Kumunot ang kanyang noo nang pumasok ang kanyang sekretarya sa loob ng kanyang opisina. Bitbit nito ang isang basket ng dilaw na mga rosas habang maluwang ang ngiti nito.
"Ano iyan?"
"Ma'am, d-deliver ho sa ibaba. Naka-address sa inyo."
"Kanino galing?" Dalawang araw matapos ang diskusyon nila ni Sheila, sariwang-sariwa pa sa kanyang alaala ang mga nangyari at hindi siya nagdalawang-isip nang makita ang mga rosas na ipinasok sa kanyang silid.
"Eh, Ma'am..."
"Tingnan mo ang card at sabihin mo sa akin kung kanino galing."
Inangat nito ang bulaklak at tiningnan ang card sa ibaba.
"Welles—"
"Itapon mo iyan." Tumigas ang kanyang tinig sa narinig.
"Ma'am..."
"Itapon mo iyan sabi, eh."
Matagal pa itong tumayo sa pinto bago ito tuluyang lumabas bitbit ang mga bulaklak. Hindi pa siya nagbababa ng tingin nang tumunog ang kanyang telepono. "Hello?"
"Charlene?" Sumikip ang kanyang dibdib nang marinig ang tinig ni Wellesley sa kabilang linya.
"Charlene? Is that you?"
"Yes." Malamig na malamig ang tinig na kumawala sa kanya.
"Hi! Have you received the flowers?"
Halatang masaya ang tinig sa kabilang linya. Lalong lumamig ang kanyang pakiramdam.
"Dumating na rito," walang emosyong sagot niya rito.
"Do you like it?"
"Wellesley..." Tuluyan na siyang hindi nakapagpigil. "What game are you playing?"
"What?"
"Hindi ako tanga. Bakit ka pa ba nagpapadala ng mga bulaklak dito, eh ikaw na mismo ang nagsabing wala na tayo? Saka bakit ka pa ba nag-aaksaya ng panahon sa akin kung dala-dalawa ang babae mo?"
"What?"
"You can't fool me anymore, Wellesley. Tigilan mo na ako at hindi ako nakikipagbolahan sa iyo. Wala akong panahon sa mga katarantaduhan mo. Kung hindi ka pa nasisiyahan sa Milo mo at kay Sheila, humanap ka ng ibang mauuto mo."
Halos ibagsak niya ang receiver ng telepono nang ibaba iyon. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at tila namanhid ang kanyang buong katawan.
Nang tuluyan na siyang nakahinga nang maayos, noon lamang niya napansin ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga mata.
"SIR, SIR, baka po magalit si Ma'am!"
Nag-angat siya ng tingin. Alas-diyes na ngunit tila napakahaba ng umagang iyon para sa kanya. Mula sa labas ng kanyang opisina ay narinig niya ang malakas na tinig ng kanyang sekretarya.
Biglang bumukas ang pinto at pumasok si Wellesley. Nanlaki ang kanyang mga mata dala ng pagkagulat ngunit hindi niya inaasahan ang galit na nakita niya mula sa mga mata nito.
"Ano'ng ginagawa mo rito?"
"Ano ba'ng pinagsasasabi mo sa telepono?"
Kalmado ito ngunit latay ang galit sa tinig nito.
"Hindi pa ba maliwanag sa iyo ang lahat ng iyon?" Hindi pa siya halos nakakabawi sa pagkagulat nang sundan na naman iyon nito ng katanungan.
"Damn it, Charlene! Ano'ng pinagsasasabi mo?"
Hindi niya malaman ang isasagot. Mula sa pinto, nakita niya ang kanyang sekretaryang nanonood sa kanila.
"Iwan mo muna kami, Cecille."
YOU ARE READING
Chances - Leah Silverio
RomansaHindi inaasahan ni Charlene na muli niyang makikita si Wellesley. Limang taon na ang lumipas nang takasan niya ito. - At sa mga panahong iyon ay napaniwala niya ang sariling napagtagumpayan niyang limutin ito. Iyon lang naman ang dapat dahil ipinagp...