1998
"May ipapangalan ka na ba sa anak natin, Mahal?"
Masayang nilapitan ni Arnolfo ang kaniyang asawa na ngayon ay nakaupo sa maliit nilang sofa. Hinihimas nito ang tiyan ng asawa. Malalaman mo talagang masaya si Arnolfo dahil walang mapaglagyan ang tuwang nararamdaman niya ngayon.
"Ano ka ba, Mahal," natatawawang sambit ng asawa niyang si Annie. "Hindi pa nga natin alam ang kasarian ng bata," dagdag nito habang natatawa pa rin.
Tinitigan ni Annie ang asawa niya habang hinihimas pa rin lumolobo nitong tiyan. Pati siya ay excited nang pangalanan ang magiging anak nila ni Arnolfo.
"Kailan pa ba tayo magpapa-ultrasound?"
"Sa susunod na linggo pa, Mahal," sagot naman ni Annie nang tinanong siya ng kaniyang asawa.
"Ang tagal naman," reklamo ni Arnolfo. Natawa na lang si Annie sa reaksiyon ng asawa niya.
Limang buwan na ang tiyan ni Annie. Nalaman ni Arnolfo na nagdadalantao si Annie noong Pebrero nang napansin nito ang biglaang pagsuka ni Annie. Walang mapaglagyan ang saya nila nang malaman nilang magkakaanak na sila. Mula nang magsama sila ay matagal na nilang hinihiling na magkaroon sila ng biyaya, ang magkaroon ng anak. Ipinangako nila na aalagaan nila nang mabuti ang magiging anak nila.
Excited nang pangalanan ni Arnolfo ang magiging anak nila. Marami na siyang naisip na pangalan na babagay sa anak nila ni Annie. Mapababae man o lalaki ay marami nang naisip at naihanda si Arnolfo. Ganoon siya ka-excited.
Samantala, si Annie naman ay hindi pa nakakaisip ng pangalan ng magiging anak nila. Hinihintay niya kasing lumabas ang resulta ng ultrasound niya sa susunod na linggo. Saka niya lang papangalanan ang anak nila kapag alam na nila ang kasarian ng bata. Kahit na ganoon ay excited na rin siya sa paglabas ng munting anghel ng pamilya nila. Sinong magulang ang hindi matutuwa sa pagsilang ng kanilang anak?
Nakatira lamang ang mag-asawa sa isang paupahan. Mula nang maikasal sila ay bumukod na sila. Maliit lamang ang bahay na inuukupa nila dahil hindi na kaya ng budget nila. Si Arnolfo lang ang may trabaho sa kanilang dalawa ni Annie kaya pinagkakasya nila ang buwanang sweldo ni Arnolfo lalo na't buntis ngayon si Annie.
Isang ganap na manager si Arnolfo sa pinagtatrabahuan nitong maliit na kompanya. Sapat lang ang kaniyang buwanang sweldo sa pang-araw-araw na gastusin ng mag-asawa. Hindi lang silang dalawa ni Annie ang binubuhay niya, pati na rin ang batang nasa sinapupunan ng asawa niya.
Kahit ganoon man ang estado ng kanilang buhay ay masaya at payapa pa rin silang namumuhay sa munting bahay nila.
Mabilis lumipas ang mga araw at ito na ang araw na pupunta ang mag-asawa sa ospital para magpa-ultrasound. Kung excited si Annie ay mas hinigitan pa iyon ng asawa niya.
"Dahan-dahan naman sa paglalakad, Mahal," reklamo ni Annie nang papasok na sila sa ospital. Itong asawa niya kasi ay parang may hinahabol sa bilis niyang maglakad.
"Hindi na ako makapaghintay, Mahal, eh." Ngumiti lang ito sa asawa. Napailing naman si Annie.
Agad na isinagawa ang ultrasound nang makapasok sila sa ospital. Nakahiga sa ospital bed si Annie habang tinabihan naman ito ni Arnolfo. Hawak-kamay ang mag-asawa nang tinitingnan nila ang monitor na nagsisilbing gabay nila para malaman ang kasarian ng kanilang anak.
Lumapad ang ngiti ni Arnolfo nang masilayan niya ang paggalaw ng anak niya. Muntik pa itong maiyak sa tuwa na nararamdaman niya ngayon.
Si Annie naman ay hindi na sa monitor nakatingin kundi sa asawa niyang tuwang-tuwa sa nakikita sa monitor. Kitang-kita niya kung paano nangislap ang mga mata ng asawa niya habang nakatutok ito sa monitor. Masayang-masaya ang asawa niya.
BINABASA MO ANG
November Rain (OLD CLASSICS SERIES #2) ✓
Short StoryReign x Ray - short story ***** In the cold November rain, a young woman's life is shaped by loss, heartache, and fleeting hope. As she cross through the storm of her existence, she meets someone who might change everything-but in the end, fate has...