*Arlene's POV*
Nakayuko akong sumunod kay Mago nang papasok na kami sa bar. Sabay kaming pumunta dito pero tulad ng napag-usapan namin, hindi namin pwedeng ipahalata na magkasama kami sa iisang bubong. Agad kong nakita ang nakakunot noong si Dessa na ngayon ay nasa counter ng bar. Hinahanda niya ang mga shot glasses na gagamitin namin ngayong gabi.
"Hi," nahihiya akong bumati sa kanya.
"Mukhang nagkamabutihan kayo ah," matabang niyang saad.
"Nagkasabay lang kami ng pasok," mahina kong sagot.
"Arlene," hinarap niya ako, "Huwag mo sanang hayaan ang sarili mo na malunod sa ipinapakitang kalandian ni boss Mago."
"Don't worry," ngumiti ako sa kanya, "matibay to," tinuro ko ang puso ko.
"Gusto kita," bigla akong kinabahan sa narinig ko kaya napaangat ang tingin ko sa kanya, "gusto kita bilang kapartner sa flairing exhibition. Ikaw lang kasi ang nakakasabay sa mga tricks ko," kumalma ang puso ko sa narinig ko.
"Naiilang ka ba sa akin?" tanong niya.
"Hindi naman," umiiling kong sabi, "kaso nagtaka lang ako kung bakit concern ka tungkol sa amin ni boss Mago."
"Dahil ayokong makita kang nasasaktan. Ilang beses na kasi akong nakakita ng babaeng pinaiyak ni boss Mago. Ang masaklap balewala lang ito kay Boss pero yung babae, halos mamatay na sa sobrang paghahabol sa kanya. Gusto ko mang magalit sa kanya, hindi ko naman magawa," walang pakundangan niyang sabi habang bumalik siya sa pagpupunas ng shot glasses.
"Alam ko na sinabi nila sayong tomboy ako,"saad niya na hindi lumilingon.
"Tomboy ka ba talaga?" tanong ko.
Tumawa siya saka humarap sa akin, "Si Quinn ba at si Boss Mago ang may sabi niyan sayo?"
Hindi ako sumagot pero napatingin ako kay Quinn na ngayon ay busy sa pag-aayos ng mga mesa saka ako tumango.
"May isheshare ako sayo," bumuntong hininga siya, "pero doon tayo sa likod kasi ayokong may makarinig ng iba."
Sinundan ko siya palabas ng back door.
"Sanay akong makisabay sa lalaki at nakakarelate din ako sa mga hilig nila pero hindi ako tomboy," panimula niya, "Maaga akong naulila sa ina kaya tanging ama ko kasama ang dalawa kong kapatid na lalaki ang nagisnan kong kapamilya."
"Pero bakit nasabi ni Quinn na tomboy ka? Matagal na kayong magkaibigan di ba?" tanong ko.
"Dahil yun ang gusto kong isipin nila," tumingin siya sa paa niya na ngayon ay nilalaro ang isang bato, "para barkada lang ang tingin nila sa akin, hindi isang babaeng pusong mamon at madali nilang mapaglaruan," bahagya siyang napahinto saka tumingin sa akin, "sorry, hindi ko sinasadyang patamaan ka."
"Okay lang," mahina kong sambit, "mukhang lasang ampalaya yang pagkasabi mo ah. May pinaghuhugutan?"
"Hindi naman," napagikgik siya, "kilala ko kasi ang mga yan eh, hindi nila siniseryoso ang mga babae kaya pinili kong maging kaibigan lang nila."
"How could you resist Mago?" hindi ko sinasadyang tanong.
"Dahil utak ang pinapairal ko," lumingon siya sa akin, "at dahil katulad niya ang mga kapatid ko, hindi na ako natitinag sa mga 'da moves niya. Natatakot din kasi ako dahil baka ako ang magiging pambayad na karma ng mga kapatid ko."
BINABASA MO ANG
The Woman He Broke (Published under PSICOM)
Romance"If you are going to enter my world, be ready to play my game," babala ni Mago, "If you can't keep up then you'll have to endure the pain." He was a man who never believed in love while I was a woman who took the challenge of changing his heart and...