Sa mundong puno ng panlilinlang at pag-iimbot, may isang nilalang na nakikita ang lahat mula sa Langitara.
"Sukdulan na nga talaga ang ugaling mayroon ang mga tao. Daang libong taon na akong nagtitimpi. Ilang beses ko na silang pinatawad, ngunit ang nagiging kapalit ay lalong kasamaan lamang. Kailangan ko na silang parusahan!" aniya sa kaniyang isipan habang hinahawi ang mga ulap upang panoorin ang nangyayari sa Pinagsibulan.
"Panginoon, kalamayin po ninyo ang inyong kalooban. Alam kong mali ang magbigay ng sariling opinyon, ngunit hindi po tamang parusahan ninyo ang mga mortal. Baka wala na pong matira sa kanila kapag inyong parurusahan," komento ng isang pilyong kerubin na si Likot.
"Ngunit napakaraming beses ko na silang binigyan ng pagkakataon. Taong dalawang libo at dalawampu at lima na. Bakit hindi pa rin sila nagbabago?" muling pagsisiwalat nito ng kaniyang damdamin.
"Naiintindihan ko po iyon. Bakit hindi po ninyo tingnan ang isang mortal na ito?" Itinuro ni Likot ang isang mortal na kaniyang nakikita sa paanan ng bundok ng Silang-Tuktuk.
Ngumunguso pa si Likot para lang masilayan ng kaniyang panginoon ang kaniyang itinuturo. "Siya si Laya DiMalinlang. Isang biyuda nang babae. Dalawang taon na lamang ay magiging apatnapu na siya at sa akin pang pananaliksik, ni minsan ay hindi pa ito nalinlang sa mga masasamang gawain. Baka po ay magbago ang inyong desisyon dahil sa kaniya, mahal kong Bathala."
Sandaling natigilan si Bathala. Matapos marinig ang sinabi ni Likot, masinsinan niyang pinagmasdan ang babae. Sa kaibuturan ng kaniyang damdamin, isang plano ang kaniyang naisip. Kaya naman, upang subukan kung malilinlang nga ba si Laya, naglaho ito sa tabi ni Likot at bumaba sa Silang-Tuktuk.
"Malimbung. Pudaugnon, tinatawagan ko kayo. Magsilitaw, ngayon din!"
Ilang minuto pa lamang nang kaniyang tawagin ang mga pangalan ng mag-asawang diyos at diyosa ng panlilinlang ay lumitaw ang mga ito sa kaniyang harapan. Lumuhod sila at nagbigay-galang.
"Kinalulugdan ka namin. Sumasaiyo ang aming katapatan. Ano po ang aming maipaglilingkod sa inyo, aming kamahalan?" magkasabay pa ang mga itong nagsalita.
Kumikinang at nakasisilaw ang kinis ng balat ni Malimbung habang si Pudaugnon naman ay litaw na litaw ang angking kagandahang lalaking taglay nito sa kaniyang matipunong katawan.
"Nais kong bigyan ninyo ng pagsubok ang isang mortal. Sa kaniyang magiging asal nakasalalay ang kaligtasan ng Pinagsibulan. Kung magagawa ninyong linlangin ang mortal na si Laya DiMalinlang, mananatili ang mundo ng mga mortal at hindi ko na ito kailanman parurusahan pang muli."
Mabilis na nagkatinginan pa ang dalawa. Ngunit alam na nila ang tinutukoy ni Bathala na mortal. Minsan na rin kasi nilang nalinlang ang mga magulang nito, ngunit kamatayan lang ang sinapit. Kaya nang marinig nila mula sa bathala ang ngalan ni Laya ay hindi maipinta ang ngiti sa kanilang mga labi.
"Sumasaiyo ang aming katapatan. Kami ay lilisan na at sisimulan ang misyon, mahal naming Bathala."
Tumango na lamang si Bathala at tuluyan na ngang naglaho sa kaniyang harapan ang mag-asawang manlilinlang. Pagkatapos niyon ay parang kidlat itong bumalik sa Langitara, muling lumitaw sa tabi ni Likot at nakapamaywang na pinagmasdan ang magiging kahihinatnan ni Laya sa kamay ng dalawang manlilinlang.
MAHIGIT isang linggo na ang lumipas, sa mundo ng mga mortal, tila hindi pa rin malinlang-linlang ng mag-asawa si Laya na gumawa ng masama. Kitang-kita niya ang inis at namumuong galit sa mukha nina Malimbung at Pudaugnon pagkat hindi pa sila nagtatagumpay.
Una sa listahan ng mag-asawa ay ang pagsunog sa mga pananim nito't maging ang kaniyang nag-iisang tirahan ay natupok ng apoy. Sumunod naman ay nilunod ng dalawa ito sa malalim na parte ng ilog. Minsan din nila itong binagsakan ng malaking puno, ngunit tila nasa kapalaran na ni Laya ang makaligtas. Ang huling ginawa ng mag-asawa ay ipalapa ito sa makamandag na ahas at ipapaslang sa kaparehong mortal.
BINABASA MO ANG
Legends Of The Forgotten (Filipino Version)
FantasyTatlumpung kuwento ng pag-ibig ng mga diyos at diyosang ibabalik mula sa nakaraan patungo sa kasalukuyan.