MAY KABA sa dibdib na kumatok si Charlene sa private room kung saan naroroon ang kanyang ama. Alam niyang nasa loob din ang kanyang ina at si Mario, ngunit hindi niya maalis ang nadarama lalo pa't pitong taon na mula nang huli silang magkita ng ama.
Pumasok siya at kaagad niyang nakita ang nakahigang ama. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Ibang-iba na ito nang huli niyang makita. Mistula itong estrangherong payat na payat na lamang ang itsura. Wala na itong buhok at kapansin-pansin ang hindi kaiga-igayang amoy sa loob ng silid.
"C-‐Charlene." Tumalon ang kanyang puso nang marinig ang pamilyar na tinig ng kanyang ama. Kaagad siyang lumapit at nagmano rito.
"Papa..."
"C-‐Charlene... ang laki-laki mo na."
"K-‐kumusta ka na, Papa?"
"Heto," mahinang sagot nito.
"Pasensiya na kayo kung hindi ako kaagad nakapunta."
"Wala iyon, anak." Halatang nanghihina ito at alam niyang hirap na hirap din ito sa pagsasalita. "Maaari ba kitang mayakap, Charlene?" Hindi siya nakakibo. Parang may malaking batong nakabara sa kanyang lalamunan.
Hindi siya nagsalita. Sa halip ay dahan-dahan niyang inilapit ang sarili at niyakap ang kanyang ama. "Patawad, Charlene."
"Papa..."
"Sana ay mapatawad mo ako..."
Tuluyan nang tumulo ang kanyang luha sa narinig mula sa naghihirap na ama. "Don't say that." Garalgal ang tinig niya. "M-‐matagal nang nangyari iyon."
"Pero hindi mo pa rin ako napapatawad."
"Napatawad na kita, Papa." Mahigpit niyang niyakap. "Kalimutan na natin ang lahat."
"Anak..." Niyakap siya nito at napaiyak na rin ito. Alam niyang iba sana ang naging takbo ng kanilang buhay kung hindi ito nagloko. Hindi sana niya nararamdaman ang sakit sa kanyang dibdib dahil sa pagkawala ni Wellesley. Sana ay maligaya pa sila hanggang ngayon.
"Magpahinga ka na, Papa. Naririto lang ako."
"Patawad, anak."
"Don't say that. Kung may pagkakamali ka man, I'm sure matagal mo nang pinagsisihan iyon. I'm sorry, too, dahil sa nangyari sa ating lahat."
Bahagya lamang itong ngumiti. Pagkatapos noon ay tila hapung-hapo itong bumitaw at ipinikit ang mga mata.
"'Ma, ano ito?" Nataranta siya at kaagad lumapit ang private nurse ng ama.
"Nakatulog lang ho siya."
Nakahinga siya nang maluwag nang marinig iyon. Noon siya lumapit sa ina matapos magmano sa mga abuelo.
"I believed you were not properly introduced to your father's other family." Pormal ang kanyang lolo nang iharap siya sa mga ito.
"Glenda, si Charlene."
Marahil ay maganda si Glenda noon, ngunit ngayon... kahit kaedad lamang ito ng kanyang ina ay mas matanda itong tingnan. Halos napabayaan na nito ang sarili. Kiming ngumiti ito sa kanya.
"Ang mga anak ni Dante." Isa-‐isang ipinakilala ng abuelo sa kanya ang mga ito na pawang kamukha ng ina.
"Kumusta na ho si Papa?" baling niya sa kanyang lolo.
"Okay lang, Iha. They're going to try some more medicines at baka sakaling may mangyari. Nagtatanong-tanong na rin ako ng mga herbal medicines na mula sa Amerika. Balita ko'y may nagawa nang mga gamot doon na galing sa mga puno na nakapagpapagaling sa cancer."
YOU ARE READING
Chances - Leah Silverio
RomanceHindi inaasahan ni Charlene na muli niyang makikita si Wellesley. Limang taon na ang lumipas nang takasan niya ito. - At sa mga panahong iyon ay napaniwala niya ang sariling napagtagumpayan niyang limutin ito. Iyon lang naman ang dapat dahil ipinagp...