Chapter 3

354 4 0
                                    

MIYERKULES ng gabi. Kumunot ang kanyang noo pagbaba niya ng taksing sinasakyan. Pasado alas-nueve na iyon ngunit maliwanag na maliwanag pa ang loob ng bahay nila. Nagtataka rin niyang tiningnan ang isang pampasaherong jeep na nakabalandra sa harapan ng kanilang garahe, saka niya narinig ang malalakas na tawanan na nagmumula sa loob ng kanilang bahay.

Pumasok siya at bumungad sa kanya ang mahigit isang-dosenang tao na kasalukuyang naghahapunan pa lamang. Napatingin ang mga ito sa kanya.

"Charlene!" Naagaw ng kanyang ina ang pansin niya. Nasa pinto ito ng kusina at may bitbit na malaking mangkok. Walang imik na nilapitan niya ito at saka nagmano.

"'Ma, ano ba ito? Tupperware party na naman?"

"Hindi, Iha," excited na sagot nito. "Nakalimutan lang kitang tawagan kanina sa pagmamadali ko. Nag-overseas call ang papa mo at..."

"Ate Charlene!" Lumamig ang kanyang dugo sa narinig. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita ang half-sister niya na si Sheila. "Ate!"

Nagmamadali siya nitong nilapitan at mahigpit na niyakap. "Kumusta ka na?"

Hindi siya nakasagot. Tila napipi siya sa muli nilang paghaharap ni Sheila. Ibang-iba na ito kaysa sa dalagitang kanyang nakasama limang taon na ang nakararaan.

Mahaba pa rin ang kulot-kulot nitong buhok. Nakasuot ng maikling shorts na nagpapakita sa mahubog at makinis nitong legs at naka-halter blouse pa. Parang hindi ito halos makahinga, bakat na bakat sa suot nito ang mayayamang dibdib at dahil nakahinang sa bawat kurba ng katawan nito ang tela, hindi rin nakaligtas ang seksing-seksi nitong katawan.

"M-mabuti. Hindi ko alam na ngayon ka darating."

"Si Tita Cathy rin, eh." Ngumiti ito at nakita niya ang tila alaga at mapuputi nitong ngipin. Magandang-magandang pa rin si Sheila.

Inosenteng- inosente pa rin ang mukha nito na walang dudang hindi iilang lalaki ang nabaliw.

"I told Dad what's the point in staying there for a week when I can use it already to find myself a job here." Lalong lumawig ang ngiti nito. "So... I'm here."

"G-ganoon ba." Napatango lamang siya.

"We have so much to talk about." Tila excited ito at nakikita niya iyon sa kislap ng mga mata nito. Bagay na hindi niya nadarama. Ang totoo ay naiirita siya rito at alam niyang mali iyon dahil wala naman itong ipinapakitang masama sa kanya.

Taliwas pa nga, tila tunay ang kasiyahang ipinapakita nito sa kanilang muling pagkikita.

"S-sino ang mga bisita mo?"

"Ah, mga kamag-anak ni Mommy from the province." Tila nairita ito sa kanyang tanong. "May ipinauwi kasing mga old stuff sina Daddy at Mommy kaya naririto ang mga iyan."

Hindi na siya kumibo pa.

"KAILAN NINYO NALAMAN?"

Hindi na nagpatumpik-tumpik si Charlene nang mapag-isa sila ng kanyang ina.

"Kanina lang, anak."

"Kanina lang pero handang-handa kayo?" Nilibot niya ang tingin sa masaganang pagkain na nasa hapag-kainan.

"Tumawag nang madaling-araw ang papa mo, Charlene. Nakiusap na kung maaari daw bang masundo si Sheila sa airport ng alas-singko ng hapon. Susundo nga raw iyong ibang kamag-anak ni Glenda kaya namalengke at nagpaluto ako. Nakakahiya naman kung wala silang aabutang pagkain dito."

"Ibig ninyong sabihin, hindi kayo pumasok?"

"Iha... miminsan lang naman ito." Hindi na siya kumibo. Nagtatakbuhan ang ilang mga bata sa kanilang paligid habang nagkakaingay naman ang matatandang kasama ng mga iyon.

Chances - Leah SilverioWhere stories live. Discover now