Chapter 1

1.2K 16 0
                                    

"DIANA, buksan mo ang pinto. May kumakatok yata!" Dinungaw ni David ang anak na kasalukuyang nakaupo sa sofa at nanonood ng cartoons.

Narinig ni Diana ang ama ngunit hindi niya agad pinansin; amused na amused siya sa pinapanood na pambatang palabas. Dalagita na siya, ngunit sa halip na fashion at boys ang pagkaabalahan na katulad ng ibang kabataan, wala siyang ginawa kundi sumama at bumuntut-buntot sa ama.

"Diana!" tawag ulit ni David. Nang mapansing medyo iritado na ang ama, saka lang siya tumayo. Magkagayunma'y naroon pa rin ang atensyon niya sa pinapanood kahit nang binubuksan na ang pinto.

"Nariyan ba si Mr. David Sandejas?" tanong ng isa sa dalawang pulis na halos sakupin na ang frame ng pintuan nila dahil sa laki ng pangangatawan.

Bahagyang nakadama ng takot si Diana, lalo na't tila goons ang hitsura ng mga ito.

"N-N-narito nga po. Ano po'ng kailangan nila?"

Nawala nang ganap ang konsentrasyon niya sa telebisyon at ipinukol ang atensyon sa dalawang lalaki.

"'Ne, puwede mo ba siyang tawagin?" sabi ng lalaking nasa gawing kaliwa. Matigas ang pagkakasambit nito sa mga salita kaya nahintatakutan na naman siya.

Gayunma'y hindi niya ipinahalata ang nararamdaman. Bagkus ay inulit niya ang tanong.

"Ano nga po'ng kailangan nila?"

"Puwede bang tawagin mo na lang siya?" agaw ng isa pang pulis.

"Pero... " Akmang kukulitin pa sana niya ang mga ito nang magsalita si David.

"Diana, bakit ba hindi mo man lang papasukin iyang kausap mo di—" Hindi na nito naituloy ang sasabihin nang lubos na makita ang dalawang pulis. Nagtatakang lumapit ito sa kanila.

Saka pa lang iniawang ng dalagita ang pinto.

"Kayo ba si Mr. Sandejas?"

"Ako nga. Halika at maupo muna kayo. Ano ba'ng maipaglilingkod ko sa inyo?"

"Hindi na ho," tanggi ng isang pulis. May iniabot itong papel kay David. Hindi pa man nito nababasa ang nilalaman, hinaklit na ito ng dalawang pulis sa magkabilang braso at sapilitang isinama sa labas.

Hindi malaman ni Diana ang gagawin. Nalito siya sa bilis ng pangyayari at bago pa siya makalapit sa ama, hinila na ito ng dalawa papunta sa patrol car.

Samantala, naririnig pa niya ang sinasabi ng ama habang nag-uumalpas sa mga alagad ng batas.

"Sandali! Ano ba'ng kasalanan ko? Hindi n'yo ako maikukulong nang basta na lang. Kailangan ko munang makausap ang abogado ko," medyo malakas na ang tinig na saad nito.

Doon lang ganap na nahimasmasan ang dalagita. Humabol siya't mabilis na yumakap sa ama.

"Anak, tawagan mo ang Ninong Alfred mo!" utos nito na dali-dali niyang sinunod kaya naman lakad-takbo siyang pumasok sa loob. Ngunit hindi na nakapaghintay pa ang mga pulis at pilit na ipinasok ang ulo ng papa niya papasok sa sasakyan.

"Papa!" Tuluyan na siyang napaiyak nang makita ang amang nasa loob ng sasakyan.

"Diana, gawin mo ang ipinagagawa ko, anak. Wala akong kasalanan. Ni hindi ko alam ang ibinibintang nila sa akin." Iyon lang at sumibad na ang sasakyan.

Umiiyak pa ring pumasok sa loob ng bahay ang dalagita. Ano ba'ng kasalanan ng papa niya? Sa edad nitong limampu, wala sa hinagap niyang makagagawa ito ng kasalanan sa batas. Isa itong mabuting mamamayan. Katunayan, hindi man lang nito pinangahasang mag-jaywalking kapag namamasyal sila. Bukod sa pagtatrabaho sa United Corporation bilang CPA, wala nang ginawa ang papa niya kundi alagaan siya.

Bitter Heart Loves Guilty Heart - Jesusa LopezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon