nga sa labas," sagot nito. "Kanina pa naghihintay ang asawa mo sa harap ng hapag-kainan."

Bigla siyang napatayo nang mabanggit nito ang pangalan ng asawa.

"Sige, Yaya, pakisabi na lang sa kanya na susunod na lang ako," sabi niya rito at nagtuluy-tuloy na sa kuwarto niya—o kuwarto nila, for that matter. Naligo siya at nagpalit ng preskong damit.

"Sorry, I'm late," hinging-paumanhin niya nang pumuwesto na sa harap ng dining table. Natural na tinabihan niya ang asawa.

Tango lang ang isinagot ni Diana at nag-umpisa nang kumain. Hindi niya maikakaila na napakaguwapo ni Jake sa suot nitong slacks at puting polo. Medyo mamasa-masa pa ang buhok nito kaya lalo itong naging preskong tingnan, samantalang siya'y lumang bestidang bulaklakin lang ang suot. Gayunma'y batid niyang makatawag-pansin ang mapuputi at makikinis niyang balikat na inilalantad ng sleeveless dress.

Sandali... awat niya sa sarili nang ma-realize ang tinatakbo ng sariling isip. Bakit ko ba ikokompara ang sarili ko sa anak ng lalaking pumatay sa aking ama?

HINDI MAPAKALI si Diana sa silid ni Jake. Kanina pa kasi niya ito hinihintay para kausapin. Ngunit parang walang balak ang lalaking kausapin siya pagkatapos ng pagtatalo nila kaninang bago maghapunan.

Hanggang sa makapagpalit na siya ng damit-pantulog ay hindi pa rin ito pumapasok. Napagpasiyahan niyang mahiga na. Sumampa siya sa kama at dala marahil ng pagod, hindi niya namalayang nakatulog na pala siya.

Samantala'y sinadya naman ni Jake na hintayin munang makatulog si Diana bago pumasok sa kanilang silid. Gusto niya munang iwasan ang tiyak na pagbabanggaan na naman nila.

Kumuha siya ng gamit sa isa sa mga built-in cabinets na naroroon. Napagpasiyahan niyang sa library na lang muna matulog para hindi makahalata ang ibang kasambahay na hindi sila magkasamang mag-asawa sa iisang silid. At least ay safe siya sa library, dahil kung hihingin niya ang susi ng ibang kuwarto, siguradong magtataka si Yaya Maring.

Damn! Nagpupuyos ang kalooban ni Jake nang pumasok siya sa silid-aklatan. Siguradong matutuwa si Diana kung makikita siya nitong parang hilong-talilong na hindi alam kung saan pupunta sa sariling pamamahay.

Maagang gumising si Diana upang maghanda para sa pagpasok sa review center. Wala pa rin si Jake sa kanyang tabi, na kanyang ipinagpasalamat. Wala siyang mood para makipagtalo.

Malapit na ang board exam niya, kaya kailangan niyang mag-aral nang mabuti. Gusto niyang matupad ang pangarap ng ama na maging CPA.

Sumikip ang dibdib niya nang maisip ang ama. Hanggang ngayon, ramdam pa rin niya ang pangungulila at sakit dahil namatay ito nang walang kalaban-laban.

Hindi pa rin niya maiwasang umiyak kapag naaalala ang nangyari sa kanila. Pinahid niya ang luha nang may marinig na kumakatok sa pinto. Si Yaya Maring ang nagbukas sa kanya.

"Diana, hija, pasensya na kung naistorbo kita. Pinatatanong ni Jake kung gusto mo raw siyang sabayan sa breakfast?"

Hinagod niya ang kanyang ulo, kunwa'y may dinaramdam. "Pakisabi na lang po kay Jake na mauna na lang po siyang kumain. Medyo masakit po kasi ang ulo ko," pagsisinungaling niya.

"Ganoon ba? Uminom ka na ba ng gamot?" nag-aalang tanong ni Yaya Maring.

"Hindi pa po. Huwag kayong mag-alala, mayamaya lang ay mawawala rin naman ito."

Bitter Heart Loves Guilty Heart - Jesusa LopezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon