Payapa ang buwan. Nagniningning ang liwanag nito sa tuktok ng Bundok Kinangyan. Tanging mga ingay lamang ng mga kulisap, kuliglig ang maririnig.
Sa malamig na gabing iyon, naroon si Estrella Lihim—ang lihim na anyo ni Tala, ang diwata ng mga bituin na muling naghintay sa lalaking kaniyang napupusuan sa kaniyang paboritong lugar na kung tawagin ay Langit-Lupa.
Ayon sa mga kuwentong kutsero ng mga matatanda, ito ang lugar kung saan pinakamalapit na nagtatagpo ang langit at lupa. Dito rin natagpuan ni Tala ang kaniyang sariling bituin sa katauhan ng simpleng hiker na si Baste.
Ang hindi alam ni Tala na sa bawat pagkikitang iyon niya kay Baste ay nagmamasid na rin pala mula sa Langitara si Bathala, ang kaniyang ama at nakatatandang kapatid nitong diyosa ng buwan na si Mayari.
Pagkat hindi natutuwa ang dalawa na makitang nakikita si Tala na nakikihalubilo sa isang mortal. Panata na noon pa man, buhat nang nilikha ni Bathala ang mundo na ang mga diwata at mortal ay hindi dapat na magkita. Nang hindi na nga mapigilan ni Bathala ang galit, kinausap niya si Mayari.
"Hindi mo ba pinagsasabihan at ipinapaalala sa iyong kapatid na ipinagbabawal ang ganiyang pagtangi? Hindi ko nais na matulad siya sa iyo na umibig sa taong si Sandy!"
Ang kaniyang galit ay naipapahiwatig nito sa pasulpot-sulpot na mga kulog at kidlat sa Langitara.
"Hindi ko na dapat ipinaalala sa kaniya ang ating panata, Ama. Saka huwag mo nang ipaalala sa akin ang pinakamasakit na sinapit ni Sandy, Ama. Pagkat sa tuwing naalala ko iyon, sinisisi ko pa rin ang aking sarili sa sakripisyong ginawa niya para sa akin!"
Hindi man ito nakatingin sa kaniyang ama, ngunit makikita sa nanunubig nitong mga mata ang kirot ng kaniyang unang pag-ibig.
"Hindi ko ipinapaala sa iyo upang saktan ka. Ang akin lamang ay ayokong matulad sa iyo ang nangyayari ngayon sa iyong kapatid."
"At sa iyong unang pag-ibig rin kay Liway, Ama!"
Hindi na muli pang nagsalita si Bathala sa usaping iyon. Tinamaan rin ang kaniyang abang puso sa nangyari sa kaniyang pag-ibig kay Liway noon na hanggang ngayon ay pasan-pasan din niya ang sakit.
Nang gabing iyon, sa Langit-Lupa, muli silang nagkita ni Baste. May dala itong biskwit at 3-n-1 na kape. Dala rin nito ang isang maliit na thermos na may mainit na tubig. Nakangiti ito habang kumakaway sa kaniya.
Tila isang halik sa pisngi ang mga ngiting iyon sa puso ni Tala. Si Baste lang naman ang unang nagparamdam sa dyosa ng saya at kakaibang pintig sa kaibuturan ng kaniyang puso.
“Estrella, may dala ulit akong biskwit dito, baka gusto mong hatiin natin? Nagdala na rin ako ng thermos na may mainit na tubig at instant cofee,” sabi ni Baste, sabay alok sa kaniya ng isang biskwit habang ibinibida ang hawak na thermos at kape.
Sa simpleng pagpapatawa ni Baste sa kaniya ay kulang na lamang ay matumba si Tala sa kaniyang kinauupuan.
“Salamat, Baste. Sa Langitara ay wala kaming biskwit, kaya para sa akin espesyal ang bawat gabi kong kasama ka.”
“Talaga?” Ngumiti si Baste, abot-tainga iyon at may pagka-corny na bumanat, “Ibig sabihin, ako pala ang diyos ng biskwit?”
Napahagikhik si Tala, pero alam niyang mas komplikado kaysa sa iniisip ni Baste ang kanilang sitwasyon. Alam niya ang panganib sa patuloy nilang pagkikita. Ngunit sa bawat biro ni Baste, lumalalim ang pagtingin niya sa kaniya.
Nang makita ni Bathala at Mayari ang masayang pagsasama ng dalawa sa Langit-Lupa, hindi na nakatiis ang diyosa ng buwan.
Bumaba siya mula sa kaniyang trono at lumitaw ito sa harapan ng dalawa habang magkasamang nakaupo sa ilalim ng mga bituin.
BINABASA MO ANG
Legends Of The Forgotten (Filipino Version)
FantasyTatlumpung kuwento ng pag-ibig ng mga diyos at diyosang ibabalik mula sa nakaraan patungo sa kasalukuyan.