V1. CHAPTER 1 - Love at First Sight!

4 0 0
                                    

ALDRED'S POV

"Kawawa ka naman..."

Nagising ako bigla mula sa pagkaidlip. Tila naging alarm clock ang boses ng isang batang babae na nitong nakaraan lang ay umuulit-ulit na dumadalaw sa aking panaginip.

"Kawawa ka naman... Tss."

Nangisi ako pagkatapos kong bumulong sa aking sarili.

Base sa mga piraso ng panaginip na naiiwan sa aking memorya ay isang batang babae ang nagsabi noon sa akin. Maputi siya at may mahabang buhok na hindi ko mapunto ang kulay. Sa anggulo ng aking pagtingin sa kanya ay masasabi ko na mas matangkad siya sa akin. Nakatingala kasi ako sa aking panaginip habang kausap siya.

Napalingon ako sa may bintana at napaisip saglit. Hindi ko nakikita ang aking sarili sa panaginip na iyon ngunit sigurado akong bata rin ako roon.

Sino kaya siya?

Pilit ko mang alalahanin ang kabuuan ng panaginip ay lagi lamang akong nauuwi sa pinakadulo nitong bahagi.

"Kawawa ka naman."

Kawawa ba talaga ako? Nakangiti hindi lang siya sa panaginip kundi pati ako ngayon. Kawawa raw ako ngunit bakit parang ang gaan ng puso ko? Tahimik at ang liwanag sa labas. Maihahalintulad sa kasalukuyang damdamin ko.

"Uy Aldred!"

Naagaw ang aking atensyon at napalingon ako sa may dulong bahagi ng kama. Nakalimutan kong nasa silid nga pala ako ng aking matalik na kaibigan. Hawak-hawak niya ang kanyang laptop at nang makita ko kung ano ang nasa screen ay alam ko na kung bakit niya ako iniistorbo. Nitong mga nakaraang araw ay ilang beses at paulit-ulit akong tinatanong ni Carlo kung ano ba ang gusto ko sa isang babae. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya. Ayoko sana siyang sagutin pero dahil nga sa paulit-ulit ay tuluyan na akong narindi.

"Maganda, hot, sexy," matabang kong tugon. Tumingin siya sa'kin at ngumisi.

Tss, kainis.

Marahil kung ni-post ko sa aking social media iyong tugon ko ay baka nakatanggap na ako ng preach mula sa sari-saring netizens, ''Ang tunay na kagandahan ay nasa kung ano ang kalooban,'' that's true but at the same time nagiging bullshit dahil sa kung paano ginagamit na dahilan. Ilang beses man kasing bumaligtad ang mundo, at the end of the day ay itsura pa rin ang unang dahilan kung bakit tayo napapalingon sa isang tao.

"Halika Aldred, bilis."

Naka-focus na ako sa pagtitipa noong marinig ko muli si Carlo. Paulit-ulit niya akong tinatawag at tila may nais siyang ipakita sa'kin.

"Istorbo," iyon ang nasabi ko sa aking isipan. Istorbo talaga siya kaya nisingkitan ko lamang siya ng tingin at hindi ko nisunod ang nais niya.

"Ang KJ mo talaga Al, Sige na o."

Tinignan ko lamang siya.

"Pfft, ako na nga lang lalapit dyan."

Kumamot si Carlo sa kanyang ulo habang ako ay napatiimbagang na lang. Pinakaayoko sa lahat ay ang iniistorbo at iyon ang ginagawa ni Carlo.

Holiday ngayon pero hindi ko alam kung bakit at hindi ko rin alam kung dapat ba akong matuwa. Biyernes, walang pasok at weekend bukas. May homeworks pero minimal lang. Partner ko si Carlo sa isa naming gawain kaya nandito ako sa kanilang bahay.

Tama, gagawa kami ng homework.

Tinitigan ko siya ng masama pero sinalubong niya lang ako ng isang malapad na ngiti. Kahit di ko itanong ay alam ko na kung ano ang ipapakita niya.

Love Connection V1: Is This Love?!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon