"BAKIT ngayon ka lang umuwi, Charlene?"
Hindi itinago ng kanyang ina ang pang-uusig sa tinig nito nang abutan niyang naghihintay ito sa sala ng bahay pagkauwing-pagkauwi niya.
Hindi niya ito sinagot. Nagmano siya at humalik sa pisngi nito. Matigas ang mukha nito ngunit hindi niya ito pinansin. "Charlene, hindi mo ako sinasagot."
"Busy ako, Mama," napapagod niyang sagot dito.
"Very busy ka rin naman dati, ah? Bakit ngayon ka lang hindi umuwi nang mahigit isang linggo rito sa bahay?" Hindi siya sumagot. Pasado alas-dose na iyon ng gabi.
"Ano ka ba? Hindi mo ba ako sasagutin?"
"'Ma, sinabi ko naman sa inyo, hindi ba? I've been very busy," malumanay ang kanyang sagot dito.
"Dahil ba ito kay Sheila?" Napansin niyang nangingilid ang luha ng kanyang ina. Basag ang tinig nito nang muling magsalita.
"Hindi, Mama," tanggi niya. Hindi siya nakatiis at tiningnan niya ito. "It's just that... mula nang magsimula ang feasibility study sa itatayong grocery ko, eh, masyado akong naging involved. I'm in constant communication with the company who's doing the research and at the same time, I'm finalizing the payments for the lot and also the building plan." Bahagya siyang ngumiti rito. "I'm sorry kung hindi ako nakakatawag. Nag-iwan naman ako ng message dito na hindi ako makakauwi, eh."
"It's not the same if you're the one who's going to tell me." Tuluyan nang tumulo ang luha ng kanyang ina. "Nagtatampo ka sa akin, 'no?"
"Mama, hindi ito personal."
"Hindi ka naman dating ganyan. You're always thoughtful and..."
"Mama, nagkataon lang talaga ngayon."
Bumigat ang kanyang kalooban habang tinitingnan ito.
Ang totoo, talagang sinadya niyang huwag munang umuwi matapos ang nangyari sa opisina ni Wellesley. Totoo, hindi naman matagal na umalis ang dalawa para mananghalian. Ngunit parang may tumusok sa kanyang dibdib mula nang umalis ang mga ito hanggang sa bumalik.
Naalala pa niya na sa huli, nainip na rin si Sheila sa kahihintay sa kanila ni Zandro. Nagpaalam itong mamasyal muna at tinawagan na lamang siya sa opisina ni Wellesley na may mga kaibigan itong nakita.
Bagama't nagpaalam din noon si Wellesley sa kanya, hindi na ito muli pang bumalik at nabuo ang suspetsa niya na ito ang kasama ni Sheila kinahapunan.
Hindi niya alam kung paano ipaliliwanag sa sarili ang pagkamuhing bigla niyang nadama para sa kapatid. Nakonsiyensiya siya at ang tanging paraan na alam niya upang maibsan iyon kahit papaano ay kung hindi niya ito makikita.
"I'm sorry, Mama. It's just that... ngayon lang uli ako nakadama ng ganitong excitement. Imagine, isang bagong grocery. Alam naman ninyo na pangarap ko ito noon pa. Na makapag-expand."
"Hind ka ba nagagalit sa akin?" tanong nito.
"Bakit naman ako magagalit?" aniya.
"Nagtatampo?"
"Mama naman." Ngumiti siya at niyakap ito. "Huwag mo lang akong inaalala. Ganito rin naman ako noong nagsisimula ako, hindi ba?"
"Iyon nga ang ikinatatakot ko, anak." Hindi pa rin maalis ang pag-aalala sa mukha nito. "Noon kaya ka nagkaganyan ay dahil kay Wellesley. Dahil sa ginawa ni Sheila." Nanatili siyang nakayakap dito. Ayaw niyang makita nito ang kanyang reaksyon sa narinig. "At ngayon naman ay..."
"Bakit, Mama?" Bantulot siyang humiwalay rito. "Mayroon bang nangyari habang wala ako?"
"Tinanggihan ng kapatid mo iyong inaalok kong trabaho sa university. Mayroon daw inalok si Wellesley sa kanyang mas magandang posisyon doon sa kompanyang pinagtatrabahuhan noong tao."
Bigla ay naramdaman niyang nahihirapan siyang huminga.
Talagang mabilis magtrabaho si Sheila, naisip niya.
"Well, hindi ba kayo natutuwa?"
"Nasisiyahan naman ako at nakahanap siya ng magandang trabaho, anak." Walang ngiti sa mga labi nito. "At baka next week daw ay lumipat na siya sa boarding-house na nakita niya sa Makati. Para nga naman mas madali sa kanya."
"At iyon naman ang napagkasunduan ninyo ni Papa, hindi ba?" Hindi ito kumibo. "Mama, magpahinga na kayo. Maaga pa bukas ang pasok ninyo. Si Sheila, natutulog na ba?"
"Wala pa ang kapatid mo."
"Ho?"
"Hindi pa umuuwi. Hindi naman tumatawag para magsabi man lang kung gagabihin o ano."
"Naku, hayaan na lang ninyo siya."
Bumuntunghininga siya. "Sinabi ko naman sa inyo na problema lang ang dadalhin niyan sa inyo, hindi ba?"
"Nagmamagandang-loob lang naman ako sa papa mo at kay Glenda."
Sumimangot siya sa narinig.
"Mabuti pa siguro ay magpahinga na tayo. Pagod na rin ako at maaga pa rin ang pasok ko bukas." Inakbayan niya ito. Hindi na ito kumibo at inihatid na niya ito sa silid.
YOU ARE READING
Chances - Leah Silverio
RomanceHindi inaasahan ni Charlene na muli niyang makikita si Wellesley. Limang taon na ang lumipas nang takasan niya ito. - At sa mga panahong iyon ay napaniwala niya ang sariling napagtagumpayan niyang limutin ito. Iyon lang naman ang dapat dahil ipinagp...