2014
"Anong kurso ang gusto mong kunin, anak?"
Tahimik na kumakain si Reign kasama ang pamilya ng kaniyang tiyahin. Mataman lang siyang nakikinig sa usapan ng mag-ina.
"Nursing po, Ma. Gusto ko po kasing maging nurse," sagot naman ni Joan.
Kaga-graduate lang nila ni Joan sa high school. Nagtapos si Reign bilang Valedictorian sa buong paaralan nila. Nakatanggap siya ng maraming parangal dahil sa angkin nitong talino. Walang kahit na anong medalya o parangal na natanggap si Joan kaya inggit na inggit siya kay Reign no'ng araw ng graduation nila.
Ngayon ay abala na ang kaniyang Tita Rose sa pagtatanong sa kung anong kurso ang kukunin ng anak niya. Napag-usapan nila kung saang unibersidad papasok si Joan, kung kailan ang enrollment sa paaralan na iyon at kung ano-ano pa. Pinaghahandaan talaga nila ang pagtuntong ni Joan sa kolehiyo.
Ni hindi man lang tinanong si Reign.
"Ikaw naman," pagtutukoy ni Rose sa pamangkin nito na abala sa pagkain. Napaangat naman ng tingin si Reign sa tiyahin. "Huwag ka nang mag-aral at tumulong ka na lang dito sa bahay. Dadagdag ka lang sa mga gastusin," pagpatuloy nito.
Gusto niya sanang magsalita kaso mas pinili niyang manahimik na lang. Para kasing walang plano sa kaniya ang Tita Rose at na kay Joan lahat ng atensyon niya. Siyempre anak niya iyon kaya nararapat lang na bigyan siya ng atensyon pero paano naman si Reign? Ah, parang wala lang pala si Reign sa kanila.
Sayang ang katalinuhang taglay ni Reign kung hindi siya magpapatuloy sa pag-aaral. Gusto niya talagang mag-aral kaso ayaw naman siyang suportahan ng tiyahin niya.
Pumasok sa isipan niya ang mag-apply ng scholarship kaso kung matanggap naman siya, saan siya kukuha ng allowance sa pang-araw-araw na gastusin sa school? Ni ayaw nga siyang suportahan ng Tita Rose niya. Wala ring saysay ang pag-apply niya ng scholarship.
Parang hindi man lang kapamilya...
2016
Dalawang taon mula nang magtapos siya ng high school, si Reign ay tumuntong na sa edad na labing walo. Ano ang nangyari dalawang taon na lumipas?
Noong unang taon ni Joan bilang isang ganap na college student, ang tanging ginawa lang ni Reign sa taon na iyon ay tumulong nang tumulong sa pamilya nila. Pinagsisilbihan niya ang pamilya ng kaniyang tiyahin na wala man lang kabayaran sa lahat ng paghihirap niya. Ang sabi lang ng kaniyang tiyahin ay "Pinapakain at pinatuloy naman kita rito kaya sapat na kabayaran lang iyon sa pagsisilbi mo sa amin."
Tinuring nilang parang isang katulong si Reign sa pamilyang iyon.
Sa tuwing nakikita niya si Joan na pumapasok sa paaralan araw-araw ay hindi niya maiwasang mainggit at kaawaan ang sarili niya. Naiinggit siya dahil mabuti pa si Joan kahit na hindi katalinuhan ay nabigyan pa rin siya ng pagkakataon na makapag-aral sa kolehiyo. Naawa siya sa sarili niya dahil hindi ito ang gusto niyang kahihinatnan ng buhay niya. Gusto niyang mag-aral at gusto niyang mamuhay nang payapa pero kabaliktaran ang nangyayari ngayon sa buhay niya.
Nang sumunod na taon ay roon na niya naisipan na maghanap ng trabaho. Hindi na niya kayang tagalan ang pamamaltrato sa kaniya ng pamilyang iyon kaya gumagawa siya ng paraan para makaalis sa pamamahay na iyon at ang una niyang plano ay maghanap ng trabaho na maa-apply-an. Kapag nakahanap siya ng trabaho ay magkakaroon siya ng sahod at kung makakaipon siya ay magagamit niya para bumukod na.
Iyon nga ang ginawa niya. Sinubukan niyang mag-apply ng trabaho kahit saan. Sinubukan niya sa coffee shop, department store, at sa mga fastfood chain. Sa lahat ng sinubukan niya ay sa isang sikat na fastfood chain ang bagsak niya at isa siyang crew...sa Jollibee.
BINABASA MO ANG
November Rain (OLD CLASSICS SERIES #2) ✓
Storie breviReign x Ray - short story ***** In the cold November rain, a young woman's life is shaped by loss, heartache, and fleeting hope. As she cross through the storm of her existence, she meets someone who might change everything-but in the end, fate has...